IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY A
ANG PINTUAN NATIN AY ANG KANYANG PUSO
JN 10: 1-10
MENSAHE
Habang nagdaraan sa isang maliit na baryo sa probinsya, napinsan kong kakaiba ang pamayanan nila: ang mga bahay ay hindi hiwalay sa kapitbahay sa pamamagitan ng sementado o metal na bakod kundi ng mga buhay na halaman na nakahilera na siyang tanda ng kanilang pag-aari. Ibang-iba sa lungsod kung saan pataasan ng bakod at sa pasukan ay may matibay at malaking pintuan o gate na may cctv camera, padlock, at minsan may guwardiya pa. Ang gate o pintuan ng bakod ay tanda ng takot, kawalang-katiyakan, at pagkakabukod ng may-ari ng bahay sa kanyang mga kalapit bahay.
Ang kulungan ng mga tupa ay may mabuting proteksyon din, kahit pa gawa lang ito sa simpleng kahoy at alambre. Kalimitan may pintuang kahoy kung saan pumapasok at lumalabas ang mga tupa. Subalit bukas man o sarado, hindi naroon ang gate upang ikulong at ibukod ang tupa kundi upang salubungin sila, at palabasin sila sa panahon ng panginginain sa parang. Ang pintuang ito ay tanda ng pagtanggap, kaligtasan, pangangalaga, at katiwasayan.
Inihalintulad ng Panginoong Hesukristo ang sarili sa pintuan bago pa man sa pagiging pastol. Sa tulong nito, nais niyang ipahayag ang kanyang bukas na puso, handang tumanggap sa lahat at magbahagi ng umaapaw na pagmamahal ng Ama. Sa pagpasok sa kanyang puso, nararamdaman ng lahat ang galak na mapabilang sa mga tupa, sa mga mananampalataya, na nakakasumpong ng proteksyon at kaligtasan sa yakap ng Panginoon. Ang pintuang ito ay hindi nakakandado, nakasarado, o nakapako; sa halip, may kalayaan dito na maglingkod at magmahal. Ito ay laging saganang espasyo para sa nangangailangan ng kalinga ng Diyos.
Ngayong panahon ng Pagkabuhay, narito si Hesus na nag-aanyaya na makiisa sa kanya at sa kanyang Kawan. Siya ang Pintuan ng langit at kapag tinanggap natin siya sa Eukaristiya at mga sakramento, nakabukas ang mga bisig niya na tanggapin, basbasan at pangalagaan tayo.
MAGNILAY
Habang nagninilay tayo kay Kristong Muling Nabuhay, pumasok tayo sa pamamagitan niya, sa mag-anak ng Diyos. Hilingin natin ang biyaya ng Espiritu Santo na naisin lamang ang puso ni Hesus bilang himlayan ng ating buhay.
LET US CONTINUE TO PRAY FOR PEACE! RISEN CHRIST, HEAR US!