Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 9: DOON MAGMUMULA, PARIRITO AT HUHUKOM SA NANGABUBUHAY AT NANGAMATAY NA TAO

SUMASAMPALATAYA AKO PART 9: DOON MAGMUMULA, PARIRITO AT HUHUKOM SA NANGABUBUHAY AT NANGAMATAY NA TAO

Magandang araw po sa inyong lahat. Ngayon ay patuloy nating pag-aaralan ang bahaging ito ng panalanging Sumasampalataya Ako o Kredo.

Itong pangungusap na ito ay tumutukoy sa tinatawag po natin na “End of the World” o “Katapusan ng Mundo.” Pero ayon sa isang theologian, si Rudolf Bultmann, sabi niya, ang ideya na ito o kaisipang ito tungkol sa end of the world o katapusan ng mundo ay matagal nang itinapon ng modernong tao. Sino daw bang matinong tao ang makukumbinse na bigla na lang magugunaw ang mundo? Na bigla na lang maglalaho o malulusaw ang ating daigdig? Ang sabi niya, 2000 years ago na mula nang sabihin ng Panginoon iyong kanyang mga prophecy tungkol sa pagkawasak o iyong wakas ng mundo, iyong Katapusan ng Mundo.

Pero hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin tayo. Kaya maraming mga tao ang hindi naniniwala na ito ay magaganap. At actually, kapagka sinabing end of the world, hindi naman po talaga ang tinutukoy nito ay iyong katapusan ng pisikal na daigdig.

Hindi ito ang pangunahing kahulugan nito. Iyong pagkatupok at pagsabog ng planet earth na laging laman ng mga pelikulang sci-fi. Pag nanonood kayo ng mga sci-fi film, di ba? Biglang mayroon doong tungkol sa pagkawasak ng mundo.

Hindi po iyon. Hindi iyong pisikal na mundo ang tinutukoy ng ating panalangin. Ang tinutukoy ay ang “katapusan ng mundo ng tao” – ang “mundo ng kasaysayan” ng tao. Iyon bang klase ng mundo na meron tayo ngayon. Iyan ang gustong baguhin at gawing ganap ng Diyos. Iyon nga lang po, kapag nagbasa tayo ng Bible, makikita natin doon, iyong pangyayari sa buhay ng tao ay laging nakapaloob sa pangyayari sa pisikal na mundo o kosmos na tinatawag.

At minsan nga iyong pangyayari sa buhay ng tao ay nakapaloob pa sa mundo ng pulitika na siyang nagaganap noong panahon na iyon sa buhay ng mga Hudyo o kaya ng mga unang Kristyano. May kakaibang pananaw kasi ang Biblia tungkol sa mundo. Para sa Biblia, hindi maaaring paghiwalayin ang tao at ang mundo.

Lagi silang kabilang sa isa’t isa. Lagi silang magkasama. Walang mundo kapag walang tao. Hindi po ba? Paano nga naman magkakaroon ng mundo kung walang tao? Sino ang magbibigay ng kahulugan ng saysay sa nagaganap sa daigdig na wala namang tao nag-iisip o nagminilay dito? At wala din namang tao kung walang mundo. Sapagkat ang tao ay titira, mananahan sa mundo. Kapag walang mundo, tiyak na ang tao ay hindi rin iiral.

Ang mundo ang tirahan ng tao. Minsan, ang mundo at tao ay magkasalungat. Hindi po lagi na naga-agree o suma-sangayon sa isa’t isa ang mundo natin at ang ating pagkatao.

Pero ang mahalaga dito, sa bandang huli, ang mundo at tao ay magkaugnay, tungo sa isang direksyon. Papunta sa isang direksyon lamang. At iyan ay walang iba kundi si Kristo.

Si Hesukristo, ang ating Panginoon, ang magdadala sa mundo at sa tao sa isang ugnayan ng pagmamahal, paggalang, pagkakaisa. Siya ang mag-aangat dito sa mundo at tao, mula sa buhay na makalupa, iyong tinatawag nating “bios” sa Griyego… tungo sa buhay na ganap at kasiya-siya, buhay na walang hanggan, iyong tinatawag ng mga Griego na “zoe.” Katulad na rin ang nabanggit natin doon sa una nating pagtalakay tungkol sa pagkabuhay na muli ng Panginoong Hesuristo. Kaya iyan pala ang pakay ng Panginoon.

Dalhin ang tao, kasama ang mundo, tungo sa buhay na walang hanggan. Mula sa makalupang pag-iral, tungo sa pananahan sa walang-hanggang kaligayahan ng Ama. Kaya ang daigdig natin o mundo natin ay hindi lang po iyang background na ginagalawan ng mga tao.

