PAANO IPALIWANAG ANG KRUS: PART 1
ANG KRUS NI KRISTO: BUKAL NG KALIGTASAN
ANG BAGONG TIPAN:
Isang malaking tanong para sa mga sinaunang Kristiyano mula pa sa simula ay kung paano nga ba ipapaliwanag na si Hesus, “propetang dakila sa gawa at salita sa harap ng Diyos at ng tao,” ang pinakahihintay na magliligtas sa Israel, ay hinatulan at ipinako sa krus ng mga pinuno ng bayan (Lk 24:19-20).
Maging Griyego o Hudyo ay kahibangan o iskandalo ang maging tagasunod ng isang naipako at namatay sa krus at umasa sa kanya ng kaligtasan (1 Cor 1: 23).
Sa liwanag ng mga pangyayari sa Paskuwa at sa pagkakasunod sa Lumang Tipan, ang katotohanan ng nakahihiyang kamatayan ay ipinaliwanag bilang siyang “dapat” maganap ayon sa plano ng kaligtasan, dahil si Kristo ay pumasok sa kanyang lubos na kaluwalhatian at naging sanhi ng pagbabagong loob at kapatawaran para sa lahat (Lk 24, 26, 46; Phil 2: 6-11).
Ang pinagmumulan ng “teyolohiya ng krus” (pag-unawa at paliwanag ukol sa krus) ay ang mismong pangangailangan na unawain ang nakakahiyang kamatayan ni Kristo, sa diwa ng pananampalataya kay Kristo na Tagapagligtas.
Sa katunayan, hindi lamang ipinahayag ng sinaunang simbahan na si Kristong Ipinako sa krus ang siyang TANGING daan ng kaligtasan kundi MAGING ang kanyag kamatayan sa krus ay may gampaning nakapagliligtas: si Kristo “ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan” (1 Cor 15:3). Ang mga salitang ito, ipinahayag ni San Pablo bilang bahagi ng ebanghelyong tinanggap niya, ang siyang UGAT ng ng teyolohiya ng krus.
Ang kahalagan ng misteryo ng krus ay nasa mga Ebanghelyong Sinotiko (Markos, Lukas, Mateo): ang mahabang salaysay ng paghihirap at kamatayan ni Hesus, na isang pagpapalawig na kaugnay ng mensahe ng Lumang Tipan.
Isinisiwalat nito ang dalawang pangunahing bahagi ng misteryong ito:
a) Ang krus bilang kalooban ng Ama at tinanggap naman ng buong pagsunod bilang Anak ni Kristo
b) Ang paglalarawan sa krus bilang itinalaga para sa kaligtasan ng tao sa mga kasalanan
Ang unang bahagi – direksyong pababa (vertical)
– Makikita sa 3 pagpapahayag ukol sa paghihirap ni Kristo – Mk 8: 31, 9:31, 10:33-34f at sa salaysay ng pagdurusa ni Kristo sa halamanan
– Ang krus ay hindi kamalian kundi kasangkapan ng kaligtasan
Ang ikalawang bahagi – direksyong pahalang (horizontal)
Pinagtitibay ni Kristo ang kanyang pagdating upang ibigay ang buhay bilang katubusan ng marami (Mk 10:45, Mt 20:28) at sa mga salitang binitiwan sa hapunan na ang kanyang dugo ay ibubuhos para sa kapatawaran ng mga kasalanan (Mt. 26:28, MK 14:24, Lk 22:20).
Ang maraming mga salitang ginamit para isalin ang formulang “para”/ “sa” – ay nagpapakita ng gampanin ng krus tungo sa kaligtasan (soteriological function)
Kay Juan, makikita ang bahaging pababa (vertical): sa misyong tinanggap ni Kristo mula sa Ama Father (Jn 12:27, 14, 30, 19:30) at sa kaganapan nito sa krus.
