DAKILANG KAPISTAHAN NG PASKO 2025 TAON A
ANG PASKO AY HINDI A.I.
LK 2: 1-14
MENSAHE
Kaya natin ngayong gumawa ng situwasyon na hindi naman totoo. Kaya nating bumuo ng tila mga tao na sa totoo ay guni-guni lamang ng malikhaing computer. Kaya nating humabi ng magagarang larawan, dibuho, hugis at kulay na mula lamang sa imahinasyon ng isang gadget. Tuloy po kayo sa daigdig ng artificial intelligence o AI na tinatawag.
Pero isipin nga natin: Paano kung ang Sanggol sa Belen ay isa lamang munting robot? Paano kung ang pagbubuntis at panganganak ni Maria ay isa lang pangitain o likhang-isip niya? At kung ang tala sa madilim na langit ng Betlehem ay isa lamang lumilipad na “drone” at ang mga anghel ay isa lang palang “light show” ng mga malikhaing mga pastol? Paano nga kaya kung lahat ng inaalala natin ngayon, ang naganap higit 2000 taon na ang nakalilipas, ay gawa-gawa lamang ng isang sinauna subalit matalinong AI?
Kaya ng AI lumikha ng mga larawan. Kaya nitong gumawa ng mga tau-tauhan. Nagsusulat ito ng salaysay at nakapagpapalabas ng mga salitang mula lamang sa kaban ng computer at internet. Subalit may hindi magagawa ang AI: hindi nito makakayang bumuo ng tumitibok ng pusong nag-uumapaw sa pag-ibig, hindi nito kayang magpabago ng buhay sa kapangyarihan ng kapayapaan at sa bugso ng kagalakang mula sa langit. Hindi kaya ng AI mag-imbento ng Pasko sa Belen dahil ang Pasko ay lantay na pagmamahal. Ang pagkakatha ng AI (likhang-isip ng tao) ay kailanma’y walang panama sa Pagkakatawang-tao (dakila at dalisay na Pag-ibig) ng Diyos.
Hindi nakikipaglaro ang Diyos sa atin nang ibigay niya ang Pasko. Tunay na mahal niya tayo, ikaw, ako, ang buong mundo, nang isugo niya si Hesus, ang kanyang Bugtong na Anak upang maging Tagapagligtas, Manunubos, Panginoon… at Kapatid natin. Walang makapapantay sa dalisay na pagmamahal na dumadaloy mula sa sabsaban ngayon.
MAGNILAY
Pasko na, kaibigan. Tigilan na ang pag-aalinlangan sa pagmamahal ng Diyos para sa iyo. Kilala ka niya, ang lahat mong pagsusumikap at paghihirap. Nakikita ka niya sa liwanag at maging sa dilim na iyong pinagtataguan. At sa kabila ng lahat, mahal ka niya. Hindi virtual, kundi aktuwal. Hayaan mong ang Sanggol ng Betlehem, si Hesus, ang siyang humipo sa puso mo ngayon. At ikaw naman, sariwain mo ang tiwala mo sa kanyang pagmamahal. Maligayang Pasko!
Kilalanin si St. Sharbel ngayong Christmas season… https://familyofsaintsharbel-philippines.org/index.html )