IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA A
PAANO MABUKSAN ANG MGA MATA?
JN 4: 5-42
MENSAHE
Nabuksan ang mga mata ng babaeng Samaritan… dahan-dahan; lumawak ang kanyang paningin; lumawig ang kanyang pang-unawa; nadagdagan ang kanyang pananampalataya.
Una, nakita niya si Hesus bilang isang Hudyo, na katunggali ng mga Samaritanong tulad niya. Pagkatapos nahulaan niyang tila mas dakila si Hesus kaysa sa patriarkang si Jacob na gumawa ng balon na pinagsasalukan niya ng tubig. Nang lumaon, matapos ang pangako ng Panginoon na magbigay ng tubig ng nagbibigay buhay, naisip niyang ito na yata ang Mesiyas, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos.
Paano nabuksan ang mga mata ng babaeng ito? Paano naging mas tiyak at mas matatag ang kanyang pang-unawa at pananampalataya? Ito ay dahil hindi siya umiwas sa Panginoon kundi nakipagtalastasan pa nga na may tiwala at katapatan. Nanatili siya sa piling ni Hesus at pinabayaan niyang ang kanyang presensya at mga salita ay tumimo sa kanyang puso.
Anuman ang kalagayan ng ating pananampalataya ngayon, mahalagang manatiling nakaugnay sa Diyos, maglaan ng panahon sa kanyang piling, ipahayag sa kanya ang pagkauhaw natin sa buhay, at palaguin ang ating relasyon sa kanya.
MAGNILAY
Ang Kuwaresma ay panawagan sa mas malalim na pakikipagtagpo sa Diyos sa panalangin. Handa ka ba sa seryosong panalangin, sa karagdagang mga panalangin, sa panalangin ng pagtitiwala at pagsuko? Habang ginaganap natin ang mga panalangin ng Kuwaresma, ang pag-aayuno at pagsasakripisyo, kunin natin ang pagkakataong ito na mapawi ang uhaw natin kay Hesus, ang tubig na buhay na ating inaasam.