Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 1: ANO BA ANG PANANAMPALATAYA?

SUMASAMPALATAYA AKO PART 1: ANO BA ANG PANANAMPALATAYA?

Magandang araw po, mga kapatid. Ngayong araw na ito ay sinisimulan natin ang isa na namang pag-aaral, isang pagminilay. At ito ay tumutukoy sa panalangin na Sumasampalataya Ako.

Ito po ay naglalayon na palalimin natin ang ating pang-unawa sa ating pananampalatayang Kristyano, sa ating pananampalatayang Katoliko.

Sa Latin, ang tawag sa panalanging “Sumasampalatay Ako” ay “Credo.” Ang ibig sabihin po ng Credo o Creed (maaaring isulat sa Tagalog na “Kredo”) ay Pananampalataya o Sumasampalataya Ako. Pero bago natin puntahan ang panalangin, unawain muna natin kung ano ba talaga ang kahulugan ng Pananampalataya.

Karaniwan, kapag sinabing Pananampalataya, ano po ang pumapasok sa inyong isip? Hindi ba karaniwan iniisip natin paniniwala? Kapag ikaw ay nananampalataya, ibig sabihin you believe in something. Naniniwala ka sa isang bagay. Pero kung tutuusin po, mas malalim o mas malawak pa doon ang kahulugan ng Pananampalataya.

Ang Pananampalataya ay higit pa sa paniniwala. Gustong gusto ko ang simple pero halos kumpletong paglalarawan na ibinigay dati sa isang aklat na ginawa o sinulat ni Bishop Bacani tungkol sa Pananampalataya. Ayon kay Bishop Bacani, may tatlong sangkap o may tatlong bahagi na hindi maaaring paghiwalayin ang Pananampalataya.

May tatlong sangkap o tatlong bahagi na laging magkakaugnay, magkakasama. May tatlong sangkap o bahagi na may kinalaman sa isa’t isa kaya hindi maaaring kaligtaan ang isang sangkap o bahagi nito. At para kay Bishop Bacani ang sabi niya, ang tatlong sangkap o bahagi ng Pananampalataya ay Paniniwala, Pagtitiwala, at Pagtalima.

Isa-isa po natin ngayong talakayin ang tatlong sangkap o bahaging ito ng tinatawag na Pananampalataya. Una, nandyan ang tinatawag na Paniniwala. Ano po ba ang Paniniwala? Ang Paniniwala ay ang Pananampalataya ng isip.

PAG-IISIP/ PANG-UNAWA

Hindi ka maaaring manampalataya sa isang bagay kapag hindi mo alam ang bagay na iyon. Dapat mo itong malaman. Dapat mo itong maunawaan.

Dapat mo itong saliksikin. At syempre, dapat tanggapin ng iyong isip ang bagay na ito. Bago mo ito paniwalaan.

Iyan ang kahulugan ng Paniniwala. Ang Paniniwala ay nagaganap sa antas ng pag-iisip. Ang Paniniwala ay nagmumbula sa pag-aaral, halimbawa at kaalaman, sa mga bagay na ibinubunyag sa atin ng Diyos.

Naniniwala tayo dahil sa Salita ng Diyos, sa Biblia, at sa Tradisyon ng simbahan na itinuturo at ipinapasa sa atin. Naniniwala tayo dahil natutunan natin ang ating Pananampalataya doon sa aral ng Katesismo. Naniniwala tayo dahil sa paliwanag na narinig natin sa mga lider ng simbahan, halimbawa kapag nagturo ang Santo Papa o kaya nagsimba tayo at nakarinig tayo ng paliwanag ng pari tungkol sa isang bagay na may kinalaman sa Pananampalataya o sa gabay ng mga tagapagturo ng Pananampalataya tulad ng mga theologians o mga katekista.

Naniniwala tayo sapagkat ito ay itinuro sa atin. Ito ay naunawaan natin at tinanggap din natin. Ito po ang tinatawag na Pananampalataya ng Isip.

Ang paniniwala ay Pananampalataya ng Isip. Ito ang paniniwala sa mga katotohanan at aral na binunyag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita at sa gabay ng simbahan. Sa Bible, makakakita tayo ng mga halimbawa ng paniniwala o Pananampalataya ng Isip.