Ibinigay/ ipinadala ng Ama ang Anak upang sinumang manampalataya ay maligtas, Jn 3:16
Kay Juan, kitang-kita din nag bahaging pahalang (horizontal): ipinahayag sa 2 magkaibang istilong akma sa sulat ni Juan, na nagpapakita ng tagisan sa pagitan ng liwanag at dilim, buhay at kamatayan:
1. Una, ang pag-ibig sa kanyang mga kaibigan, na pinag-alayan ni Hesus ng buhay (Jn 13:1. 10:11. 15:13)
2. At ang paghuhukom sa mundo at sa prinsipe ng mundong ito na nalupig na ng krus (Jn 12:31. 16:11. 16:33). Kaugnay ng tagumpay laban sa mundo ay ang pagluwalhati kay Hesus sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit at sa kanyang pagpapakasakit.
Ang dalawang bahaging ito ay pinag-ugnay sa konsepto ng pagpapadalisay at paglilinis na dulot ng dugo ni Kristo – 1 Jn 1:7, 5:6, Rev 1:5)
– paghahambing sa kamatayan ni Kristo at sa mga sakripisyo ng Lumang Tipan
– ang titulo ni Hesus bilang: Kordero ng Diyos (Jn 1: 29,36; 19,36; Rev 28) – isa nang teyolohiya ng krus na gamit ang simbolo mula sa Lingkod ni Yahweh at ng kordero/tupang pam-Paskuwa
Wala nang ibang manunulat na mas madalas bumalik sa tema ng misteryo ng krus higit kay San Pablo. Habang ang mga ebanghelista ay nagpapaliwanag ng iskandalo ng krus, si Pablo naman ay nananangan sa katotohanang si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan (1 Thess. 5,9; 2 Cor. 5:14-21; Rom. 4:25) at ginagamit ang doktrinang ito upang buuin ang kanyang teyolohiya ng kapatawaran sa pamamagitan ng pananampalataya (justification by faith).
Hindi umaasa ng kaligtasan ang mga Kristiyano mula sa karunungan, pagsunod sa batas (na nagbabalewala sa krus, Gal 5:11; 1 Cor 1:17), atbp, kundi naniniwala sila sa pagpapatawad na malayang dulot ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng katubusang dulot ni Kristo Hesus (Rom 3:24)
Madalas ipahayag ni Pablo ang kapangyarihan ng krus, gamit ang iba’t-ibang modelo upang ipaliwanag ang misteryong ito.
Minsan kuntento siyang ipaliwanag ito gamit ang paraang masasabing “mythical” (higit sa pangkaraniwang nadarama) na may kasamang elemento ng espasyo at ng panahon o oras: halimbawa, na si Hesus na namatay at muling nabuhay ay nakatayo sa kanan ng Diyos at nagdarasal para sa atin (Rom 8:34)
Sa ibang pagkakataon, gumagamit si Pablo ng kaisipang gamit sa daigdig ng mga Hudyo-Griyego upang bigyang linaw ang kapangyarihan ng krus.
Mga pamamaraan ni Pablo – 3 modelo
a. modelo ng batas
Ang Diyos ay tagapagtangkilik na nagbubuhos ng pantubos upang palayain ang alipin
Pinalalaya ng Diyos ang sangkatauhan mula sa pagka-alipin ng batas, kamatayan at kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo (Gal 4.4; Gal 3.13; 2 Cor 5.21; Col. 2.14; Tit 2.14 also 1 Pet 1:18)
Ang katubusan ay iniaalay sa Diyos, na kumakatawan sa mga kapangyarihang lumulupig sa tao; minsan hindi mahalaga kung magkano ang pantubos, at ang pagliligtas o pagtubos ay halos katumbas na ng simpleng pagpapalaya.
Sapat na sabihing sa pangyayari ng kamatayan ni Hesus matatagpuan ang pagsasama ng 2 mahahalagang tema upang unawain ang misteryo ng kaligtasan para sa isang Kristiyano – ang biyaya at ang paghuhukom
Dapat tandaang ang “pagbabayad-puri” na madalas gamitin sa paliwanag kaugnay ng krus ay wala sa Bibliya
b. isa pang modelo – mga rito ng sakripisyo sa Lumang Tipan para sa pagpapatawad ng sala
Ang pagkamatay ni Kristo sa krus ay “kasangkapan ng paglilinis” na nagpapakilala ng katapatan ng Ama sa balak na kaligtasan (Rom 3.25), isang mabangong sakripisyo na alay sa atin para sa Ama (Ephes 5.2)
Sa Ebreo 9.1-10, ang tema ay napalago. Si Kristo ang punong pari, sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay pumasok sa makalangit na santuwaryo, at nagbukas ng pinto para sa ating lahat (4.16, 6.19).