Ang mundo mismo, kumikilos din. Ang mundo umiinog, gumagalaw. Hindi lamang iyong kasaysayan ng tao ay nakapaloob sa mundo, kundi mismo ang mundo ay may kasaysayan din.

Ang mundo ay gumagawa ng kasaysayan. At ang kasaysayan ng mundo ay kumikilos sa isang direksyon. Ang direksyon ito ay laging pasulong, paabante.

Kaya nga po sa mundo natin, di ba, iyong nakaraan laging naiiwan iyan eh. Sapagkat ang ating mundo ay laging umiinog patungo sa future, sa kinabukasan. Kahit doon sa tinatawag sa science na ebolusyon, di ba makikita natin doon, sabi, nagsimula daw ang daigdig sa pamamagitan ng alabok.

Mula sa alabok na iyan, unti-unti nagkaroon ng organisms, mga bakteriya, mga atoms, mga cells, molecules, at unti-unting nabuo at sumibol ang mga bagay na may buhay. Mula doon sa walang buhay, nagkaroon ng unti-unting buhay. At iyong simpleng mga bagay na may buhay, nag-evolve pa iyan sa mas komplikado pa ang mga bagay na may buhay.

Halimbawa nga po iyong mga nagsimula sa bakteriya, tapos naging halaman, naging isda, naging hayop, at sa huli ay may tao na nagpatuloy ng buhay at nagbigay pa nga ng saysay sa buhay. At hanggang ngayon, ang daigdig natin po ay umiinog pa rin. Nagbabago, pasulong pa na naglalakbay, tungo sa kanyang destinasyon.

Ayon sabi sa Bible, ang ating mundo ay mayroong Alpha at Omega. Merong simula at mayroong wakas. Ang daigdig o mundo ay may simula, at ngayon ay naglalakbay naman ito tungo sa Omega, sa kanyang kaganapan, sa kanyang wakas.

At ang wakas na ito, na tinutumbok ng pag-inog ng mundo, ay hindi isang bagay na walang buhay. Galing na tayo dun eh, dati. Kaya hindi na tayo babalik sa alabok.

Itong pasulong na lakad na ito ng mundo, ang tinutumbok nito ay isang bagay na may mas mataas na komposisyon. May mataas na antas ng buhay. Kaya nga ang tinutumbok ng mundo sa kanyang pag-inog ay actually isang diwa, isang espiritu, isang isip.

Kasi ang isip, diwa at espiritu, ito ang nagbibigay ng kahulugan at katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang nagdudulot ng buhay at ng kahulugan sa buhay. Sa panahon natin ngayon, nababalot ng technology ang ating mundo.

Naku kay dami at kay bilis din ng mga bagong inventions, ng mga bagong developments sa science at technology. At ang dami din nating mga gadgets na ginagamit para tayo ay maka-catch up sa ganitong mga teknolohiya. Pero tandaan natin, hindi itong technology ang taluktok ng ebolusyon.

Hindi ito ang taluktok ng pag-inog ng mundo. Hindi ito ang pinakarurok ng buhay ng tao. Sapagkat sa ganang kanyang sarili, ang technology ay hindi kayang magbigay ng kahulugan sa buhay ng tao.

Oo nga, ang technology nagbibigay sa atin iyan ng entertainment, ng information, ng means of communication, very fast. Halimbawa, iyong internet, telepono. Pero, ang technology nagbibigay din sa atin ng panganib.

Dahil sa technology, nagagamit ito sa panloloko, sa mga scam sa internet. Ang dami nang naloko, ang dami nang ninakaw dahil sa mga ganitong paraan. Ang technology din nagdudulot ng depresyon sa mga tao na lulong sa technology pero naiingit o nangihinayang kapag nakikita nila iyong mga picture, profile, selfie ng iba na tila ang saya-saya o kaya masyadong maunlad, tapos sila parang napag-iwanan.

At marami ding iba’t ibang mga corruption at maging mga karamdaman ng katawan at ng isip na dala ng mga makabagong invention. Kaya po iyong end of the world, hindi katumbas niyan iyong triumph of technology o iyong tagumpay ng teknolohiya kasi wala namang buhay ang teknolohiya. Hanggang doon na lang ba tayo? Hindi po.

Ang tinutumbok natin ay buhay. Ang hinahanap, ang pinupuntahan, tinutumbok na nilalakbay natin ng tao at ng mundo kapwa ay walang iba kundi isang bagay na may buhay. Ang Omega na ating destinasyon para sa mga Kristyano ay isang ikaw, isang tao, isang individual.

