IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO K
Pekeng Balita = Kita; Mabuting Balita = Propeta
Pinangangatawanan ni San Lukas ang pagiging mananalaysay. Hindi kasing sopistikado ang kasaysayang alam niya kung ihahambing sa modernong pananaliksik at paghahalungkat ng mga detalye sa panahon natin. Ang nais niyang ilahad ay hindi basta balita kundi kasaysayan ng kaligtasan, ang pakikilahok ng Diyos sa buhay ng kanyang mahal na bayan.
Sa ikalawang Linggo ng Adbiyento, mababasa natin ang mga pangala ng mga pinunong pamilyar sa mga Hudyo nang panahon ng paglitaw ni Juan Bautista. Sino nga ba ang mga taong ito?
Si Tiberio ay ampon at kahalili bilang emperador ng Roma ng kanyang ama-amahang si Augusto. Nasa ikalabing-limang taon ng panunungkulan niya nang dumating si Juan Bautista. Ito ang tanging batid nating petsa sa buhay ng Panginoong Hesus. Walang natatalang direktang interes sa pamamahala sa Palestina si Tiberio. Si Herodes naman ay pinuno ng Galilea (subalit sa ilalim ng emperador) at naging bantog sa pagpatay sa mga inosenteng sanggol sa Betlehem, isang malagim na tagpo na akma sa marahas niyang panunungkulan at pagkapit sa kapangyarihan.
Si Felipe na kapatid ni Herodes ay pinuno ng Iturea at Traconia. Matapat siya sa Roma kung saan siya nag-aral. Mukhang payapa ang panunungkulan niya. Ang lugar na Cesarea Filipos ay ipinangalan niya sa emperador (Cesar) at sa kanyang sarili (Filipos). Asawa niya si Salome na anak ni Herodias, ang babaeng nagpapatay kay Juan Bautista. Si Lisanias naman ay lider na mukhang hindi kilala maliban sa pagbanggit ni San Lukas.
Si Annas ang punong paring higit na makapangyarihan at patunay nito ang paghalili sa kanyang puwesto ng kanyang limang anak at ng manugang niyang si Caifas. Si Annas ang kapural sa planong pagpatay kay Hesus. Si Caifas naman ang unang nagmungkahi na mas maiging mamatay si Hesus kaysa magkagulo pa ang bayan.
Hindi naman lahat ng mga pinunong ito ay masasama, subalit walang sinuman ang nagdala sa mga tao ng katuparan ng kanilang pinakamalalim na kalooban at pinakamatimyas na pangarap. Maging emperador man, o munting pinuno o lider relihyoso, isang bagay lang ang sinikap nilang itatag para sa sarili at sa kanilang pamilya – ang kita na katumbas ng kanilang panunungkulan. Kumita sila ng yaman, kapangyarihan, at seguridad ng kanilang angkan.
Ang mga tao naman ay hindi interesado sa kita ng kanilang mga pinuno. Ang puso at isip nila ay naghahangad ng kalayaan at kahulugan; nagnanasa silang makatagpo muli ng mensahero ng Diyos na matagal nang hindi nagpapakita. Hindi kita, kundi propeta, ang nais nilang magbahagi ng salita ng DIyos at magturo ng landas na tatahakin.
Binuhay ni Juan Bautista ang presenya ng propeta sa Israel. Dumating siyang balot ng kapayakan at kalinisan ng puso, upang iabot sa madla ang mensahe ng Diyos at gisinging muli ang katapatan at debosyon ng mga tao sa Panginoon. Bilang propeta, nagsalita siya kahit sa ikapapahamak ng kanyang buhay, upang buksan ang landas ng kaligtasan na darating na sa katauhan ni Hesus.
Ilan kaya ngayon ang nagpapanggap maglingkod pero sa katunayan ay nais lamang ang kita? Ang mga pulitikong may hindi maipaliwanag na pag-angat sa buhay at walang kahihiyang magsinungaling, manira ng kapwa, at pumatay ng tao. Ang mga pastor na ang pangaral ay tungkol sa pagpapayaman at mabuting pakiramdam lamang. At tiyak na may mga pari ding ginagawang hanap-buhay ang kanilang bokasyong banal. Naaamoy ng mga tao at isinusuka ang mga ganitong pinuno.
Salamat sa Diyos at may dumarating din paminsan-minsan na mga kahawig ng propeta, mahina at walang laban subalit puspos ng Espiritu ng Diyos at nag-aalab sa pag-ibig sa kapwa. Kaamoy sila ng mga pinaglilingkuran. Dala nila ay pag-asa at tapang. Nag-uudyok sila sa pagbabago. Ipinakikita nila ang mukha ni Kristo. Ganito palagay ko si Bishop Ambo David ngayon.
Ngayong Adbiyento, ipagdasal nating makilatis ang pekeng balita ng kita at madama ng mabuting balita ng propetang ipinadadala ng Diyos sa atin.