Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 4: IPINAGLIHI LALANG NG ESPIRITU SANTO, IPINANGANAK NI SANTA MARIANG BIRHEN

SUMASAMPALATAYA AKO PART 4: IPINAGLIHI LALANG NG ESPIRITU SANTO, IPINANGANAK NI SANTA MARIANG BIRHEN

Mga kapatid, sa atin pong pagpapatuloy ay pag-aaralan natin ang mga susunod na salita. “Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo” na tumutukoy sa Panginoong Hesukristo sa kanyang Pagkakatawang-tao.

Pag-aaralan natin kung ano ang kahulugan na siya ay ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Anong kahulugan ng pagsilang mula sa isang Birhen? At ano rin ang kahalagahan ng Mahal na Birhen sa ating pananampalataya? Alam po natin na nababalot ng hiwaga ang pinagmulan ni Hesus. Doon sa John 7 ay nagkaroon si Hesus at ang kanyang mga kaaway ng isang pagpapalitan.

Sabi nila, alam namin kung saan ka nagmula, kung saan ka nanggaling. At sumagot naman ang Panginoon, “Do you really know where I came from?” “Alam ninyo ba talaga kung saan ako nagmula? Ang pinagmulan ko, ang nagsugo sa akin ay totoo. Subalit hindi nyo siya nakikilala.”

Actually, ang alam ng mga tao, si Hesus ay galing sa Nazaret; na si Hesus ay anak ni Jose at anak ni Maria. Iyan ang pagkakakilala nila kay Hesus at hanggang doon na lamang.

Pero kay San Juan, sa kanyang Ebanghelyo, sinasabi sa atin ni San Juan na kilala niya, alam niya ang tunay na pinagmulan ni Hesus at ito ay walang iba kundi ang Ama. Si Hesus ay buong buo, kumpleto na nagmula sa Diyos, nagmula sa Ama. At hindi siya katulad ng ilang mga propeta o mga sugo ng Diyos na ipinadala lamang, pinili at ipinadala.

Si Hesus ay mismong nagmula sa Diyos at ipinadala dito sa daigdig. Ang pagbaba ni Hesus mula sa hiwaga ng Diyos ay mababasa natin doon sa tinatawag po na “infancy narratives” o iyong mga salaysay ng pagsilang, pagka-sanggol at pagkabata ng ating Panginoong Hesukristo. Makikita natin ito sa Ebanghelyo ni San Lucas at saka ni San Mateo.

Ang mga ebanghelista na ito, manunulat ng Mabuting Balita, ay nagbibigay sa atin ng salaysay at kwento tungkol sa simula ng buhay ni Hesus sa mundong ito gamit ang mga salita at mga larawan na matatagpuan pa doon sa Lumang Tipan. Bakit? Kasi gustong ipakilala sa atin ni San Mateo at ni San Lucas na si Hesus ay kaganapan ng pag-asa, ng pagnanasa, ng pananabik ng naghihintay na Israel. Si Hesus ang kaganapan ng lahat ng iyan.

Pati nga iyong pagbati ng Anghel sa Mahal na Birhen, parang iyan ay alingawngaw ng pagbati na ginawa ni Propeta Sofonias sa Israel, sa iniligtas na bayan ng Diyos. Iyong panalangin ni Maria at iyong pagpupuri kay Maria ng Anghel ay parang alingawngaw din. Sa Lumang Tipan, mga babae, mga dakilang babae na ginamit ng Diyos para sa kanyang layunin, banal na layunin.

Halimbawa sa Judges chapter 5 o sa Judith chapter 13, makikita natin na parang mayroong pagkakahawig. Kaya nga lumalabas na sa lahat ng ito, si Maria ay tila larawan, “image” ng bayang Israel. Si Maria ay larawan ng tunay na anak ng Diyos, tunay na anak ng bayan ng Diyos ng Sion.

Para kay San Lucas, si Maria ang bagong Israel. Si Maria ang banal na anak na babae ng Sion, na walang iba kundi ang Israel nga. Ang pinakasentro sa pangako ng Diyos ay ganito, na bababa ang Espiritu sa iyo at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kataas-taasan, ikaw ay magsisilang ng isang sanggol at tatawagin siyang anak ng Diyos.