Hindi idea lamang iyong ating hinahanap sa kinabukasan. Hindi idea lamang iyong ating patutunguhan kundi tao. At hindi basta tao.

Bilang mga kristyano, naniniwala tayo na ang ating destinasyon ay ang Diyos na nagkatawang tao para sa atin. Ang kinabukasan pala ng mundo at ng kasaysayan ay hahantong sa isang tao, sa Diyos na nagkatawang tao. Kaya may mahalagang kinalaman dito ang pananagutan.

Hindi lang umuusad ang mundo na parabang otomatik na kahit hindi mo isipin, kahit wala kang pakialam, narating ang bukas at isa pang bukas at isa pang bukas at isa pang taon. Hindi. Sa bawat pag-usad ng mundo at sa bawat pag-usad ng buhay ng tao, may kasama ng mga pasya at mga desisyon tayo na ginagawa.

Kaya nga pagharap natin doon sa omega ng ating buhay, pangangatawanan din natin ang ating mga kilos at mga pasya. Sapagkat pagharap natin sa Kanya, huhusgahan Niya ang mga ito. Sa pagbabalik ng Panginoon, dala Niya ang kaligtasan.

Tama. Pero sa pagbabalik Niya, dala din Niya ang paghuhukom o judgment. Kaya sinuman na naniniwala kay Kristo sa Panginoon ay sigurado sa dalawang bagay.

Una, naniniwala tayo sa grasya, na buo ang grasya na ibinibigay sa atin ng Diyos, na nagpapalaya sa atin sa ating karupukan at kahinaan. Pero pangalawa, naniniwala din tayo sa tinatawag ng responsibility, sapagkat may napakalaking pananagutan na isabuhay natin ang grasya, ang biyaya na binibigay sa atin ng Diyos araw-araw. Payapa tayong nabubuhay, payapa tayong nakakagawa ng gusto natin gawin at dapat gawin, dahil sa umaapaw na kabanalan at umaapaw na katarungan na walang iba kundi si Kristo Hesus na nagbibigay sa atin ang buhay at lakas.

Tayo pa naman, mga tao, mas malakas ang kapangyarihan nating mangwasak, di po ba? Kesa sa kapangyarihan nating magbuo. Mas malakas ang tendency natin na manira kesa doon sa magbuo ng ating kapwa, ng ating sarili, ng ating mundo. Pero nang dahil kay Hesus, ang kapangyarihang magbuo ay higit na naging makapangyarihan.

Sapagkat nakikita na natin sa Kanya ang bukal ng malalim na kalayaan, ang karunungan ng walang hanggang pagmamahal, na kahit kitang-kita niya ang ating kahinaan at kamalian, patuloy niya tayong minamahal. Kaya nga tayo nagkaroon ng pag-asa, nakita natin na pwede pala tayong magbago sapagkat si Hesus mismo binigyan tayo ng pagkakataong magbago. Dahil sa Kanya, napawi ang kasamaan ng ating mga kilos, ng ating kakayahang mangwasak.

Ito ay nalupig. Lahat ay napasakamay ng Diyos sa Kanyang kabutihan. Subalit ang isang Kristyano, bagamat pinalaya na ni Hesus, ay hindi naman maaring gawin kahit ano ang gusto niyang gawin.

Dahil lang ba tayo pinalaya ni Hesus, minahal, binigyan ng grasya, lahat ng bagay pwede na natin gawin habang umiinog ang mundo natin at umiinog din umuusad ang ating buhay? Hindi po. Alam ng isang Kristyano na kailangan din siyang managot sa bawat niyang mga kilos. May pananagutan dahil haharap tayo sa isang may kapangyarihan na sumusuri at magtatanong sa atin tungkol sa ating buhay.

Doon po sa Last Judgment na tinatawag o sa Huling Paghuhukom, alam natin, seryoso ang magiging pakikipagtagpo natin kay Kristo, ang magiging encounter natin sa Kanya. Seryoso ito dahil sineseryoso Niya tayo eh. Mahalaga tayo sa Kanya.

Siya ang nagbibigay sa atin ng dangal bilang mga tao. Kaya Siya din ang may karapatang sumuri sa ating isip, wika at mga gawa sa mundong ito. Doon sa ating pananampalatayang isinasaloob at ipinapahayag, sabi natin, doon Siya ay maghukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.

Ang ibig sabihin po nito, Siya lamang ang tanging may karapatan na humusga sa atin. Kaya nga sabi ng “eat bulaga,” bawal ang judgmental. Sa mundong ito huwag kayong maging judgmental.

