IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA A
MULING BUHAYIN ANG ESPIRITU
JN 11: 1-45
MENSAHE
Bago pa ang mga imbensyon sa medisina at teknolohiya, may mga paraan na upang mapatunayan kung namatay ang isang tao. Una, pinagmamasadan kung may hininga pa; pag wala na, e patay na. Pinapatakan ng kandila ang pilikmata; pag hindi nasaktan, patay na nga. Minsan kinakagat ang mga daliri, sinasalat ang pulso, inuuga ang katawan… kapag walang reaksyon, lumisan na ang kaluluwa ng tao.
Tinutukoy ng Kuwaresma ang kamatayan, hindi pisikal kundi espirituwal. Dahil kasi ito ay hindi bahagi ng orihinal na plano ng Mapagmahal na Diyos, Ama at Manlilikha, na nais maranasan ng tao ang kanyang sariling buhay. Pumasok ang kamatayan sa daigdig gawa ng kasalanan at naging simbolo ng kahinaan, karupukan, at kawalang kapangyarihan ng tao sa mundo.
Binibigyang-diin ng mga pagbasa ang hangarin ng Diyos na magbigay, magbahagi, at magpahaba ng buhay. Hindi nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga patay; kaya nga ayon kay Ezekiel, nais muna niyang buhayin sila upang manariwa ang ugnayan sa kanila. Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, tinitiyak namang ang mga tagasunod ni Hesus ay hindi mamamatay dahil taglay nila ang Espiritu ni Kristo na nabuhay na mag-uli. Sa Mabuting Balita, isinasalaysay ang muling pagkabuhay ni Lazarong kaibigan ng Panginoon, matapos mamatay ng apat na araw, subalit sa tinig ng Panginoon ay nagbalik sa buhay na kalagayan.
Balang araw, mararanasan natin ang pisikal na kamatayan. Subalit araw-araw nariyan ng pagkakataong mamatay na espirituwal. Sa Kuwaresma narito ang pangako ng Panginoong Hesukristo na ipagkakaloob ang Espiritu Santo sa mga makikinig at susunod sa kanya. Nagaganap ang pagkakaloob ng Espirito lalo na sa Kumpisal kung saan napapawi ang alingasaw ng kamatayan at nababalot tayo ng halimuyak ng Espiritu Santo sa ating kaluluwa.
MAGNILAY
Bago matapos ang Kuwaresma, naranasan mo na ba ang bago at walang hanggang pagmamahal? Nais mo bang mapuno ng pakikipag-ugnayan sa Diyos Ama at Diyos Anak sa pamamagitan ng Diyos Espiritu Santo? Panginoon, pahintulutan mo pong ialay ko sa iyo ang mga namatay na bahagi ng aking buhay sa Kumpisal, upang maranasan ko ang galak ni Lazarong iyong kaibigan. Amen.