Itong mga salitang ito parang nagbabalik sa atin sa Genesis. Iyong bang sa Genesis, wala pang daigdig, magulo pa ang lahat, tapos bumaba ang Espiritu ng Diyos at parang lumilibot ang Espiritu ng Diyos hanggang nagsimula ang paglikha sa sanlibutan. Kaya ang nangyayari ngayon kay Maria sa kanyang sinapupunan ay isang bagong creation, bagong paglikha.

Ang Salita ng Diyos ay nagiging tao. Ang Salita ng Diyos ay nagkakatawang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo. At iyong image o larawan din ng pagbaba o paglilim ng kataas-taasang Diyos kay Maria ay isa pang paalala sa atin nang naganap sa Templo doon sa Lumang Tipan, kung saan ang ulap ay bumaba sa Templo at napuno ng ulap ang buong Templo nang ito ay ipinasinaya at inihandog sa Panginoon.

Parang ito ay isang pagkahalintulad doon sa naranasanan ng Israel na ang Diyos ay bumaba sa Templo at sa ngayon sila ay nakabahagi ng kaluwalhatian ng Diyos. Ito ay nagaganap ngayon hindi sa buong Israel. Ito ay nagaganap ngayon sa isang tao lamang, kay Maria na magiging Ina ng Anak ng Kataas-taasang Diyos.

Ang pagsilang ng Anak ng Diyos mula sa isang birhen ay matagal na po iyang tinik sa laman ng mga tinatawag nating “rationalists.” Ito iyong mga tao na naniniwala lang sila sa mga bagay na kaya nilang ipaliwanag. Kaya nga rationalist, sa reason, rason.

Kapag wala na silang maibigay na rason, hindi na sila naniniwala sa mga bagay na iyon. Lampas na iyon sa kanilang kaalaman at para sa kanila hindi totoo basta hindi kayang ipaliwanag ng rason. So kapag hindi na kayang ipaliwanag ng isip, nagdududa na sila.

Ang sabi nila, ang daming alamat doon sa mga sinaunang mga lipunan at hindi lang sa Israel kundi sa mga nakapaligid na bayan sa Israel, maraming alamat iyan tungkol sa pagsilang ng isang sanggol mula sa isang birhen. Isang sanggol na magiging tagapagligtas pero ang kanyang ina ay isang birhen. At maaaring ang sinaunang Israel ay naapektuhan din ng ganitong alamat.

Pero masasabi lang natin, kung ito man ay totoo, maaaring ginamit ng Diyos ang paniniwalang ito para maganap ang isang malaking hiwaga. Para gamitin ng Diyos iyong paghihintay, iyong pagnanasa, iyong paghangad ng mga tao para ganapin niya ang kanyang pagbubunyag ng sarili. Pero kung titingnan din natin, ang pinagmulan ng salaysay ng pagsilang ni Hesus ay hindi po alamat.

Hindi alamat ng Israel at hindi rin alamat ng mga bayan na nakapalibot sa Israel. Ang pinagmulan ng salaysay tungkol sa pagsilang ni Hesus sa pagkakatawang-tao niya ay walang iba kundi mismo ang Lumang Tipan.

Doon kasi sa alamat ng mga tao, ng mga bansa, laging ganito halos iyong nangyayaring kwento. Merong isang Diyos na makapangyarihan na nakipagtalik sa tao, sa isang babae. Nagkaroon ng physical na ugnayan ang isang makapangyarihan Diyos sa isang mortal na babae. At ang kinalabasan ay ang anak ng Diyos at anak ng tao na bunga ng pagmamahalan ng Diyos at ng tao.

Pero ang pagsilang ni Hesus ay isang bagong paglikha, a new creation. Hindi ito iyong ang Diyos ay nagkaanak sa pamamagitan ng physical na paraan. Wala po ditong sexual aspect.

Walang biological aspect. Si Hesus ay hindi anak ng Diyos sa laman. At hindi rin siya 50% galing sa binhi ng Diyos at 50% galing sa katawan ni Maria.

Hindi. Sa pananampalatayang Kristyano, si Hesus ay buong-buong Diyos at buong-buong tao. Ang pagiging Diyos ni Hesus ay hindi nakabawas sa kanyang pagiging tao.

Ang pagiging anak ng Diyos ni Hesus ay hindi nakadepende sa kawalan niya ng ama na tao. At hindi rin ito maapektuhan kung ginusto man ng Diyos na isilang si Hesus bilang bunga ng isang normal na pagmamahalan ng dalawang nilalang. So mahalaga iyon, tatandaan natin.

