Home » Blog » KAPISTAHAN NG PAGKAHIMLAY NG MAHAL NA BIRHENG MARIA (Bersyon ng Orthodox Church)

KAPISTAHAN NG PAGKAHIMLAY NG MAHAL NA BIRHENG MARIA (Bersyon ng Orthodox Church)

KATUMBAS NG  KATOLIKONG KAPISTAHAN 
NG PAG-AAKYAT SA LANGIT

SA MAHAL NA BIRHENG MARIA (ASSUMPTION)

Ang mga pinakunang kasulatan na nagsasaad ng detalye ng pagkamatay ni Maria ay sinasabing mula kay Apostol San Juan at kay Jose ng Arimatea. Subalit ang mga dokumentong ito ay hindi kapantay ng pangangalagang naibigay sa mga aprubadong aklat ng Bagong Tipan. Kung ang pinakamaagang aklat ng Bagong Tipan ay mula sa ika-4 na siglo, ang pinakamaagang salaysay ukol sa kamatayan ni Maria ay mula naman sa ika-11 siglo. Maraming bersyon at dokumento ukol dito, ang isa ay Griyego, dalawa ay Latin at ang kanilang nilalaman ay malaki ang pagkakaiba. Dahil kapwa binanggit ni Epifanio (ika-4 na siglo) ang bersyong Griyego at Latin, alam nating pareho itong maaga at kumakatawan sa salaysay na namayani sa panahong iyon. Hindi ito maaaring ituring na bahagi Banal na Kasulatan. Itinuturing itong mga dokumentong historical at ang kanilang pagkakahawig lamang ang babanggitin ngayon. Ang mga detalye ay dadagdagan ng mga pagbasa mula sa Banal na Kasulatan na kaugnay sa pagdiriwang ng mga Orthodox ng kapistahan ng Paghimlay ni Maria. Maraming mga nagsulat matapos ang ika-4 na siglo na nagbigay ng higit pang mga detalye ukol sa pangyayari ng Pagkahimlay ni Maria, bilang pagpapayabong sa mga naunang dokumento. Hindi na ito tatalakayin upang manatiling simple.

Nang marating ni Maria ang ika-70 taon ng buhay, naramdaman na niya ang bigat ng katandaan. Nangulila siya para sa kanyang Anak at naramdaman niyang ang kaluluwa niya ay tila nakulong na parang bilanggo sa kanyang tumatandang katawan. May pagkakataong tumutungo siya sa Halaman ng Getsemane kung saan may maliit na lupain ang pamilyang Zebedeo. Doon siya nagdarasal, kasama ang tatlong iba pang mga babae, sa isang lugar na malapit sa kung saan nagdasal ang Panginoon noong gabi bago ang kanyang pagkapako at kamatayan sa krus (Lk 22: 39-44, Mk 14:32, Jn 18:1). At doon nagpakita ang Arkanghel Gabriel sa kanya upang sabihing malapit na ang kanyang pagyao, at magaganap ito sa loob ng tatlong araw.

Hindi nagtagal pagkaalis ni Gabriel, si San Juan Apostol ay dinala mula sa Efeso, tulad ng kung paano ang diyakonong si Felipe ay dinala mula sa disyerto sa daang pagitan ng Jerusalem at Gaza patungong Azotus (Gawa 8:26, 39-40). May di pagkakaunawaan ang mga Ama ng Simbahan kung si Juan ba ay nasa Efeso noon o sa ibang rehiyon ng Judea. Ipinaglaban nilang hindi iniwan ni Juan ang Mahal na Birhen na nag-iisa habang ito’y nabubuhay, maliban sa sandaling panahon sa pangangalaga ng anak-anakan nitong si Santiago, ang kapatid ng Panginoon.

Matapos dumating si Juan, ang nalalabi sa Labindalawang Apostol ay nagsidating din mula sa kung saan bahagi ng daigdig sila noon nagpapahayag ng Ebanghelyo. Sa bersyong Griyego, isinama ang isa o dalawa sa Labindalawa na namatay na bilang martir; sa isang bersyong Latin tinanggal si Tomas dahil nahuli daw itong dumating matapos ang kamatayan ni Maria. Lahat ng bersyon ay nagbanggit na ilan sa Pitumpu (Lk 10:1-20) ay naroon din.

Sa loob ng halos tatlong araw, ang mga Apostol ay nagbantay at nagdasal kasama ang Birheng Maria na mistulang nakaratay ayon sa paglalarawan sa kanilang mga panalangin. May pagkakataong tumatayo siya, subalit mas madalas siyang nanatiling nakahimlay sa kanyang higaan.

