SUMASAMPALATAYA AKO PART 3: KAY HESUKRISTONG IISANG ANAK NG DIYOS, PANGINOON NATING LAHAT
Dadako naman tayo ngayon sa ikalawang artikulo ng ating pananampalataya na makikita sa panalanging Sumasampalataya Ako o Kredo. At ito ay, “Sumasampalataya ako kay Hesukristong Iisang Anak ng Diyos.”
Kung sa unang artikulo, sinabi natin kapag binanggit natin “Sumasampalataya ako sa Diyos, ang unang kahulugan nito ay sumasampalataya ako sa “Iisang Diyos.” Hindi dalawa, tatlo, apat. Iisa lamang ang Diyos.
Ngayon naman sinasabi natin na ang Diyos na ito ay nagsugo ng Kanyang “Anak” na si Hesukristo. At ang “Anak ng Diyos ay Iisa.” “Nag-iisang Anak ng Diyos.”
Kaya nga ang tawag “Bugtong” na Anak ng Diyos. Napakahalaga nito sapagkat sa Lumang Tipan, ang Diyos ay Ama ng Israel, ng buong bayan. Ang Diyos ay Ama ng mga Dukha.
Ang Diyos ay Ama ng Hari ng Israel.
Subalit dito ay ipinapakilala sa atin ngayon sa isang natatanging paraan, ang Diyos ay “tunay na Ama” ng Isang Anak. At iyan ay walang iba kundi ang ating Panginoong Hesukristo.
Bahagi ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano, ang Diyos ay Iisa, subalit ang Diyos Ama ay may Anak. At ang Kanyang Anak ay Iisa din. Walang iba kundi ang ating Panginoong Hesukristo na ipinakilala niya sa daigdig, isinugo niya sa daigdig, at ipinakilala niya bilang Kanyang Anak.
Paano po natin malalaman na si Hesukristo na ating Panginoon ay tunay na Anak ng Diyos? Alam niyo mga kapatid, may tatlong yugto ng buhay ng Panginoong Hesukristo na nagpapakilala na siya ang tunay na Anak ng Diyos, ang nag-iisang Anak ng Diyos, ang bugtong na Anak ng Diyos Ama.
At iyan ay makikita natin unang-una doon sa Annunciation. Doon sa mga accounts ng Annunciation sa unang bahagi ng Ebanghelyo ni San Mateo at unang bahagi na Ebanghelyo ni San Lucas, makikita natin doon na ipinapangako ng Diyos sa pamamagitan ng Anghel Gabriel sa Mahal na Birheng Maria na ang Kanyang Anak ay darating sa daigdig.
At ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo dito ay ipinakilala ang identity ng batang isisilang ng Mahal na Birhen. Ang batang ito ay hindi ordinaryong batang lalaki, kundi ito ay Anak ng Kataas-taasang Diyos. Iyan ang sabi ng Anghel.
At pangalawa, makikita ninyo ito sa binyag ng Panginoon sa Jordan. Natatandaan ninyo ba iyong yugto nayon? Matapos nabinyagan ang Panginoong Hesukristo, pag-ahon niya sa tubig, ay may nakita silang kalapati na lumilipad sa ibabaw niya at may nagsalita na tinig: “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya.” Dito makikita natin na, again, isinaad ng Diyos na ang taong ito na bininyagan ni San Juan Bautista ay hindi ordinaryong mangangaral lamang o hindi ordinaryong propeta lamang. Ang taong ito ay walang iba kundi ang Anak ng Diyos.
“Ito ang minamahal kong Anak. Makinig kayo sa Kanya.” At dito, hindi lamang nagpakilala ang Diyos bilang Ama ni Hesus at pinagtibay ang kanilang kaugnayan sa isa’t isa, kundi pinagtibay din ang misyon ng Panginoong Hesukristo.
Ang Anak ng Diyos na si Hesus ay dumating sa lupa, isinugo ng Ama sapagkat mayroon siyang misyon.
