IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
MAGBIBIGAY BA KAMI SA “EMPERADOR?”
MT 22: 15-21
MENSAHE
Panginoong Hesus, sinabi mo po, “Ibigay sa emperador ang para sa kanya,” alalaong-baga, maging mabubuting Kristiyano sa aming tahanan sa mundong ito, mabubuting mamamayan na gumagalang at sumusunod sa aming mga lingkod pamahalaan. Subalit may mabibigat kaming katanungan:
Magbibigay ba kami sa emperador gayung baha ang kasunod tuwing may ulan? Kung ang mga kalsada at tulay ay lubak-lubak at mahina ang pagkakagawa? Kung namamatay ang mga tao na hindi nakakapasok ng ospital? Kung nakukulong ang maliliit samantalang nakatatakas sa ibang bansa ang makapangyarihan? Kung ang aming mga hinaing ay bunga ng kapabayaan, kasakiman, at pagsasawalang-bahala ng mga nasa kapangyarihan?
“Ibigay sa emperador ang para sa kanya at sa Diyos ang para sa Diyos,” ay bahagi ng dakila mong plano. At bagamat mahirap, may karunungan itong taglay. Opo, kailangan pa ring igalang ang mga opisyal ng gobyerno, suportahan, at makiisa sa kanila. Subalit dahil “ang para sa Diyos” ang higit naming inspirasyon, hindi na kami makikinig sa lumang mga pangako; hindi na magiging tapat sa mga pulitiko at mga dinastiya ng kanilang pamilya; hindi kami magaaway-away dahil lamang nasa magkabilang-panig kami ng pananaw at kuro-kuro.
Magbibigay kami sa emperador sa pamamagitan ng pagmamahal sa bayan higit pa sa pulitiko. Igagalang at aalagaan namin ang kapaligiran at kalikasan. Araw-araw kaming magta-trabaho nang tapat at kakalinga sa aming mga pamilya, sa mahihina, at mahihirap.
Panginoon, ibibigay namin sa iyo ang para sa iyo sa pamamagitan ng paghingi ng iyong gabay sa lahat ng isyu ng aming buhay, personal man o panglipunan. Ang pananampalataya namin sa iyo ang magiging ilaw upang lagi kaming mamuhay na may pag-asa, kabutihan, katarungan, dangal at paglilingkod sa isa’t-isa.
MAGNILAY
Ang pagmamahal sa Diyos at sa bayan ay hindi magkasalungat kundi magkaugnay. Huwag lamang tayong tumuligsa sa dilim kundi magsindi ng kandila ng pagbabago sa ating buhay. Maging laging tapat sa Diyos upang magabayan tayo sa tama at makatotohanang pagmamahal sa bayan.