Nang ikatlong araw, Linggo, dumating ang Panginoon mismo kapiling ang napakaraming mga anghel. Sa pagtanggap Niya sa kaluluwa ni Maria, napuno ang silid ng mahalimuyak na pabango at narinig ng mga Apostol na nagsiawit ang mga anghel. Ang bersyong Griyego at isa sa bersyong Latin ang nagsabing may mga kahanga-hangang pangitaing naganap kaya’t nabatid ng lahat sa Jerusalem ang pangyayari.

Binuhat ng Labindalawang Apostol ang katawan ni Maria sa isang prusisyon mula Jerusalem hanggang sa libingang pampamilya ni Maria malapit sa Getsemane. Ayon sa Tradisyon, nasa Bundok Sion ang bahay ni Juan, na nasa hilagang bahagi ng lungsod o sa mababang lungsod. Upang makarating sa Halamanan ng Getsemane, kailangang dumaan ang prusisyon sa puso ng Jerusalem at sa harap ng Templo, dahil ang Halamanan ay nasa Silangan ng Templo sa labas ng bakuran ng lungsod.

Ang mga pinunong Hudyo, na nagtangkang pumatay kay Maria, ay nanumpang susunugin at sisirain ang katawan nito. Isa sa kanila, si Jefonias, o Reuben o Atonio sa ibang bersyon, ang sinuong ang makapal na tao upang sikaping ibaligtad ang kabaong na bitbit ng Labindalawa. Subalit nang mahawakan niya ang ataul, may naganap sa kaniyang mga braso. Ang bersyong Griyego ang nagsaad na naputol ang mga braso mula sa siko; sa Latin naman, na natuyot ang mga braso mula sa siko. Nanatiling nakakapit sa kabaong ang mga kamay at siya ay puno ng matinding pananakit. Nagmakaawa ang lalaki sa mga Apostol at kay Maria na kahabagan siya. Nang ipinahayag niya ang pananampalataya na si Hesus ang Kristo, pinagaling siya ni Pedro. Nagsimulang luwalhatiin ng lalaki ang Diyos kasama ng lahat sa prusisyon.

Nang makarating sa Getsemane, ang Labindalawa ang naglibing sa katawan ni Maria sa bagong hukay na sinaraduhan ng malaking bato tulad ng nagpinid sa libingan ng Panginoon (Mt 27:60; Mk 15: 46). Pagkatapos nagbantay ang Labindalawa sa puntod dahil sa mga banta ng mga pinunong Hudyo. Ayon sa bersyong Griyego, tatlong araw ito naganap; sa dalawang bersyong Latin wala namang binanggit ukol sa haba ng panahon. Sa bersyong Griyego narinig nang tatlong araw ang pag-awit ng mga anghel; sa isang bersyong Latin ang binanggit lamang ay ang awit at pag-iyak ng mga taong natitipon.

Pagkatapos ng tatlong araw, ayon sa tatlong bersyon, ang katawan ni Maria ay iniakyat sa langit, bagamat iba’t-iba ang salaysay kung paano ito naganap. Sa Griyego, natapos ang awitan ng mga anghel matapos ang tatlong araw at ang katawan ay naglaho. Sa Latin nahuli naman sa pagdating si Tomas Apostol mula sa India at hiniling na makita ang katawan – subalit wala na ito. Ang isa pang bersyong Latin ang nagsaad na dumating mismo ang Panginoon kasama ang mga anghel, binuhay si Maria, at iniakyat sa langit. Kaya, masasabing iniakyat sa langit ang katawan ni Maria, subalit ang mga detalye ay hindi malinaw.

Katulad ito ng naganap sa katawan ni Moises pagkamatay nito. Ipinakita kay Moises ang Lupang Pangako mula sa Bundok Nebo katapat ng Jericho. Pagkatapos, doon sa lupain ng Moab, namatay si Moises at inilibing siya ng Panginoon sa kapatagan sa lupain ng Moab katapat ng Bet-peor (sa ibayo ng Jordan mula Jericho); subalit walang taong nakakaalam ng libingan niya hanggang ngayon. Bagamat namatay si Moises nang 120 taong gulang, hindi lumabo ang kanyang mata, at hindi nabawasan ang kanyang lakas (Deut 34: 5-7).