At ikatlo, makikita natin ang maka-amang kaugnayan ng Diyos Ama sa Kanyang Anak na si Hesus doon sa tinatawag na Paschal Mystery. Paschal Mystery, ito iyong tumutukoy sa mga tagpo sa pagihirap, kamatayan at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.
Maaalala na noong ang Panginoong Hesukristo ay nakabayubay sa krus, ang Kanyang tinatawag ay walang iba kundi ang Kanyang Ama. “Ama ko, Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?… Ama ko, sa iyong mga kamay, inihahabilin ko ang aking kaluluwa.” Hanggang sa huli, si Hesus ay nagpakilala ng Kanyang sarili bilang Anak ng Ama.
At bagamat hindi nagsalita ang Ama o hindi nagsugo ng Anghel, katulad sa Annunciation at doon sa Baptism, makikita naman natin na tinanggap ng Ama ang pag-aalay ng Kanyang Anak. Naalala ko po iyong pelikula na Passion of the Christ. Di ba doon sa Passion of the Christ, matapos na ipagkatiwala ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang sarili sa Ama at sinabi niyang, “Naganap na,”… natapos na ang lahat, yumukayok ang Kanyang ulo, pumikit ang Kanyang mata at siya ay namatay, binawian ng buhay. Sa pagkakataon na iyon, iyong kamera ay lumayo sa eksena ng krus na para bang lumilipad sa langit. At maya-maya pa ay nabuo ang isang luha na pumatak sa lupa at sinundan ng ulan. Pero nagsimula iyon sa isang namumuong luha doon sa kamera na bumagsak sa lupa parang ipinapakita na ang luhang iyon ay nagmula sa mata ng Ama na umiyak, nasaktan.
Nagdalamhati ang Ama sa kamatayan ng Kanyang Anak na si Hesus. Maunawaan pa natin iyan sa mga darating pang pagtalakay, titingnan natin ang buong buhay ng Panginoong Hesukristo, ang Kanyang Misteryo Paskuwal at ang Kanyang muling pagbabalik.
Si Hesus na iisang anak ng Diyos ay tinatawag nating Panginoon. Panginoon nating lahat. Pansinin po ninyo, di ba kapag ka binabanggit natin ang pangalan ni Hesus, laging kaakibat ang salitang “Panginoon,” Panginoong Hesus, Panginoong Hesukristo, Lord Hesus, Our Lord Jesus Christ.
At ano’ng kahulugan kapag sinabi natin si Hesus ay Panginoon nating lahat? That Jesus is Lord. Alam ninyo mga kapatid, sa pasimula, iyong tinatawag na “apostolic catechesis” o iyong pananampalataya na turo ng mga apostol; ito iyong pananampalatayang sumibol sa mga unang kristyano, mga tagasunod ni Hesus pagkatapos ng Kanyang pag-akyat sa langit.
Sa mga unang Kristyano na tinuruan ng mga apostol, ginabayan ng mga apostol, merong napakaliit at maigsing formula na tawag nila sa Panginoong Hesukristo. May title si Hesus sa kanila, at iyan ay walang iba kundi ang “Panginoon.” Kaya sa Bible, paulit-ulit sinasabi, Jesus is Lord.
Maigsi lang, ano? Jesus is Lord. Or, Jesus is the Christ. Or, Jesus is the Christ, Son of the Living God.
Hindi ba madalas sabihin ni San Pablo iyan? Jesus is Lord. Ang Panginoong Hesukristo, nang tinanong niya ang mga alagad: “Sino daw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila. Pero sumagot din si San Pedro nang napaka-dakilang katugunan. “Ikaw po ang Kristo, ang Anak ng Buhay na Diyos.”
At pagkatapos ng ilang panahon, itong Jesus is Lord, Jesus is the Christ, na maigsing formula ng pagtukoy kay Hesus, ito ay pinalawak pa ng mga unang Kristyano. Halimbawa, kapag tingnan natin ang Sulat sa mga Ebreo, makikita natin doon mas malawak iyong pagpapaliwanag sa kahulugan ng pagiging Panginoon ni Hesus.
