Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A

IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A

GALAK SA PAGHIHINTAY

MT 11: 2-11

MENSAHE

Sa modernong panahon, tila parusa ang maghintay. Nakagawa ka ng plano, nagtakda ng pakay, at nangarap ng isang kaganapan. Subalit bago mangyari ang lahat, tila ba nakapaskil sa lahat ng lugar ang salitang “Maghintay ka muna!”

Naghihintay tayo sa tugon sa ating panukala. Naghihintay tayong mabigyan ng visa. Naghihintay tayo sa katiting na pirma para sa dokumento. At naghihintay tayo sa klinika ng dentista bago mapagbigyan ng pustiso o pasta. Misteryo talaga na sa panahon ng bilis ng transaksyon sa internet at sa kabila ng nausong one-click solutions, kailangan pa ding maghintay para sa mas mahahalagang bagay.

Masakit maghintay kung nagmamadalai ka pero hindi ka nagtitiwala. Nagaganap ito kapag nais natin ng mabilis na resulta na walang dinadaanang proseso, o kung nais nating makarating subalit ayaw nating maglakbay. Sa ikalawang pagbasa, inaanyayahan tayo ni Santiago Apostol na maghintay tulad ng isang simple subalit marunong na magsasaka, mahinahon, tiyak at nagagalak dahil puno ng tiwala.

Sa Mabuting Balita, itinuturo ng Panginoong Hesukristo kay Juan Bautista kung paano maghintay sa ganap na pagbubunyag ng Tagapagligtas. Sinasabi niyang dapat tahimik na magmasid sa mga kilos ng Diyos, na sumuko sa itinakdang panahon ng Panginoon, at na iayon ang puso niya sa kalooban ng Siyang may nakatataas na balak para sa lahat. Dapat maghintay si Juan na may tiyaga at galak, taglay ang kaalamang may mas higit na marunong at mas dakilang puso na naghahanda ng landas ng kaligtasan, kalayaan, at kapayapaan.

MAGNILAY

Ang mga higit na mahalaga ay laging hinihintay. Sa paghihintay mo, maging mas mabuti, mas mababang-loob, mas payapa, at mas nagtitiwala ka nawa sa kamay ng Diyos. Hingin sa Panginoon ngayon ang galak sa paghihintay na may pagtitiwala sa Diyos na siyang nagbibigay, at nag-aayos ng mga mabubuting bagay, sa Panginoon na ang puso ay laging bukas sa pagtanggap sa atin. Amen.