Si Hesus ay Anak ng Diyos, hindi dahil wala siyang ama sa lupa. At kung ginusto man ng Diyos na gamitin ang pagmamahalan ng isang babae at isang lalaki para magbunga ito at ito ang gamitin para sa pagsilang ng Anak ng Diyos sa mundong ito, wala tayong magagawa. Pwede rin iyong mangyari kung iyon ang ginusto ng Diyos.

Pero ang pagiging anak ng Diyos ni Hesus ay hindi po pisikal, hindi biological. Kundi ito ay tumutukoy sa likas na katotohanan tungkol kay Hesus. Ibig sabihin, sa mas malalim pang katotohanan tungkol sa kanyang sarili.

So ang basihan ay hindi pisikal, hindi kabilang sa pangyayari ng mundong ito. Lampas sa karanasan ng tao. Kundi ito ay nag-uugat sa kung sino si Hesus noon pa man at magpasawalang hanggan.

Si Hesus ay likas na Anak ng Diyos bago pa ang sanglilikha. Alam natin iyan sa ating pananampalataya. Ang Diyos ay Ama, Anak at Espiritu Santo.

Noon, ngayon at magpakailanman. Walang bagong Anak ng Diyos na nalikha doon sa sinapupunan ni Maria. Walang bagong Anak ng Diyos ang nabuo doon sa sinapupunan ni Maria.

Kung sino iyong Anak ng Diyos noon pa man, bago pa ang lahat, sa kaisahan ng Ama, Anak at Espiritu Santo ng Holy Trinity, iyan din iyong Anak ng Diyos na bumaba sa lupa at naging tao habang nananatiling taglay niya ang kanyang pagka-Diyos. At ang pagbaba na ito ay hindi pisikal o biological lamang.

Ang pagiging Anak ng Diyos ni Hesus ay hindi rin nakabatay sa pagsilang niya mula sa isang birhen, kundi sa kanyang kaugnayan sa Ama bago pa ang sanglilikha at sa magpasawalang hanggan. Ang pagiging anak ng Diyos ni Hesus ay hindi batay sa pagsilang niya dahil sa isang nanay niya na birhen at walang nakikilalang lalaki. Hindi rin dito nakasalig ito, kundi nakasalig ito doon sa ugnayan na Father-Son.

Abba-Son. “Abba, Father,” sabi ni Hesus. At ang Father naman ang sabi, “This is my beloved Son.”

At iyong ugnayan na iyan, hindi sa lupa iyan naganap. Noon pa man, bago pa ang lahat. At hanggang magpasawalang hanggan, iyan ay magaganap.

Kaya nga pag tiningnan natin iyong prologue o iyong panimula ni San Juan ng kanyang ebanghelyo, doon makikita natin, di ba sabi niya, ang Salita ay kasama na ng Diyos sa simula pa lang. At ang Salita ay Diyos. Iyong Salita na iyon, iyon ay tumutukoy doon sa Anak ng Ama.

Ang Salita ay kasama na ng Ama noon pa. At ang Salita ay anak na noon pa man ng Diyos. Kaya nga malakas ang loob ni Hesus doon sa John 8.57-58. Ang sabi ni Hesus, bago pa man ipanganak si Abraham, Ako ay Ako na.

Bago pa ang lahat, Ako ay Ako na. At nagulat ang mga Hudyo sa kanyang pahayag na ito. Sapagkat pati iyong salitang “Ako ay Ako na,” iyan ay mga salita na Diyos lamang ang nagbabanggit sa Lumang Tipan.

At hiniram ni Hesus iyan upang ipakilala sa kanila na siya ay Anak ng Diyos noon pa man. At hindi lang nagsimula iyong pagiging Anak niya dahil siya ay isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Ano po ang kahulugan na si Hesus ay anak ng Diyos kung hindi ito nakabatay sa wala siyang Ama sa lupa, at hindi rin naman ito talaga nakabatay doon sa pagsilang niya mula sa isang Birhen na Ina.

Tulad ng sinabi natin, ito ay nakabatay lahat sa Lumang Tipan. Ang konteksto ng pag-unawa natin sa Anak ng Diyos ay iyong pagtawag at pagpili ng Diyos sa kanyang bayan. Iyong pag-asa na dulot ng Diyos sa kanyang bayan.