O pag tiningnan natin iyong tinatawag na prologue o panimula ng Mabuting Balita ni San Juan, o Ebangelyo ni San Juan, makikita natin doon: “In the beginning was the Word, and the Word was with God, and the Word was God.” Okay? Dahil sa kanya, ang Panginoong Hesuristo ay Salita, Verbo, Word. Sa simula pa lamang, ang Salita ay kasama na ng Diyos.
Ang “Salita ay Diyos,” at pinaliwanag iyan ni San Juan. At makikita rin natin iyan doon sa Colossians chapter 1, 15 to 20. Ipinapaliwanag dito iyong pagiging Panginoon ni Hesus.
Ano ba ang kahulugan kapag sinabi na siya ay Panginoon? Dalawa po ang pinakakahulugan kapag tinignan natin, lalong-lalong sa Colossians chapter 1, kapag sinabi natin na si Hesus ay Panginoon. Ang pagiging Lord ni Hesus ay tumutukoy sa Kanyang Dakilang Kaluwalhatian. Kapag sinabing Panginoon, ibig sabihin “maluwalhati.”
Iyong title na Panginoon, lalong-lalo na idinikit ng mga unang Kristiyano, kay Hesus matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Bakit? Kasi doon nila naranasan iyong kaluwalhatian niya. “Ay totoo nga. Totoo nga ang Kanyang pangako. Totoo nga ang Kanyang sinabi. Totoo nga ang mga nasulat at sinabi ng mga propeta tungkol sa Kanya.”
Nabuhay nga siyang mag-uli. Siya ay niluwalhati ng Ama. Siya ay maluwalhating nabuhay.
Idinikit nila iyong pangalang Lord doon sa pangalan ni Hesus; Panginoon doon sa pangalan ni Hesus.
At kapag sinabi natin na kaluwalhatian ni Hesus, dalawang bagay po ang tinutukoy ng kaluwalhatian na iyan. Unang-una, ipinapakita sa salitang Panginoon o Dakilang Maluwalhating Panginoon iyong tinatawag na “pre-existence and superiority of Jesus over all creation,”: Na si Hesus ay nandoon na bago pa likhain ang lahat ng bagay; na si Hesus ay mas mataas sa lahat ng mga nilikha. So, bago pa likhain ang lahat ng bagay, sabi nga ni San Juan sa Kanyang prologue o sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo, ang Salita ay kapiling na ng Diyos, sapagkat ang Salita ay Diyos.
Wala pa ang mga nilikha. Wala pa ang langit at lupa. Nandoon na ang Anak. At wala pa ang lahat ng bagay na ito, pero kasama na ng Diyos, kapiling na ng Ama, ang Kanyang Anak na siyang Salita at Karunungan na nagmumula din naman sa kanyang puso sapagkat siya ang Ama. At ibig sabihin din ito iyong “superiority “na wala nang hihigit pa kay Hesus.
Kung ikukumpara sa lahat ng nilikha, sapagkat si Hesus ay mas mataas sa lahat ng nilikha, maging iyan man ay anghel, magiging iyan man ay langit, bituin, mga planeta, lupa, kahit ang pinakamagandang kalikasan, hindi iyan hihigit pa sa kadakilaan ng Panginoong Hesukristo. So iyon iyong unang tinutukoy pag sinabi na si Hesus ay Panginoon.
Si Hesus ay Panginoon sapagkat nandyan na siya bago pa ang nilikha. At mas mataas siya kaysa sa lahat ng nilikha sapagkat siya’y kapiling na ng Ama, noon pa, bago pa ang lahat ng ito.
Pangalawa, kapag sinabi nating Lord o Panginoon, sinasabi natin na si Hesus ay nangunguna sa larangan ng pagtubos at pakikipagkasundo.
