IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A
NAG-UUMAPAW NA PAG-ASA
MT. 3: 1-12
MENSAHE
Ang panahong ito ng Adbiyento ay kaakibat ng kaloob ng Diyos na tinatawag na pag-asa, isang kabutihang-taglay ng bawat pusong nananampalataya sa Panginoon. Ipinahayag ni San Pablo sa mga taga Roma na ang lahat ng Kasulatan ay may isang pakay lamang: ang magpayabong ng pag-asa. Sa unang pagbasa matutunghayan ang larawan ng isang “tuod” ni Jesse, ang naputol o nabulok na puno, na biglang may suhay ng munting dahon, tanda ng pag-asa sa gitna ng tila kamatayan. Katatapos lang natin magdiwang ng Hubileo ng Pag-asa, subalit sinusundan pa rin tayo ng pag-asa ngayon, nag-uumapaw ito sa kasalukuyan at tutuwang ito sa pagtawid natin sa kinabukasan.
Ang kabaligtaran ng pag-asa ay ang panlulumo, ang pagkasiphayo, ang kakulangan ng tiwala sa mga pangako ng Diyos. Ngayon, sa gitna ng kulturang nagdiriwang ng positibo, tagumpay, at masayang ngiti sa social media, isang sampal sa atin na kayrami ding tao na walang pag-asa. Sa kultura ng mga selfie at mga posts kung saan pilit nating ipinapakita ang pinakamagaling, pinakamaganda at pinakamaginhawa, ang problema e di ba karamihan dito ay pagpapanggap lang, guni-guni lang, at maskara lang na nagtatakip ng tunay na kalagayan. Kasi sa likod ng ningning ng mga larawan, ay may balon na hindi mapuno-puno ng anuman, may kawalan ng pag-asa.
Nangungulila tayo sa pagmamahal na pupuno sa ating kalumbayan. Naghahangad tayo ng ugnayan na lulunas sa wasak nating puso. Naghihintay tayo ng kapatawaran na magtatama ng landas natin tungo sa bagong buhay. Ang ating pangungulila, paghahangad, at paghihintay – ito ay hudyat ng paghahanap natin ng kahulugan, pagtugis sa pag-asa, at pangarap sa kaganapan.
Ipinahayag ni Propeta Isaias at ipinangaral naman ni San Pablo ang pag-asa. Sa Mabuting Balita, natuklasan na ni Juan Bautista ang tunay na pag-asa ng mundo. Siya ay Iyong darating na makapangyarihan, puspos ng Espiritu, at marubdob tulad ng apoy. Siya lamang ang makapagbibigay pag-asa sa sangkatauhan – ang Anak ng Diyos, si Hesukristo.
MAGNILAY
Ano ang inaasahan mo ngayong panahon ng Adbiyento? Ano ang pinakamalalim na nais ng puso mong matupad na nga? Handa ka bang ilapit kay Hesus ang iyong kalagayan? Patuluyin natin ang Panginoong Hesus sa ating puso upang magpunla ng pag-asa na magiging kahulugan ng ating buhay.