At ngayon, si Hesus ang tunay na tagapagmana ng mga pangako sa Israel. Si Hesus ang tunay na Hari ng Israel at ng buong mundo. Ito ang konteksto, ang pananampalataya, ang pag-asa ang pananabik ng Israel na maaring nabahiran pa ng alamat ng mga karatig lugar tungkol sa pagsilang mula sa isang Birhen.

Subalit, higit pa doon, binigyan ito ng Diyos ng bagong anyo at bagong kahulugan na higit pa sa mga alamat ng mga tao o ng mga sinaunang sibilisasyon. Sa Lumang Tipan, matatagpuan natin ang hanay ng mga mapaghimalang pagsilang. Merong mga ipinanganak sa Lumang Tipan na ang Diyos mismo ang nakialam, gumawa ng himala para isilang ang mga taong ito.

At isinilang ang mga tao ito sa mapaghimalang paraan sapagkat gagamitin sila ng Diyos para sa isang dakilang layunin. Halimbawa, si Sarah na baog nang isinilang niya si Isaac sa Genesis 18. Si Anna na hindi magkaanak isinilang niya si Samuel doon sa 1 Samuel 1-3.

Iyong nanay ni Samson isinilang niya ang kanyang anak na si Samson doon sa Aklat ng Mga Hukom 13. Mga baog ang mga babae na ito at walang pag-asa. Subalit ang mga anak nila ay lumitaw sa mundong ito dahil sila ay ginawa ng Diyos na tampok sa kasaysayan at tanda ng dakilang awa ng Diyos na gagamit sa kanila bilang kasangkapan ng kanyang kapangyarihan.

Dito makikita natin ang Diyos ginagawa niyang posible pati ang imposible at ang Diyos itinataas niya ang mga aba, ang mga mahihirap ang mga dukha na walang pumapansin. Nagpatuloy ang himalang ito kay Elizabeth na ina ni Juan Bautista. Pero ang tanuktok ng lahat ng ito, ng mga miraculous birth o pagsilang kay Maria naganap at iisa lang ang kahulugan.

Pare-pareho ang kahulugan, hindi nagbago. Ano iyong kahulugan na iyon? Ang kaligtasan ng mundo ay hindi mula sa tao. Ang kaligtasan ng mundo, hindi tao ang magbibigay o magdudulot.

Ito ay dapat ipagkaloob mula sa itaas. Dapat itong tanggapin lamang bilang handog ng Kataas-taasang Diyos. Kaya nga, iyong pagsilang mula sa isang birhen, bagamat hindi iyan batayan ng pagiging Anak ng Diyos ni Hesus, ay mula una hanggang huli ay pagkilos ng Diyos.

Ito isang napakalaking lesson sa atin, aral sa atin tungkol sa biyaya. Ito ay pagpapahayag kung paanong ang kaligtasan ay dumarating sa atin. Ang kaligtasan ay tinatanggap.

Ang kaligtasan ay bukal sa puso na ibinibigay ng Diyos at bukal sa puso din na tinatanggap ng tao. Ito ay regalo ng Diyos na umiibig at nagliligtas sa atin. Ito rin ay regalo na tinatanggap natin mula sa Diyos na laging nagmamahal.

Kay Hesus, makikita natin na sa gitna ng pagkabaog at pagkatigang ng mundong ito, nagsisimula ngayon ang pagbabago. Isang pagbabago na hindi gawa ng tao, kundi Diyos lamang ang may likha. Kung tutuusin, lahat ng tao, lahat po tayo, sagisag tayo ng pagbabago.

Bawat taong isinilang sa mundong ito ay sagisag ng isang bago na nagaganap. Sapagkat tayong lahat ay higit pa sa mga cells at molecules ng ating katawan. Higit pa sa ating kapaligiran.

Lahat tayo ay natatanging nilikha ng Diyos. Subalit si Hesus ang tunay na bago, dahil hindi siya nagmula sa yaman o resources ng mundong ito, kundi siya ay nagsimula sa mismong Espiritu ng Diyos; kaya nga siya ang bagong Adan eh.

Kung si Adan ang unang tao, kay Hesus naman, ang bagong pagkakatawang-tao ay nagsisimula. May mga tao na pinili ang Diyos na nauna pa kay Hesus. Pinili at isinugo.

Ang mga taong ito, pinuspos ng Diyos ng Espiritu Santo. Pero, tumanggap lamang sila ng Espiritu ng Diyos. Si Hesus iba.

