Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES A

DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES A

TANGGAPIN ANG KALOOB NG PASKO NG PAGKABUHAY

JN 20: 19-23

MENSAHE

May nakausap akong tao na nagsabing nagsisikap siyang mapalapit sa Diyos subalit tila ang layo ng Diyos sa kanya. Tinanong ko siya kung nagdarasal ba siya; oo naman daw lalo’t may pagsubok. Kung nagsisimba ba siya tuwing Linggo; inamin niyang malaki ang pagkukulang niya sa ganito. Kung nakapag-Kumpisal ba siya; naalala niyang sobrang tagal na nang huling ginawa niya ito. Kaya pala, pakiramdam niya ay napalayo na siya. Kailangan talaga niyang Espiritu Santo na dumaloy sa buhay niya ngayon!

Ang Espiritu Santo ay Pamaskong Handong ni Kristong Muling Nabuhay. Kung sa krus, “ibinigay niya ang kanyang espiritu,” (Jn 19:30), ang kanyang “hininga,” sa pagkamatay niya para sa ating lahat, sa Muling Pagkabuhay, inihinga niya sa atin ang Espiritu Santo ng kapayapaan at pagpapatawad. Nang ibigay ang Espiritu sa Krus, pinadalisay ng Espiritu at pinagkasundo sa Diyos ang mundong nagkasala. Ngayon ang hinga ng Espiritu naman ang nagbabalik ng sigla sa nasiphayong mga alagad upang mamuhay sa Presensya ng Diyos na nasa piling nila.

Sa kanyang buhay sa lupa, si Hesus ang salamin ng Ama; ang mukha ng buhay na Diyos. Kaya, kay Hesus, kaisa tayo ng Ama sa tunay at kongkretong paraan. Ngayong nakaluklok na siya sa kanan ng Ama sa kaluwalhatian, ang Espiritu ang mabisa at buhay na ugnayan natin kay Hesus. Hindi natin nakikita ang Ama at ang Anak, subalit sa Espiritu kaisa nila tayo sa indayog ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.

Subalit ang Espiritu Santo ay hindi makapangyarihang hangin o di nakikitang puwersa lamang. Kumikilos siya, sa kasaysayan, sa mga kaganapan, sa mga mabisang tanda na nagdadala sa atin sa presensya ng Diyos: sa marubdob at araw-araw na panalangin, sa Eukaristiya, sa mapaghilom na Kumpisal at iba pang mga sakramento. Kapag nanlulumo tayo, ang Espiritu Santo ang nag-aanyaya sa atin na pumasok sa mga kongkreto at nagpapalakas na sandali ng biyaya.

MAGNILAY

Salamat, Panginoon, sa Kaloob mo, ang Espiritu Santo. Halina, Espiritu Santo, at iugnay mo ako sa Ama at sa Anak sa lahat ng sandali ng aking buhay. Amen.

HALINA, ESPIRITUNG BANAL! HALINA, ESPIRITU NG KAPAYAPAAN AT KATOTOHANAN!