Nabalot ng alingasngas ang kamatayan ni Moises. Tinuran ito ni Apostol Judas nang sabihin niya: “Kahit si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay “Parusahan ka nawa ng Panginoon!” (Jud 1:9) Mistulang tinutukoy ni Judas ang hindi kanonikal na aklat na “Ang Pag-aakyat kay Moises.” Sa Pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesus, mababatid ang bunga ng pag-aakyat kay Moises: kasama siyang nagbagong-anyo ni Elias at ng Panginoong Hesus; kapwa silang nabalot ng luwalhati ni Hesus at nakipagtalakayan ukol sa paglisan ni Hesus na magaganap sa Jerusalem (Lk 9: 30-31).

Sa Pag-aakyat sa langit kay Maria, isang patunay ay ang kawalan ng anumang labi o relic niya mula pa noong una. Ang mga labi o relic ng mga banal ay malaking bagay para sa mga Simbahan sa Silangan kaysa sa Kanluran. Ang mga labi (halimbawa, buto) ng Labindalawa, ng Pitumpu, at ng mga iba pang santo ay pinahahalagahan sa mga simbahang Orthodox sa buong mundo. Malaking karangalan para sa isang simbahang nakapangalan kay San Pedro ang magtaglay ng piraso ng relic o buto ni Pedro. Dahil walang simbahang nag-aangkin na mayroon silang bahagi ng relic o buto ng Mahal na Birhen ay isang piping saksi sa 2,000 taon ng kasaysayang Kristiyano na nagsasaad na wala ang kanyang labi o relics sa mundong ito.

Maraming Kristiyano sa Kanluran ang humahanga sa paggamit ng mga “banal na relic” o mga buto ng taong banal sa Silangan. Mula pa ito noong siglo 800 BC. Nang mamatay si Propeta Eliseo inilibing siya sa isang puntod. May isa pang patay na inililibing noon nang biglang sumalakay ang mga Moabita. Upang makaalis agad, inihagid ng mga naglilibing ang bangkay sa puntod ni Eliseo. Subalit nang madampi ito sa mga buto ng propeta, ang bangkay ay muling nabuhay at tumayo (2 Hari 13: 20-21). Sanhi ito ng mga “banal na relic o labi” at hindi ng pananalig ng mga naglilibing.

Ang prinsipyo dito ay: pinababanal ng isang bagay ang isa pang bagay. Ang mga relic o labi ni Eliseo ay pinabanal ng kanyang buhay. Sinabi ng Panginoon na ang Templo ng Jerusalem ang nagpabanal sag into sa kaban (Mt. 23:17) at ang altar ng Templo ang nagpabanal sa mga kaloob na iniaalay (Mt 23:19). Ganito rin kay San Pablo: “Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinadala sa mga maysakit. Gumagaling naman ang mga ito at lumalayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila” (Gawa 19:12). Pinabanal ng buhay ni Pablo ang kanyang mga kasuotan.

Higit sa lahat, isa ang masasabi sa buhay ng Mahal na Birhen; na siya ay puno ng kabanalan, at lahat ng salinlahi ay tatawagin siyang pinagpala (Lk 1: 48). Kung may mga relic o labi ng katawan ni Maria sa mundo ngayon, tiyak na ito ang magiging pinakamahalaga at pinakapararangalan sa lahat.

—–

Sa mga Katoliko, ang pista ay tinatawag na Pag-aakyat sa Langit kay Maria o Assumption at sa Orthodox (at maging sa mga Simbahang Katoliko sa Silangan) ito ay ang pista ng Pagkahimlay ng Ina ng Diyos (Falling asleep of the Mother of God) at may 14 na araw ng ayuno o fasting bilang paghahanda dito. Sa Orthodox (at mga Kristiyano sa Silangan) si Maria ay dumanas ng natural na kamatayan at binuhay mag-uli ang kanyang katawan matapos ang 3 araw at saka siya iniakyat sa langit kaluluwa at katawan bilang malakas na hudyat ng pagkabuhay ng mga sumasampalataya. Natagpuang walang laman ang kanyang puntod matapos ang 3 araw.

Maraming Katoliko din ang naniniwalang namatay muna si Maria bago ang Pag-aakyat sa langit pero mayroon ding naniniwala na iniakyat siya na hindi kailangang dumanas ng kamatayan pa. Hindi ito binigyang-diin ng turong Katoliko, kaya’t anuman sa dalawang pang-unawa ay maaaring paniwalaan ng mga Katoliko.

Ang Assumption ay isang pinagtibay at ipinahayag na doktrina (dogma) sa mga Katoliko, at sa Orthodox naman ay mas higit na ipinahahayag hindi sa doktrina kundi sa liturhiya at buhay panalangin.

 (sariling salin sa Tagalog ng ourparishpriest blog)

–>