Halimbawa po sa Deuteronomy 6.4, dito natin makikita iyong parang mantra o refrain ng mga Hudyo, ng mga Israelita. “Hear, O Israel, the Lord our God is Lord alone,” or “is one Lord.” Iyan iyong kanilang paniniwala na ang Diyos ay iisa.

Ang Diyos na ating Panginoon ang kaisa-isang Panginoon. Makikita naman natin sa John 3.16 ang paniniwala ng mga unang Kristyano. Ito ay isinulat sa Aklat ni San Juan.

Paborito yan ng marami at napakadaling imemorize at napakadaling isapuso. Sapagkat ito ay pagpapahayag ng pinaniniwalaan natin tungkol sa Diyos na nagpadala ng kanyang anak para sa atin. Naisip ko rin na ilagay dito yung Philippians 2. Sa Philippians 2, doon naman nakikita din ang paniniwala ng mga unang Kristyano na isinulat ni San Pablo.

“Though he was in the form of God, Jesus did not deem equality with God something to be grasped at. Rather, he emptied himself.” Kahit na siya ay Diyos, hindi niya inari na maging kapantay ng Diyos.

Sa halip ay hinubad niya ang kanyang pagka-Diyos upang makipamayan sa atin. Ito ang paniniwala. Ito ang natutunan.

Ito ang nakilala na pagtanto ng mga unang Kristyano. Kaya ang unang sangkap ng pananampalataya ay nagaganap sa level ng pag-iisip. Kapag isang bagay ay naituro, natutunan, naunawaan at tinanggap, yan ay paniniwala o pananampalataya ng isip.

PAGTITIWALA

Pangalawa, nandyan ang sangkap na tinatawag na pagtitiwala. Ang pagtitiwala ay pananampalataya naman po ng puso. Kasi hindi sapat na alam lang ng ating utak, ang mga doktrina, ang mga aral, ang mga sipi sa Biblia.

Hindi sapat na tayo ay sumasang-ayon lamang dahil alam natin ito ay makatuwiran; na ito ay totoo. Ito ay hindi natin maaaring salungatin sapagkat talaga namang lutang na lutang ang katotohanan. Subalit dapat din na ang ating pananampalataya ay makarating sa level ng puso.

At doon, ang hinihingi sa atin ay magtiwala. Magtiwala ang puso sa sinasabi ng Diyos. Magtiwala ang puso sa iniutos ng Diyos.

Magtiwala ang puso sa ibinubunyag ng Panginoon. Nagtitiwala ka sa pinaniniwalaan mo dahil nagtitiwala ka sa pinagmulan nito. Ibig sabihin, kapag para tayo ay nagtitiwala, hindi po tayo nagtitiwala sa turo, sa doktrina o sa aral o kahit sa Bible verse.

Hindi tayo nagtitiwala diyan. Ang pinagtitiwalaan natin ay ang pinagmulan ng lahat ng iyan. Ikaw ay nagtitiwala sa Diyos.

Nagtitiwala sa Panginoon na nagbigay sa iyo ng aral, ng sipi, ng inspirasyon, ng doktrina. Iyong pagtitiwala, hindi iyan simple. Hindi rin iyon madali.

Sapagkat ang pagtitiwala ay nakaugat sa kaugnayan ng isang tao o sa relasyon ng tao sa Diyos. Hindi maaari na kilala mo lamang ang Diyos o alam mo lamang ang mga bagay tungkol sa Diyos. Dapat, mahal mo din siya.

Dapat, handa ka rin isuko ang sarili sa Kanya. Dapat, handa kang magtaya ng sarili sa pangako o sa turo ng Panginoon. Kaya ito pong pagtitiwala o “trust” sa Ingles, may kinalaman to sa relationship natin sa Diyos.

Magandang tanungin ang sarili, halimbawa, nagtitiwala ba ako na nakikinig ang Diyos sa bawat panalangin dahil mahal Niya ako? Nagtitiwala ba ako na ibibigay sa akin ng Diyos, hindi iyong gusto ko kundi iyong mabuti para sa akin? Nagtitiwala ba ako na kahit anuman ang magaganap sa mundo, hindi ako pababayaan ng Diyos sapagkat ang aking buhay ay nasa Kanyang mga kamay? Kung titingnan po natin ang isang halimbawa ng pagtitiwala, makikita natin niya sa Luke 18.22. Dito sa Bible verse na ito, ay nakikipag-usap ang Panginoon sa isang lalaki na lumapit sa Kanya. Ang hinahanap ng lalaking ito ay ang daan ng kaligtasan. At ang sabi ng Panginoon, sumunod ka sa mga aral ng Diyos, sa mga utos ng Diyos, ang sabi ng lalaki, opo, nagawa ko nang lahat iyan.