Tandaan na ang kamatayan ni Hesus ay hindi eksklusibong napapasailalim sa mga sakripisyo ng Lumang Tipan. Ito ay hindi lamang rituwal na panay sagisag, anino, o larawan ng bagong katotohanan.
Sa halip, nalalampasan nito ang lahat ng batas ng rituwal, kung saan ang pagpapakasakit ni Kristo ay siyang bagong sistema, ang tanging kundisyon para ipahayag ang pagka-Anak at pagka-masunurin ni Kristo.
k. huling modelo: ang pagkakaisa ng Kristiyano at ni Kristo, kung saan ang pangyayari ng Paskuwa ay mahiwagang nagaganap sa buhay ng indibidwal na Kristiyano.
Sa katunayan, ang mga tagasunod ay nalilibing kasama ni Kristo sa binyag at nabubuhay mag-uli sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay buhay sa mga namatay (Col 2:12)
Naipako kasama ni Kristo, hindi na sila nabubuhay sa sarili kundi si Kristo ang nabubuhay sa kanila, Gal 2.20
Kaya nga ang doktina ng krus, na isang daan tungo sa kaluwalhatian ni Hesus (Phil 2.5-11, Ebreo 1.3), ay lapat din sa katubusan ng lahat ng tao. Makikita ito sa Ebreo (2.9;5.7-9; 12.2)
May ilang katanungang kaugnay sa paliwanag ni Pablo sa krus:
Hindi malinaw kung iniuugnay ng apostol sa kalunus-lunos na kamatayan ni Hesus (ipinahahayag sa mga salitang krus, kahihiyan, dugo) ang gampaning pagliligtas na kakaiba sa ibang yugto ng buhay ni Hesus, o kung ipinakikita lamang nitong kamatayan at paghihirap, ang isang sangkap ng buhay ni Hesus na palagi nang kasama ng kanyang buong buhay.
Hindi maaaring matiyak kung hanggang saan mahahanap sa mismong mga salita ni Hesus ang interpretasyon tungkol sa mapaglitas na gampanin ng krus, o kung ito ba ay ambag na lamang ng pang-unawa na dala ng teyolohiyang Hudyo tungkol sa epekto ng kamatayan ng matuwid at iyong pang-unawang Griyego naman ukol sa soter (tagapagligtas).
Hindi naman mahalaga ang mga tanong dogmatiko o doctrinal. Ang pananampalataya sa katotohanan ng paliwanag ni Pablo sa mga pangyayaring pam-Paskuwa ay hindi batay sa eksaktong kasaysayan kundi sa pagbubunyag at inspirasyon ng Diyos na siyang patunay sa katotohanan ng kanyang teyolohiya o aral.
Hindi rin malinaw ang kaugnayan ng aral ni Pablo sa krus at ng iba pang susunod na kaisipan o pagpapaliwanag na nagnanais saliksikin ang kamatayan ni Kristo na nagpapalaya at nagdadala ng kaligtasan.
Sinasabing ang mga paliwanag ni Anselmo at Luther atbp, ay hindi mahahango lamang sa mga turo ni Pablo. Malinaw na ang teyolohiya ng mga darating na panahon ay naisalin mula kay Pablo sa tulong ng mga pangungusap na halaw sa mga sistema at konseptong hindi batid ni Pablo, at sa halip ay halaw na sa mga kultura at kapaligiran ng mga susunod na henerasyon.
Ang tanong ay hindi kung ang teyolohiya ng mga scholastics ang siyang tanging pagpapayabong ng mensahe ni Pablo kundi higit sa lahat kung ito ay isang makasaysayang pagpapatuloy ng katotohahan sa pagitan ng mensahe ng krus sa Bagong Tipan at ng mga lehitimo at posibleng pagpapaliwanat at pagpapalawak.