Home » Blog » IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

MATUNAW SA PAGLILINGKOD

MT 5: 13-16

MENSAHE

Tinatawag tayo ng Panginoong Hesukristo na maging mga alagad na tulad ng asin at ilaw. Mahalaga ang asin na pampalasa at pampatagal ng pagkain, subalit matapos itong gamitin, ang asin ay naglalaho na. Ang ilaw naman ang tumutulong para tayo makakita sa gitna ng dilim, subalit kapag nasindihan na, ang ating mata ay hindi sa ilaw nakatuon kundi sa bagay na ating minamasdan.

Ayon sa Panginoon, ito ang ating misyon, maging asin ng daigdig, ilaw ng mundo. Ang mga elementong ito ay kapwa hindi naghahanap ng atensyon sa kanilang sarili, kundi tumuturo sa ibang bagay. Si San Pablo na magiting na alagad ay naniniwala na ang kanyang misyon ay ipahayag si Kristong Ipinako sa krus, ang tunay at orihinal na asin at ilaw ng sanlibutan. Sa paglilingkod niya kay Kristo, unti-unti siyang naglaho sa likuran.

Hinahamon tayo ngayon na ipahayag din si Kristong Ipinako sa krus, ang tanda ng pagmamahal ng Diyos. Subalit hindi lang ipahayag siya kundi matuklasan siya sa ating paligid. Sa gitna ng kaguluhan sa pulitika ng ating bansa, kay daming tulad ni Kristo ay ipinapako din sa kahirapan, pagdurusa, karamdaman, pangungulila, at kawalang-katarungan. Kung atin silang paglilingkuran, maaaring matunaw ang ating pagiging asin at makalimutan ang ating liwanag, ngunit magaganap naman ang misyon natin mula sa Panginoon.

MAGNILAY

Kailangang-kailangan ngayon ng mundo si Hesus. Maraming nagdurusa at nahihirapan. Maaari ka bang maging asin at ilaw para sa kanila? Nakikita mo ba si Kristong Ipinako sa krus sa kanila? Nawa ay maganyak tayong paglingkuran sila, na hindi nagmamagaling sa sarili, kundi nagtuturo at nagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos na nasa ating puso.