Bakit ganoon? Kasi po si Hesus ang unang nabuhay muli. Si Hesus ang Ulo ng katawan na walang iba kundi ang kanyang sariling katawan, ang kalipunan ng mga tao na sumusunod at nananampalataya sa Diyos sa pamamagitan niya. Kaya nga dito sa Colossians makikita natin, sinabi din doon, “All were created through Him and in Him.”
Ibig sabihin si Hesus nakatayo na sa simula pa lamang ng lahat at tatayo pa din hanggang sa dulo ng lahat. Si Hesus ay iisang Panginoon. Kaya tatandaan natin kapag sinabi natin Panginoon, napakahalaga pala niyan.
Ang sinasabi natin, dalawang bagay. Na si Hesus ay “una sa lahat ng nilikha,” bago pa ang nilikha, mas mataas sa mga nilikha. Pangalawa, si Hesus ay “una sa pagtubos at sa pakikipagkasundo.”
Sa pamamagitan niya tayo ay nakipag-ugnayan muli sa Diyos. Tayo ay naibalik sa Diyos. All were created through Him and in Him.
Iisa lamang ang Anak ng Diyos. Iisa lamang ang Panginoon. Iyan ay walang iba kundi ang ating Panginoong Jesucristo.
Pag sinabi din na Panginoon, mga kapatid, may kinalaman ito sa pakikipag-ugnayan. Pag sinabi natin Panginoon natin si Hesus, may kasama doon na elemento ng pagsuko, pagtanggap, pagsunod, pagtalima sa Kanya. Tayo na nagsasabi sa Kanya, “Panginoon, Panginoon,” dapat ay nagsusuko ng ating sarili sa Panginoon na ating tinatawag.
Kapag kinilala natin si Jesus na Lord, Master ng ating buhay, ibig sabihin ay isinusuko natin, ipinagkakatiwala natin ang ating sarili sa Kanyang mga kamay. Alam ninyo iyong mga masasamang espiritu, naniniwala sila sa Diyos, alam nila na may Diyos. Naniniwala sila kay Hesus sapagkat alam nila si Hesus mas mataas sa lahat at talung-talo sila ni Hesus.
Pero iyong mga masasamang espiritu, hindi sila magsasabi kahit kailan ng “Panginoon.” Bakit? Kasi kapag sinabi nilang Panginoon, ibig sabihin ipinapailalim nila ang sarili nila sa Panginoon. Pero hindi nila gagawin iyon dahil sa kanilang kayabangan, hindi maatim ng mga demonyo na sabihin ang salitang “Panginoon.”
Nakasusi ang kanilang labi at ang kanilang puso, hindi nila masabi ang salitang Panginoon. Ang mga taong sumusunod lamang kay Kristo, ang tumatawag sa Kanya, nananamparataya sa Kanya, sumasamba sa Kanya, bilang Panginoon at Diyos, ang nagsasabi ng Panginoon. Pero tatandaan natin, hindi sapat na magsabi na “Panginoon, Panginoon.”
Sabi rin ng Panginoong Hesuristo sa Bible, di ba? You call me Lord, but you do not do my will. Balewala din iyon. Hindi po pwede sabihin ninyo lang, Panginoon, Panginoon. Tapos hindi ninyo naman sinusunod ang aking utos. Hindi rin iyon pwede, hindi iyon maaari para sabihin na ikaw ay tagasunod ko na o sinuko mo na ang iyong sarili sa akin.
Magbalik na naman tayo dun sa kahulugan ng pananampalataya.
Ang pananampalataya ay “opo.” At itong opo na to hindi po pwedeng half-hearted, hindi pwedeng hati lang, hindi pwedeng sa bibig lamang, sa isip lamang. Ang pananampalataya ay sa isip, sa puso, sa buong pagkatao.
Kaya pag sinabi pala natin Lord, ibig sabihin noon, kailangan isuko natin ang ating sarili sa Panginoon. Alam ninyo, laging natin naririnig to sa mga born-again o sa mga Pentecostals na lumalapit sa ating mga Kristyano o Katoliko. At ang tanong sa atin, tinanggap mo na ba si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas? Marami naman sa atin, sinasabi natin, ano iyon, hindi ko alam iyon ah, hindi ko pa yata nagagawa iyon ah.
