IKA-17 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
LIBRENG TSIBOG!
Nakakatuwa ang isang FB message: Meron ka bang mga kaibigan na ganito? Yung laging nagsasabi na: Libre naman diyan! Mahilig tayo as free, sa libre. Kaya sikat ang free wifi, free taste, free trial, buy 1 get 1 free!
Pero ano ba ang tyansa kapag free ang isang bagay?
Pwedeng libre nga dahil promo. Next time tiyak may bayad na.
Pwedeng libre kasi walang kuwenta. Marami naman at hindi mahalaga, e, kaya ipamigay na lang.
Pero puwede kayang libre dahil nagmula sa pagmamahal?
Nakatanggap ng libre ang mga Hudyo mula sa Panginoon. Libreng tinapay at isda mula sa himala ni Hesus. Inisip siguro ng ilan: Baka promo ito a. Ano kaya kapalit nito? Kelan kaya singil?
Yung iba siguro akala ay walang kuwenta ang ipinamigay. Ang dami naman e, sobra-sobra. Mabuti ipinamigay na nga lang. Mabubulok lang yan sa dami. Hindi kayang ubusin ni Hesus at ng mga alagad lahat ng ito.
Tuloy dahil hindi nila naintindihan ang ginawa ng Panginoon; ninais nilang gawin siyang hari. Para laging may libre, umaapaw ang suppply!
May nakaisip kaya na ang pagkaing pinagsasaluhan nila ay libre dahil nagmula ito sa pagmamahal? Nagbigay ng pagkain ang Panginoon dahil sa kanyang habag. Ang makilala siya ay hindi lamang ang kumain ng tinapay na nabubulok. Hindi lang siya namumudmod ng libreng tinapay at isda. Ang tunay niyang handog ay ang kanyang sarili. Siya ang tunay na pagkaing ng mga sumusunod sa kanya.
Hindi Ito promo. Walang tagong intensyon. Wala ring kondisyon. At hindi ito walang kuwenta o balewala. Ang handog ni Hesus ay mula sa kanyang espiritu ng sakripisyo at dakilang pag-ibig. Ang “tinapay” na dulot niya sa mundo ay magmumula sa pagbubuwis ng sarili niyang buhay
Ang pagkaing ito, mula sa pag-ibig at puno ng pag-ibig ay nasa Eukaristiyang ipinagdiriwang natin. Dito, pinakakain tayo ni Hesus ng pag-ibig na mula sa kanyang puso. Oo, libre nga ito pero hindi upang gawin natin siyang hari sa mundong ito. Libre ito kasi nais niyang maging libre din, malaya din tayong magpasyang sumunod sa kanya bilang hari ng ating puso at kaluluwa.