Ginagawa ko iyan sa aking buhay, isinasakatuparan ko ang mga bagay na iyan. Tapos sabi ng Panginoon, sabi ni Jesus, kulang pa yan. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian, ibigay mo sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit.

Pagkatapos, sumunod ka sa akin. Ang sabi doon sa kwento, sa narration sa Bible, iyong taong ito ay umalis na malungkot. Bakit? Sapagkat ang dami niya palang mga ari-arian, hindi niya maatim na ibenta ang kanyang mga ari-arian, ipamudmod sa mga mahihirap para lamang sumunod kay Kristo.

Dito makikita natin na ang pagtitiwala ng taong ito ay hindi pa lubos sa Diyos, hindi pa lubos sa Panginoong Jesus, mas nagtitiwala pa siya sa kanyang mga ari-arian. Pero dito din makikita po natin na kapag ikaw pala ay nanampalataya sa Panginoon, dapat magtiwala ka kahit minsan hindi mo nauunawaan kung ano yung sinasabi niya sa atin. Kahit minsan naguguluhan tayo o nalalabuan pa tayo doon sa kahulugan ng nais ng Diyos na maganap para sa ating buhay.

Kasi iyong tiwala ay may kinalaman sa kaugnayan, relationship. Kapag matibay ang iyong relationship sa Panginoon, magtitiwala ka sa kanyang salita, kahit hindi mo pa nakikita ang bunga nito o kahit wala ka pa ng nakikitang patunay sa kanyang sinasabi. Kaya po ang sabi ko kanina, hindi madaling magtiwala, sapagkat sa karanasan natin bilang mga tao, maraming beses na nanasira ang tiwala natin sa iba.

PAGTALIMA

Kaya tuloy maraming mga tao din ang hirap magtiwala sa Panginoon. Tunghayan naman natin ang ikatlong sangkap ng pananampalataya na walang iba kundi ang pagtalima. Ang pagtalima ay ang pananampalataya ng kamay at paa.

Kung ang paniniwala ay ang pananampalataya ng isip, kung ang pagtitiwala ay pananampalataya ng puso, ang pagtalima ay pananampalataya ng buong katawan. Kaya ang sinasabi doon ay ang pananampalataya ng kamay at ng paa. Ang pananampalataya ay hindi lang po sa isip at sa puso.

Ang pananampalataya ay tumutukoy sa buong pagkatao natin. Kasali yung pagkilos, kasali yung pagsunod, kasali yung pagsasagawa, kasali yung pagsasabuhay. Kaya pagtalima, pagsunod sa Panginoon.

Malaki ang kinalaman nito sa ugali ng tao tungkol sa kanyang kapwa o sa kilos ng tao tungkol sa lipunan. Kasi iyong pananampalataya o faith, iyan ay may kinalaman sa mabuting pakikitungo natin sa iba, sa maayos na pakikipagkapwa tao natin. Iyong faith o pananampalataya, may kinalaman iyan sa ating pagiging mabuting mamamayan o sa ating pagnanasa na tumulong sa pagbuo ng isang mabuting lipunan o pamayanan.

Alam ninyo po, iyong pananampalataya hindi lang iyon panloob. Kasi akala ng ibang mga tao, ang pananampalataya ay private lamang. Hindi po.

Ang pananampalataya, sa isip at puso ni Hesus, ay dapat nakikita at nadarama. Kapag hindi ito nakikita at nadarama, ito ay peke. Ito ay huwad.

Ito ay hindi totoo. Kay ganda ng sinulat ni Santiago Apostol, chapter 2, verse 15. Actually, pwede natin isama yung 14, 15, 16.

Yung tatlong verses na iyon. Dito, anong sinasabi? Sabi ni James, What good is that? Ito ang sabi sa atin ng Apostol. Totoo ba na pwede ka magkaroon ng pananampalataya na walang gawa? Mailigtas ka ba ng pananampalataya na walang gawa? Halimbawa, meron kang kapatid na walang damit o kaya ay nagugutom.

At ang sinabi mo sa kanya ay ipagdadasal kita. Go in peace. Bahala na ang Diyos sa iyo.