Si Hesus ay nabuhay sa mundo na punong-puno ng Espiritu. Kaya siya ang katuparan ng lahat ng sugo ng Diyos. Siya ang katuparan ng mga propeta at mga patriarka.

Siya ang tunay na propeta. Tunay dahil sugo ng Diyos na talagang nagmula, na galing mismo sa Diyos. Ang lahat ng sinasabi nating ito tungkol sa Panginoong Hesus ay totoo.

Dahil ito ay hindi mga alamat, kundi tunay na naganap. Hindi siya mga legends or myth, kundi totoong event, kaganapan sa kasaysayan. Kung hindi naganap ang mga bagay na ito, walang saysay ang mga kwentong ito.

Sapagkat ang alamat ay para siyang mga kwentong-bayan lamang. Walang katotohanan. Subalit sa pananampalatayang Kristyano, ang Diyos ay hindi bilanggo sa langit. Hindi limitado doon sa spiritual aspect lamang. Kaya ng Diyos kumilos ngayon at dito. Kaya ng Diyos mabuhay at mamuhay sa gitna ng mundo.

At ginawa niya ito sa pamamagitan ni Hesus. Ang bagong Adan na isinilang ng Mahal na Birhing Maria sa kapangyarihan ng Diyos na siyang lumikha ng lahat ng bagay mula sa kawalan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Dito rin po natin mauunawaan ang kahulugan ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria.

Sa pagkakaunawa natin kay Maria bilang mga Katoliko, si Maria ay lalo nating maa-appreciate sa tulong ng pananampalatayang batay sa Bagong Tipan. Iyong Mariology o Theology of Mary, iyong pagkaka-unawa o pag-aaral kay Maria ay hindi isang maliit na version ng Christology o iyong buntot lamang ng pagkaka-unawa o pag-aaral kay Hesus, kay Kristo. Hindi, ang Mariology ay napakagandang unawain kung titingnan natin na ang pinag-uugatan nito ay ang Doktrina ng Biyaya, Doktrina ng Grasya.

Tulad din po doon sa Ecclesiology, iyong pag-aaral sa simbahan, at iyong anthropology, pag-aaral sa pagiging tao natin, iyan ay mga offshoots o nagmumula iyan o dumadaloy iyan doon sa mas malaki pang turo o aral ng simbahan tungkol sa Biyaya o Gratia. Si Maria ay sagisag ng simbahan. Sagisag si Maria ng isang taong sumasampalataya na maaari lamang maligtas ang mundo sa tulong ng Biyaya, sa tulong ng pag-ibig ng Diyos, udyok ng pag-ibig, pag-tulong at pagdamay ng Diyos.

Kaya nga si Maria ay napupuno ng Grasya, sapagkat hinayaan niya na maranasan niya sa kanyang buhay iyong pagdating ng Grasya o Biyaya ng Diyos. Kaya huwag tayo matatakot na si Maria ay lapitan, pag-aralan o mahalin, sapagkat hindi siya panganib kay Hesus, hindi siya kalaban ni Hesus, kundi si Maria ay nagtuturo sa atin na lingunin, lapitan, harapin at yakapin ang kaligtasan na nagmumula kay Kristo. Si Maria ay sagisag ng sanlibutan na naghihintay sa pagdating ng Biyaya ng Diyos.

Hindi ba tayo, hindi tayo sanay maghintay eh. Kapag tayo naghihintay, naiinip tayo, nililibang natin ang ating sarili sa paggawa ng kung anu-anong mga bagay. Pero pag tingnan natin si Maria, parang pinapa-alala sa atin na sa larangan ng pananampalataya, dapat matuto tayong maghintay sa Biyaya ng Diyos, sa pagdating ng panahon na itinakda ng Panginoon.

At si Maria ay modelo natin diyan. Modelo sa pagtanggap sa Biyaya. Lahat ng bagay tungkol kay Maria ay dahil sa Biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa Kanya bilang Birhen na magsisilang sa Anak ng Diyos.

Sana po ay nagustuhan ninyo ang munting pag-aaral o pagninilay na ito sa ating pananampalataya tungkol sa Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo at pagsilang Niya mula sa Birheng Maria. Hindi masyadong madali, medyo mabigat-bigat, pero kasi kailangan natin unawain iyong tunay na kahulugan nito na minsan ay hindi ipinapaliwanag sa atin o hindi natin naririnig. Sa susunod po ay tatalakayan naman natin ang mga talata na “pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa Krus, namatay, inilibing.”