Actually, iyan ay isang pain o patibong ng mga Pentecostals o born again para i-convert ang mga Katoliko. Kasi po, sila, para tanggapin ng Panginoon, sinasabi nila iyon verbally, tinatanggap ko si Hesus bilang Panginoon at Tagapaligtas. Nagdadasal sila, merong silang altar call, may mga awit-awit, papatungan sila ng kamay ng pastor, bumubuwal-buwal sila, ganoon iyon eh, may ritual sila dyan.
Pero tayong mga Katoliko, meron tayong mga rituwal din, at meron din tayong mga paraan ng pagtanggap kay Hesus bilang ating Panginoon at Diyos. Hindi lang tayo laging conscious, hindi natin kasi alam na iyon pala iyon. Halimbawa, sa binyag pa lamang, tinanggap na natin ang Panginoon bilang Panginoon at Diyos.
Siyempre, baby kasi ang karamihan sa mga Katoliko nang mabinyagan e, kaya hindi nila alam. Kaya ang sumagot para sa atin, at tumanggap para sa atin, iyong ating mga magulang at ninong at ninang. Kaya mahalaga na habang lumalaki ang isang Katoliko, ipinapaliwanag sa kanya iyong nangyari noong kanyang binyag.
Ipinapaliwanag sa kanya na siya ay Kristyano, tagasunod ni Kristo. Para unti-unti maunawaan niya, ay, bata pa pala ako, tinanggap ko na ang Panginoon. Pero dapat pa rin paglaki ko, angkinin ko iyong tugun na iyon, kasi ang sumagot sa akin ay magulang, ninong at ninang. Dapat ako naman ngayon ang tumanggap personally, manindigan para sa aking sarili sa Panginoon. At paano gagawin iyon? Diyan po pumapasok iyong mga sakramento. Kaya nga pagkatapos ng binyag, iyong kumpil naman.
Iyong kumpil, hindi na baby ang tumatanggap. Medyo matanda-tanda na kaysa sa baby, malaking bata na. Minsan naman, minsan nga binatilyo na o dalagita na bago kumpilan, depende sa kostumbre ng lugar.
Pero ito, mas mulat na iyong bata o iyong tao sa pagtanggap sa Panginoon. May paliwanag na, hindi na mo lamang tinanggap si Hesus sa binyag. Ngayon sa kumpil, tatanggapin mo uli si Hesus sa pamamagitan ng pagbubuhos sa iyo ng Espiritu Santo.
At pagkatapos noon, Confession. Sa pamamagitan ng Confession o Kumpisal, di ba, isinusuko mo ang iyong mga kasalanan sa paanan ng Panginoon. Meron pa bang napakagandang pagsuko sa Panginoon, kundi iyong isuko mo sa Kanya ang iyong mga kasalanan? Napakaganda kaya ng Kumpisal, dito ay very humbly talagang sinasabi natin, hindi na tayo ang Panginoon ng ating buhay.
Ang master ng ating buhay ay walang iba kundi si Hesus, kaya gusto na nating magbalik-loob sa Kanya. At iniaalay natin sa Kanya, pati iyong kapalpakan natin para linisin niya tayong muli at bigyan niya tayo ng bagong puso at bagong diwa. At syempre, nandyan iyong Eucharist o iyong Komunyon, Banal na Misa, kung saan tinatanggap natin ang katawan at Dugo ni Kristo.
Naisip niyo na ba na tuwing tatanggap kayo ng Komunyon, maaring spiritual Komunyon tulad noong pandemic o kapag maysakit ka, o aktuwal na Komunyon, sinasabi ng pari, “The Body of Christ,” na sumasagot ka, “Amen.” Sa pagkakataon na iyon, sa iyong Komunyon, whether sacramental or spiritual, tinatanggap mo si Hesus sa iyong puso bilang Panginoon mo at Diyos. Sinasabi mo sa Kanya at ipinakikilala mo sa Kanya ang iyong pagmamahal sa Kanya at pagsunod sa Kanya sa tulong ng Misa at iba pang mga sakramento.
