Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

PUSPOS NG PAGPAPALA

MT 5; 1-12

MENSAHE

Ugali ng santang si Mother Teresa ng Calcutta na wakasan ang kanyang mga liham ng mga salitang “Pagpalain ka ng Diyos.” Ayon sa kanya, lahat ng tao ay masayang tumanggap ng pagpapala kaya masaya din siya kung makapagbahagi nito.

Sa Mabuting Balita ngayon, sinisimulan ng Panginoong Hesus ang kanyang buhay-publiko sa pamamagitan ng mga pagpapala o blessing. Ang pangaral ni Hesus tungkol sa “Mga Pinagpala” ay hindi lamang mga kaisipan kundi mga pagpapala sa mga nakikinig at nagbubukas ng puso sa kanya. Naparito ang Panginoon sa daigdig upang magdala ng pagpapala, pawiin ang sumpa ng kasalanan at kamatayan, at palayain ang isip at puso sa kapayapaan ng Diyos.

Binabasbasan ng Panginoon ang mga taong sa tingin ng mundo ay sawimpalad at hindi matagumpay. Sinasabing nagtapos ang huling aklat ng Lumang Tipan sa pagbabadya ng pagkawasak, isang sumpa (Mal 3:24); ang Bagong Tipan naman ay nagsimula, kay Hesus, sa pahayag ng mga kondisyon para sa mas masaganang grasya at kabutihan ng Ama, sa “Mga Pinagpala.” Subalit totoo bang mas mapalad ang mga dukha, maamo, nagdadalamhati, nagugutom, nauuhaw at pinag-uusig ng mundo? Hindi ba sila nasapawan na ng mga mayaman, makapangyarihan, matagumpay at matatapang ngayon?

Subalit totoo din na ang mga mistulang matagumpay at matatag sa lipunan ay nalilibot ng katakut-takot na presyur, kompetisyon, mga tukso, at nakapapagod na pagpapanggap sa kapwa. Samantala ang mga nasa laylayan ng lipunan, ang mga itinuturing ng Panginoong Hesus na pinagpala, ay tunay na mapalad kung nagbubukas ng puso sa presensya at paghahari ng Diyos. Sa Diyos nila natatagpuan ang kagalakan at kapayapaan na hindi maipagkakaloob ng daigdig.

Handa ba tayong tumanggap ng pagpapala ngayon at sa lahat ng sandali? Kailangan natin ng pusong nananalig kay Hesus – sa kanyang mga pangako, paanyaya, at hamon na sumunod at tumulad sa kanya. Ito ang susi ng tunay na biyaya.

MAGNILAY

Minsan naiisip mo bang tila hindi mabait ang universe sa iyo, na hindi patas ang buhay, na hindi mo natatanggap ang dapat sa iyo? Pag-isipan mo din kung paano ka hindi pinababayaan ng Panginoon na nagbibigay sa iyo ng tirahan, trabaho, pamilya at mga kaibigan. Sa maraming paraan, lubos kang mas mapalad kesa sa maraming nagdurusa ngayon. Manatiling malapit kay Hesus, nakikinig sa kanya at bukas sa mga grasyang ibinabahagi niya.