Pero hindi mo naman siya tinulungan sa kanyang pangangailangan. Anong buti noon? Ah, ganda, di po ba? Dito tayo bumabagsak eh. Dito natin nakikita minsan o nasusubok iyong ating pananampalataya kung ito bang pananampalatayang ito ay totoo o ito bang pananampalatayang ito ay balatkayo lamang.

Yung mga classical examples na ibinibigay sa atin, halimbawa, ay isang taong dasal ng dasal, isang tao na laging nasa simbahan, isang tao na laging dalo nang dalo ng mga Bible study o mga fellowship, pero pag-uwi naman sa bahay, minumura yung katulong o kaya hindi sinusuwelduhan nang maayos; hindi iyan tunay na pananampalataya. O kaya isang tao na very active sa simbahan, may posisyon doon, kaibigan ng mga pari, talagang maimpluensya, pero pagdating sa negosyo, mandaraya naman, hindi nagbabayad ng tamang buwis. Anong uri ng pananampalataya? O kaya, yung lagi natin sinasabi na may kinalaman sa ating lipunan, mga taong naglilingkod sa lipunan, mga taong iniluklok ng mga mamamayan at nangako na maglilingkod sa mga tao.

Itong mga taong ito ay nakikita natin na nagsisimba o dumadalo sa mga worship services, pero pagdating naman sa pamumuno sa bansa, inuuna naman nila iyong kanilang bulsa kesa sa kapakanan ng mga mahihirap at ng mga ordinaryong mamamayan; anong uri yan ng pananampalataya? That is a questionable faith. Kaya nga mga kapatid, kung tutuusin ang pananampalataya pala, hindi simple. Hindi basta ako ay naniwala, pananampalataya na iyon.

Napakaganda ng ibinigay na sangkap ng pananampalataya o tatlong bahagi ng pananampalataya. Ito ay dapat paniniwala, isip, pagtitiwala, puso, at pagtalima, kamay at paa o buong pagkatao. Dito natin makikita, ang pananampalataya pala ay dapat laging kumpleto.

May tatlong sangkap, may tatlong bahagi. Napakagandang silipin ang ating puso, ang ating budhi, at tingnan natin kung tayo ba ay kumpleto ang ating pananampalataya sa Diyos. Pananampalataya kay Hesus, pananampalatayang Kristyano at Katoliko.

PANANAMPALATAYA = OPO

Maganda rin na tingnan natin ang ating pananampalataya bilang “opo.” Mayroon po ako nabasa na isang aklat na tinalakay niya iyong faith o pananampalataya as a “yes.” Yes to discipleship, opo sa pagsunod.

Pero sabi nung author, hindi daw simple itong yes o opo na ito. Kasi hindi siya pwedeng maging opo lamang ng isip. Hindi rin ito opo lamang ng puso.

Dapat ito ay opo ng isip, ng puso, ng katawan, ng kaluluwa. Again, ang sinasabi dito, dapat ito ay kumpleto. Kapag sinabi natin opo sa Panginoon, kapag tayo ay nanampalataya at nagsabi tayo sa Kanya ng “opo Panginoon,” dapat hugutin natin ito mula sa kailaliman ng ating pagkatao.

Iyon bang tunay natin sarili, na tatanggalin natin yung maskara natin at pagpapanggap, at sasabihin natin sa Panginoon, opo, nandito ako. Susunod po ako sa iyo ng walang pagbabalatkayo. Ito po ang aking tunay na sarili.

Ako po ay susunod sa inyo. At kaya, nakakatakot din itong yes na ito, sapagkat itong yes na ito ay dapat manggaling pala sa ating sarili, hindi sa ibang tao, tayo mismo ang tutugon, individual response, kanya-kanya tayong magsasabi ng yes o opo sa Panginoon. Hindi ka pwedeng manghiram ng opo ng iba.

Dapat yung opo na bibitawan mo sa harap ng Panginoon, na mamumutawi mula sa iyong mga bibig, sa iyong mga labi, ay nagmula sa sarili mong puso. Nakakatakot kasi, seryoso pala itong yes na ito na pananampalataya. Ako mismo ay nakatayo sa harap ng Diyos at nagsasabi sa Kanya ng opo.

