Home » Blog » IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY A

IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY A

ANG DAAN…

JN 14: 1-12

MENSAHE

Tila alam mo na ba ang Mabuting Balita na ito? Oo, kasi pareho ito na pagbasa sa bawat Misa sa paglilibing. Kaya madaling sabihin na alam na natin ito, o na may saysay ito sa pamamaalam sa minamahal. Nakalulugod talaga, pero para sa mga yumao…

E ganoon nga ba? Sa puso ng pagbasa, naroon ang maringal na pahayag ni Hesus: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” Ang tatlong bagay na ito ang mga hangarin ng ating puso, para sa ating sarili, at para sa kapwa tao.

Hinahanap natin ang daan: hindi lang ang landas na tatahakin o tutularan o ang daan para matakasan ang sigalot; nais nating matuklasan ang kahulugan ng buhay natin, ang halaga ng ginagawa natin, ang kabuluhan ng pagkatao natin. Naghahagilap tayo sa katotohanan: hindi upang tumalino o dumunong lang kundi upang maging tiyak tungkol sa mga bagay sa ating mundo at sa ating puso. Naghahabol tayo sa buhay: hindi lang sa kuntentong buhay kundi sa buhay na lumalago, lumalawak, at dumadaloy sa iba.

Hanggang hindi natutupad ang ating pakay na ito, nalulugmok tayo sa kalungkutan, takot at walang katiyakan. Kaya nga dumarating ang Panginoong Hesukristo na nagsasabi: Huwag kayong mabahala;… manalig sa Diyos… manalig sa akin. Siya ang nag-aalay ng kaloob ng pakikipagtagpo upang makamtan natin ang ating mithi na daan, katotohanan, at buhay. Matatagpuan natin ang tatlong ito hindi sa mga bagay, kundi sa kanya, na isang buhay na Persona na siyang may kapangyarihang magdulot ng mga ito dahil siya ang Muling Nabuhay.

MAGNILAY

Ang Pagkabuhay ay paanyaya na maging seryoso sa pagtanggap sa hamon ni Hesus na makatagpo siya, na makaulayaw siya, na makilakbay sa kanya sa panalangin, sa simbahan, sa mga gawang kabanalan at kabutihan sa kapwa. Ipaubaya natin sa kanya ang ating mga kamay upang punuin niya ang mga yamang inilalaan niya para sa atin.

LET US CONTINUE TO PRAY FOR PEACE! RISEN CHRIST, HEAR US!