Iyong mga sakramento, iyan iyong paraan ng isang Katoliko para tanggapin si Hesus. Kasi po, hindi naman isang beses lang natin tinatanggap si Hesus. Hindi lang isang beses natin tinatanggap ang Espiritu Santo.
Hindi minsanan, tapos e tapos na. Sa mga born again na mga Pentecostal, isang beses lang iyan. Pag dumipa ka at sinabi mo, I accept the Lord as Lord and Master of my life, Lord and God.
Tayo hindi. Paulit-ulit, maraming beses, sa tuwing gagawin natin iyan sa mga sakramento, tinatanggap natin ang Panginoong Hesukristo.
In fact, iyong pagsusuko ng ating sarili sa Panginoon ay maaari natin gawin sa bawat sandali na tayo ay nagdadasal. Sa bawat sandali na tayo ay nagninilay. Sa bawat sandali na tayo ay nakikinig o nag-aaral, nagbabasa ng Salita ng Diyos o kaya isinasabuhay natin ang ating mga debosyon.
Minsan nga eh, kahit iyong pinakasimpleng paraan ng pagdadasal, paglabas mo ng bahay, mag-aantanda ka ng krus, “Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.” Panginoon, ingatan mo po ako, bahala na po kayo sa akin. Pagtanggap kay Kristo iyan bilang Panginoon at Diyos. Pero dapat natin tandaan, iyong pagtanggap kay Kristo bilang Panginoon at Diyos, hindi sa pamamagitan lang ng dasal o ng sakramento o ng rituwal.
Dapat ito ay buhay. Iyong buong buhay natin ipinapakita na tinanggap natin talaga ang ating Panginoong Hesukristo. Kaya sa ating isip, sa ating puso, sa ating salita, sa ating kilos, dapat makita yan.
Sa pamamagitan halimbawa ng pag-iwas natin sa kasalanan, sa pagsusumikap natin na higit na makilala at mapalapit saPanginoon, at mahalin at paglingkuran ang kapwa na gusto ng Panginoon na lingapin natin. Hindi iyan basta salita lamang. Hindi iyan basta sinabi mo, I accepted the Lord, I became a Christian in 2015.
At ganoon kasi iyong mga iba. Hindi, tayo ganoon; we become Christians every day, every moment. We are Christians and we try to live our Christian faith every moment.
Kasi ni-renew natin lagi iyong pagiging tagasunod ng ating Panginoong Hesukristo. Kaya lang dapat gawin natin ito consciously. Kasi nakakalimot tayo.
Madali tayong makalimot. Pero kapag ina-alala natin ito sa bawat sandali ng ating buhay, halimbawa sa umaga pag tayo ay nagdasal o sa gabi bago tayo matulog, ay napakaganda po sapagkat makikita natin na talaga palang si Kristo ang sentro ng puso ng isang mabuting Katoliko. E hindi ka kailangan maging born again o Pentecostal para tanggapin si Hesus.
Nandiyan na sa iyo si Hesus at tinatanggap mo na siya sa lahat ng ginagawa mo bilang isang mabuting Kristiyano, mabuting Katoliko. Napakaraming mga tao ang nagbago ang buhay nang tanggapin nila ang Panginoon bilang kanilang Panginoon at Tagapaglitas, bilang Panginoon at Diyos ng kanilang puso. Napakaraming mga tao ang nakatagpo ng kapayapaan, ng kaligayahan ng mapalapit sila sa Panginoon.
Ano ang kuwento mo ng paglapit sa Panginoon? Natatandaan mo ba iyong pagkakataon na sineryoso mo iyong iyong pagiging Kristiyano, na sineryoso mo iyong pagtawag sa iyo ng Diyos at hindi ka nagpatumpik-tumpik pa; sumunod ka na talaga sa Kanya, isinuko mo sa Kanya ang iyong buhay, ang iyong sarili?