Ako mismo ay nakasandal sa balikat Niya at nagsasabi sa Kanya na ako ay magtitiwala at tatalima sa Kanya. Pero bagamat ito’y nakakatakot dahil alam natin na very personal pala ito, ito ay ating commitment, sarili nating dedikasyon sa Panginoon, pero HUwag din tayong matakot sapagkat kung tutuusin, marami tayong kasama, kasamang sumusuporta, kasamang nagtataguyod, ang mga kapatid natin sa pananampalataya. Ang ating yes, ang ating opo sa Panginoon ay personal, individual.

Pero kung tutuusin, ito ay sinusuportahan at itinataguyod din ng pamayanan ng mga Kristyano. “Individual yes,” pero pag pinagsama-sama lahat ng ating mga yes, meron pala tayong “community yes” o pananampalataya sa Panginoon. Sinasabi natin ang opo na ito sa umaga o sa bukang liwayway ng bawat araw.

Anong ibig sabihin noon? Pag gising mo sa umaga at sinabi mo, opo Panginoon, sumasampalataya po ako Panginoon sa iyo sa araw na ito, ibig sabihin, tinatanggap mo kung ano iyong lahat ng magaganap sa araw na ito. Umaasa ka na makikita mo at madarama mo at mauunawaan mo ang presensya ng Diyos sa anumang magaganap sa iyo sa araw na ito.

Gagawin din natin ang opo na ito sa dapit-hapon o sa katapusan ng maghapon, sa gabi.

Ibig sabihin naman na sa panahong ito, ipinagkakatiwala natin sa Panginoon ang lahat ng nangyari at sinasabi natin sa Kanya, opo Panginoon sa lahat ng nagganap sa maghapon ito, anuman yon, positibo man o meron mang limitasyon, hinihingi ko ang iyong pagpapala sapagkat isinusuko ko sa iyo ang lahat ng naganap sa maghapong ito. Yung ating opo ay hindi lamang opo sa panalangin. Ang ating opo ay opo ng buong buhay natin.

At ito iyong yes na talagang nagu-ugnay sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Ito iyong yes na nagbibigay ng focus, nagbibigay ng kuhulugan sa buhay natin. Hindi po pwedeng iyong yes na iyon ay kalahati lang.

Na iyong opo na iyon ay may mga kondisyon. Ako ay susunod sa iyo, Panginoon, opo, pero… opo kung… Ah, hindi po pwede yun. Hindi po pwede.

It is no good to count the cost. It is no good to play safe. It is no good to have a divided heart when you want to say to the Lord, Yes, kung gusto mong magsabi ng totoo at tapat na opo sa Panginoon, hindi pwede na divided heart.

Yes, at itong yes na ito, ay hindi lamang minsan natin sasabihin sa ating buhay. Ito ay sasabihin natin sa umaga, sa gabi, sa lahat ng oras ng ating buhay, paulit-ulit. At dito nagiging mahirap, sapagkat kapag dumadaan na tayo sa mga pagsubok, sa mga tukso, o sa mga pagbagsak natin, mahirap magsabi ng yes.

May mga pagkakataon na halos imposible ang magsabi ng yes o opo sa Panginoon, o ialay sa Kanya ang ating pananampalataya. Halimbawa kapag tayo ay maysakit, o may problema, o hindi maganda ang relasyon na nagaganap sa pamilya, parang ang hirap-hirap hugutin iyong yes na iyon, yes Lord, opo Panginoon, sumasamalataya ako. Kaya ito mga kapatid ang kahulugan ng pananampalataya.

Ang pananampalataya pala ay hindi madali, pero ang pananampalataya din ay regalo ng Diyos sa ating lahat. Ito ay ibinigay sa atin nang tayo ay sumunod sa Kanya sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag. Ito ay ipinunla sa ating puso.

Kaya ibig sabihin, ito ay bahagi ng ating buhay. Ang kailangan lang ay payabungin, palalimin, patatagin ang ating pananampalataya. At sana po ang mga darating pang pagkalakay sa panalanging Sumasampalataya ako, ito ang maging resulta, ito ang maging epekto na maging matatag ang ating pananampalataya, na maging malinaw sa atin kung ano ang ating pinaniniwalaan.

Na maging klaro sa atin kung ano ba ang hinihingi sa atin ng Panginoon para lalong makasunod sa Kanya. Sa susunod po na episode ay tatalakayin naman natin ang “Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.”

God bless you and protect your family always.

Amen. Amen. Amen.