Bakit? Dahil sa totoo lang, may isang hukuman lamang kung saan naroon ang katarungan na bumubukal sa tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig na walang katarungan, hindi iyan totoong pag-ibig. Iyan ay balatkayo lamang.

Ang tunay na pag-ibig ay umaapaw sa katarungan. At hindi lang umaapaw, lumalampas pa, lumiligwak pa sa katarungan. Subalit hindi sumisira sa katarungan. Na siyang pangunahing anyo ng pag-ibig. Dapat huwag nating kalilimutan na sa paghuhukom ng Panginoon, laging may dalawang elemento. Pag-ibig at katarungan.

Dahil sa pag-ibig, ang mga unang Kristiyano at pati tayo ngayon, sumisigaw tayo, Maranata! Come Lord Jesus! Halina Panginoong Hesus! Bumalik ka na! Dumating ka nang muli sa aming buhay! Punong-puno tayo ng pag-asa at kagalakan sa pagbabalik ng Panginoon. Pero kasama dun sa kagalakan na iyon, alam din natin na tayo ay huhusgahan niya tayo sa katarungan. Pero ang mahirap lang, nagkaroon ng maling tendency eh.

Halimbawa, mula noong Middle Ages, ang binigyan ng focus lagi ng mga tao ay iyong katarungan lamang. Na si Hesus ay babalik bilang hukom, hukom na huhusga, hukom na magbibigay sa atin ng parusa, na manunuri sa atin at titignan tayo kung saan tayo nagkulang. Kaya tuloy ang mga tao na puno ng takot at sindak sa Panginoon.

Nangamba sila at ang feeling nila ay para bang isang malaking panganib sa buhay kapag nakaharap natin ng Diyos. Napako ang isip ng tao sa moralidad lamang, na wala iyong kasariwaan ng kagalakan at pag-asa na nagmumula kay Kristo. Para sa mga unang Kristiyano, ang pagbabalik ni Hesus at ang Kanyang paghukom ay isang karanasan ng awa at habag ng Diyos.

Doon sa second coming, doon sa last judgment, ang pinakamahalaga pala dyan ay iyong mercy of God. Dahil si Hesus ang ating judge, ang ating hukom, kaya tayo ay may pag-asa dahil alam natin punong-puno siya ng pagmamahal at pag-unawa sa atin. Ipinagkatiwala ng Diyos ang paghukom sa Kanyang anak sapagkat iyong Kanyang anak ang tunay na nakakakilala sa atin.

Hindi siya stranger e sa buhay natin. Bakit? Dahil kilala niya tayong lubos bilang mga tao. Imagine, siya ay Diyos pero naging tao, nagkatawang tao upang maging tulad natin, upang mabuhay, upang mamatay at upang mabuhay na muli.

Para sa atin na Kanyang mga kapatid. Kaya nga po, ang araw ng paghukom, bagamat mayroong elemento ng katarungan at dapat tayo ay managot sa anumang ating mga ginagawa sa buhay, unang-una ito ay puno ng pag-asa. Hindi takot, sapagkat iyong babalik muli siya na huhusga sa nangabubuhay at nangamatay na tao ay babalik para hanguin tayo sa takot at sindak ng mundong ito.

Tulad ng sinabi niya sa mga alagad noong muling pagkabuhay. Di ba ang sabi niya? Huwag kayong matakot, ako ito. Sa Last Judgment, pagharap natin sa Panginoon, iyan din na una niyang sasabihin sa atin.

Huwag kayong matakot, ako ito. Si Hesus, ang inyong Panginoon, ang inyong Diyos, pero ang inyo ding kapatid. Sana po ay nakatulong sa pagbibigay liwanag ang paliwanag na ito, ang ating refleksyon na ito, sa panalanging sumasampalataya.

Sa susunod ay tatalakay naman natin ang “Sumasampalataya ako sa Diyos Espiritu Santo.” Maraming salamat po sa inyong pagsubaybay, ang aking patuloy na paanyaya. Napakaraming mga katoliko ang nakikinig sa paliwanag sa ibang sekta o relisyon. Pero kulang na kulang iyong pagpapalalim natin ng pag-aaral tungkol sa ating pananampalataya. At dapat iyong ating pagpapaliwanag sa ating pananampalataya ay malalim.

Hindi lang iyong dinadaan sa jokes o sa kwento, kundi tunay na malalim para nang sa gayon tumimo sa ating puso at balang araw ay maisabuhay natin. Maraming salamat po sa lahat ng mga sumusubaybay. At pagpalain nawa kayo at ang inyong pamilya ay ingatan ng Panginoon.

Amen.