Merong isang dating Iglesia ni Cristo member. Itong dating Iglesia ni Cristo na ito ay nahikayat ng kanyang asawa na magpakasal sila sa simbahan. Dahil sila ay magpapakasal sa simbahang Katoliko, itong Iglesia ni Cristo na ito na lalaki, isang seaman, ay nahikayat na din na magpabinyag bilang isang Katoliko, bilang isang Kristiyano.
Ngayon, sa paghahanda sa kanyang binyag, dumating siya ng seminar, binigyan siya ng payo at pangaral ng pari, parang balewala lang sa kanya, noong kinakausap siya ng pari ay ganito, “Ang pananampalatayang Katoliko, ang isang tunay na Katoliko ay naniniwala sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Okay ba sa iyo iyon?” “Okay iyan, okay iyan, okay iyan,” sabi niya. Parang wala lang sa puso niya, parang gusto lang niya na matapos na ang lahat.
Tapos ay dumating sa punto na siya ay bininyagan at dumating sa punto na, although hindi naman kailangan talaga iyong kumpisal, sapagkat bagong binyag siya, at aakyat siya sa barko, kaya naisip noong pari ipakilala sa kanya iyong sakramento ng Kumpisal. Ipinaliwanag sa kanya na maganda rin isuko sa Panginoon ng mga kasalanan at maranasan iyong pagpapatawad ng Diyos sa mga kasalanan. Doon sa binyag, itong Iglesia member na ito, walang masyadong emosyon.
At pagkatapos noong siya ay kumpilan, itong dating Iglesia na to, walang ding masyadong emosyon. Pero noong siya ay kinumpisal noong pari, habang nagkukumpisal siya ng kanyang mga kasalanan, makikita na talagang nagbago iyong kanyang mukha, nagbago iyong tono ng kanyang boses, nagbago iyong disposition niya, iyong mood niya, at unti-unti siyang lumambot, hanggang umiiyak na siya habang sinasabi iyong kanyang mga kasalanan. At nang ipagkaloob sa kanya ng pari iyong pagpapatawad, nang sinabi na ng pari na pinatatawad siya ng Diyos “sa ngalan ng Ama, Atnak, Anak at Espiritu Santo,” ang lalaking ito, dating Iglesia ni Cristo, na ngayon ay naging convert na Katoliko, talagang nanangis, nanangis, nanangis.
At sinabi niya sa pari pagkatapos noon, punong-puno ng kapayapaan ng kanyang puso sapagkat naranasan niya na talagang siya ngayon ay kabilang na kay Kristo, na naisuko na niya ang lahat sa Panginoon, sapagkat ultimong kanyang kasalanan ay ipinagkatiwala niya sa paanan ng krus.
Mga kapatid, kung talagang seseryosohin natin ang ating pananampalataya, lahat ng pagkakataon ay pagtanggap kay Kristong Iisang Anak ng Diyos na Panginoong nating lahat. Araw-araw ay pagkakataon upang ipahayag ang ating pananampalataya sa kanya: Yes, Lord I will follow you; Yes, Lord, I will serve you; Yes, Lord, I will love you. Kaya huwag lang nating gawin itong pag-aaral na ito kundi sa ating pagsisimba, debosyon, dasal, talagang palalimin natin ang ating ugnayan sa ating Panginoong Hesukristo. Tinubos niya tayo, ibinigay niya ang kanyang sarili, bumaba siya sa langit alang-alang sa atin bilang pagsunod sa Ama, at higit sa lahat, bilang pagmamahal sa atin sapagkat gusto niya na makilala natin siya, na sundan natin siya, mahalin natin siya at paglingkuran natin siya. Sa gayon matutuklasan natin ang landas ng kabanalan, kagalakan at kaligtasan. Lahat iyan sa pamamagitan ni Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos.