Home » Blog » 15 MABILIS NA TUGON SA PAGTULIGSA NG IGLESIA NI CRISTO

15 MABILIS NA TUGON SA PAGTULIGSA NG IGLESIA NI CRISTO

tinagalog mula sa

Ilang mga hindi kasapi ng iglesia ni Cristo, lalo na tayong mga Katoliko, ay hindi agad makasagot sa ilang mga paniniwala ng Iglesia ni Cristo, lalo na tungkol sa Bibliya at sa mga pagpuna laban sa Simbahang Katoliko. Narito ang ilang mabilis na tugon sa 15 paniniwala/ paninira ng mga Iglesia ni Cristo.

1. Ang ginagamit ba ng mga ministro ng INC ay hindi ng kanilang sariling mga salita, kundi ang mga salita ng Diyos mula sa Bibliya?

 Ito din ang paniniwalang itinuturo sa mga bagong kasapi ng INC. Pero ang totoo, ito ay paraan lamang ng pang-aakit.  Ang mga ministro ng INC ay nangangaral ng interpretasyon ni Felix Manalo sa Bibliya dahil akala nila si Manalo lamang ang maaaring magbigay ng interpretasyon sa Bibliya. At huwag palilinlang, ang mga turo ng INC tulad lamang ng “huling sugo ng Diyos sa mga huling araw” ay wala naman sa Bibliya. Kaya sinasabi ng kasapi ng INC na mula sa Bibliya ang turo ng ministro nila ay dahil laging may dalang Bibliya ang ministro. Walang sinumang makapangangaral ng Bibliya na ang gamit ay “Bibliya lamang” dahil bawat mangangaral ay laging may interpretasyon na hango sa kanyang sarili o mula sa ibang tao.

2. Ang INC ba ang pinaka-disiplinadong simbahan?

Ang disiplina sa loob ng INC tulad ng pagkakahiwalay ng mga lalaki at mga babae sa pagsamba ay isa lamang uri ng pang-aakit. Sa Bibliya ang tawad dito ay “damit ng tupa” at nagbabala ang Panginoong Hesus tungkol dito (Mt 7:15). Ang disiplina ay isa sa mga katangian ng tunay na mga miyembro ng simbahan kaya hindi nakakagulat na laging ipinagmamalaki ng INC ang disiplina nila.

3. Bawal ba sa Bibliya ang mga imahen o larawan?

Tila nga ipinagbabawal ng Diyos ang mga imahen sa Exo 25: 3-4 pero hindi ito ang buong katotohanan. Kahit nga ang mga INC ni ay may estatuwa ni Manalo na ginawa nila kahit hindi utos ng Diyos o ng Bibliya. Dito pa lamang, sinasalungat na nila ang kanilang sarili. Ang totoo, pinabayaan ng Diyos ang paggawa ng mga imahen para sa gamit pang-relihyon (Ex. 25:18;Ex 37:7-9; 2 Chr 10:13; 1 Kings 7:29; Kings 6:23; Ezek 4:17-18) . Kaya ang mga Katoliko ay may mga imahen sa loob ng kanilang mga simbahan.

4. Ang pagluhod ba ay nangangahulugan ng pagsamba?

Dalawang bagay ang dapat mabatid:

a. Ang mga imahen sa Simbahang Katoliko ay hindi mga diyos-diyusan. Ang isang diyos-diyusan ay hindi totoong Diyos. Alam ng mga ministro ng INC na ang itinuturo ng mga Katoliko ay iisang Diyos lamang, ang Santissima Trinidad – iisang Diyos sa tatlong Persona – at ang pagsasabing ang mga imaheng Katoliko ay diyos-diyusan ay isang kawalang katotohanan, dahil alam ng mga ministro na nagsisinungaling sila sa mga tao.

b. Ang pagluhod ay hindi laging kaugnay ng pagsamba: ito rin ay pagpaparangal, paggalang, at katapatan. Sa katunayan, sa kanilang ordinasyon ng mga ministro, ang mga kandidato ay nakaluhod sa harap ni Manalo kahit na sinasabi nilang hindi nila sinasamba si Manalo. Dahil dito, masasabi nating sinasalungat ng mga ministro ang sarili nila dahil sa kanilang ginagawa mismo ang kanilang itinatanggi.

5. Sinasamba ba ng mga Katoliko ang Mahal na Birheng Maria at ang mga santo?

Isa itong kasinungalinan ng mga ministro ng INC. Ang Diyos lamang ang sinasamba ng mga Katoliko. Ang Mahal na Birheng Maria at mga santo ay pinararangalan lamang nila. Ang pagpaparangal ay paggalang at pagtatangi o pagbibigay-halaga. Iginigiit ng mga INC na sinasamba ng mga Katoliko ang Mahal na Birhen at mga santo para sabihing lumalabag ang mga Katoliko sa turo ng Bibliya at upang pahinain ang loob ng mga may hindi masyadong bihasa sa aral ng Simbahang Katoliko tungkol sa pagsamba sa Diyos at sa pagpaparangal sa mga banal na tao.

 6. Ang Ama lamang ba ang tunay na Diyos at ang Santissima Trinidad ay wala nga ba sa bibliya?

Ang doktrina ng Santissima Trinidad ay nagsasaad na may Iisang Diyos sa Tatlong Persona.  Ang bawat Persona ay Diyos, pero hindi nagiging tatlo ang Diyos, kundi isa lamang. Ang doktrinang ito ay nakapaloob sa Bibliya. Sa Juan 14:26 halimbawa, itinuturo ni Hesus ang katotohanan ng Diyos – Ama, Anak at Espiritu Santo.  Ang pagkakaiba ng mga Persona ay malinaw. Ang Ama ang nagsusugo. Ang Anak ang dumating mula sa langit. Ang Espiritu ang nagtuturo at gumaganyak sa mga mananampalataya. Ang buong aral tungkol sa Diyos na Santissima Trinidad ay nasa talatang ito, bukod pa sa maraming iba pang talata ng Bibliya.

7. Si Hesus ba ay tao lamang at hindi Diyos?

Ang aral ng Simbahang Katoliko ay si Hesus ay taong totoo, pero siya din ay Diyos na totoo.  Pero sa INC, si Hesus ay tao lamang, tulad ng mga maling aral ng “Arianism” noong unang panahon. Sa Bibliya makikita natin ang maraming talatang nagpapatotoo na si Hesus ay Diyos. Gawa 20:28; Phil 2: 6-7; Jn 1: 1-3; Pah 3:14; Jn 8:58; Gawa 7:59; 1 Cor 1:23; 2 Ped 1:1; Jn 10:30-33; Jn 5:18; Lk 10:18; Mt. 11:27; Jn 14:6-10; Jn 17:3; Pah 22:13

8. Itinuturo ba ng Simbahang Katoliko na ang mga santo at ang Mahal na Birhen ay mga tagapamagitan, at hindi si Hesus lamang?

Sinasabi sa 1 Tim 2:5 na isa lamang ang tagapamagitan sa Ama, si Hesukristo. Para sa mga Katoliko, ang mga santo ay maaari ding maging tagapamagitan dahil tayo ay bahagi ng Katawan ni Kristo. Kung tayo ay bahagi ng Katawan ni Kristo na walang iba kundi ang Simbahan, maaari din tayong makibahagi sa pagiging tagapamagitan ni Kristo. Ang tagapamagitan ay isang “pumapagitna”. Kapag humingi ng panalangin sa iyo ang is mong kaibigan, nagiging tagapamagitan ka sa gitna ng Diyos at ng iyong kaibigan. Sinumang tumatanggi na tagapamagitan ang mga santo pero humihingi o tumatanggap naman ng panalangin ng ibang tao, ay bumabaligtad sa kanyang sarili.

9. Tumalikod nga ba sa pananampalataya ang simbahan matapos ang kamatayan ng huling alagad?

Ang totoo, mayroon nang mga tumalikod maging sa panahon ni Kristo (tingnan Jn 6:66). Ang turo tungkol sa pagtalikod umano ng simbahan ay hindi orihinal na mula sa INC kundi mula sa mga Mormon. At ito ay aral na taliwas sa pangako ni Kristo sa simbahan niya na hindi mananaig ang kapangyarihan ng impiyerno laban sa kanyang simbahan. Kaya ang maniwalang tumalikod nga ang simbahan ay kakulangan ng katapatan kay Kristo dahil sa kawalan ng tiwala sa kanyang mga pangako.

10. Ang imahen nga ba ng mukha ni Kristo ay siya ring imahen ng mukha ni Hudas (ayon sa painting ni Da Vinci)?

Ang bersyon ng pagkakalarawan kay Kristo na gawa ni Da Vinci ay napinta sa ika-16 na siglo at hindi mahalaga sino man ang ginamit niyang modelo sa kanyang obra. Ang hindi binabanggit ng mga ministro ng INC ay na mayroon nang mga larawan ni Kristo bago pa ang Last Supper ni Da Vinci. Ang pinakaunang pagsasalarawan sa mukha ni Kristo ay noon pang ika-6 na siglo at hindi pa isinisilang si Da Vinci para gamitin ang modelong ginamit nang panahong nauna pa sa kanya upang ma-ipinta niya ang mukha ni Kristo at ni Hudas. 

Ang pinakamatandang nakarating sa atin na larawan ni Kristo ay ang Pantocrator, noong ika-6 na siglo at nagpapakita ng mukha ni Kristo na madali pa ring makilala ngayon ng sinumang tumitingin.

 11. Ang doktrinang si “Kristo ay Diyos” ay naimbento lamang sa Council (pagtitipon) of Nicaea, ayon sa INC.

Tuwing puputok ang kontrobersya sa simbahan, nangangailangan nitong lutasin sa tulong ng isang council o pagtitipon tulad ng ginawa ng ginawa ng mga apostol sa kabanata 15 ng Aklat ng mga Gawa. Ito ang ginagawa ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko bilang pagsunod sa halimbawa ng mga apostol na nais lutasin ang mga sigalot sa pananampalataya. Ang sigalot tungkol sa pagtutuli ng mga bagong kasapi ay naisaayos sa Council of Jerusalem noong 70 AD. Ang kontrobersya naman sa pagka-Diyos ni Kristo ay naisaayos noong 325 AD. Hindi nag-iimbento ng doktrina ang simbahan sa bawat council kundi nagpahayag ng paglilinaw at pagpapaliwanag ng pananampalatayang naroon na at pinaniniwalaan na mula sa panahon ng mga unang Kristiyano. Ang INC ay walang isinasagawang council, kundi sumusunod lamang sila sa interpretasyong bigay ni Manalo sa kanila.

12. May dalawang doktrina ng demonyo na sinusunod daw ng mga Katoliko (bawal mag-asawa at pangingilin sa karne)

a. Paanong ipagbabawal ng simbahang Katoliko ang pag-aasawa gayung napakahalaga ng Sakramento ng Kasal para sa simbahan. Ang hindi pag-aasawa ng mga pari ay hindi doktrina ng simbahan kundi disiplinang niyayakap ng mga pari ng Latin-rite. Sa aral ni Kristo, mayroong mga tao na maaaring talikuran ang buhay pag-aasawa para sa Kaharian ng Langit – Mt. 19:12.

b. Ang pangingilin sa karne tuwing Kuwaresma (mga piling araw lamang tulad ng Ash Wednesday, Good Friday at Fridays of Lent) ay paraan ng pag-aayuno. Maliit na bahagi lamang ito ng pagsunod kay Hesus na nag-ayuno at nag-sakripisyo nang 40 araw at gabi sa ilang. Nag-aayuno baa ng mga INC tulad ni Hesus? Hindi!

13. Huwag tawagin ang sinuman na “ama” sa lupa.

Kung bawal tawaging “ama” ang sinuman, bakit ang daming paggamit ng salitang ito sa Bibliya? Paulit-ulit nating tinatawag na ama ang ating mga ama. Maging si San Pablo (1 Cor 4: 14-15) ay nagsabing siya ay naging ama ng kanyang mga tagasunod. Hindi sasabihin iyan ni Pablo kung taliwas iyon sa kalooban ng Diyos.

14. Ang Simbahang Katoliko nga ba ay itinatag ni San Ignacio?

Si San Ignacio ay disipulo ni San Juan Apostol. Siya ang Obispo ng Antioquia, kung saan unang tinawag na “Kristiyano” ang mga mananampalataya. Siya ang unang nagbanggit ng salitang “Simbahang Katoliko” sa isa niyang sulat. Subalit hindi siya ang nagtatag ng simbahan. Hindi ito nililinaw ng mga INC minister.

15. Paulit-ulit na panalangin daw ang Rosaryo?

Ang Rosaryo ay panalanging batay sa Bibliya, at hindi mga pagano ang modelo ng dasal na ito kundi ang mga hukbo sa langit: Pah 4:8 “At hindi sila tumitigil araw at gabi sa pagsasabi ng: Banal! Banal! Banal! Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Siya ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang darating.” Sa pangitain ni San Juan nakita niya ang mga anghel at mga banal na nagdarasal walang tigil at paulit-ulit. Hindi ang pag-uulit ng dasal ang tinatanggihan ng Panginoon kundi ang walang saysay at walang laman na dasal tulad ng mga pagano. Ito ang dapat malaman ng mga taong sumapi sa INC. Marami sa kanila ay hindi naman kilala ang Simbahang Katoliko o ang Bibliya at dahil sa pagliligaw ng INC tungkol sa turong Katoliko, napaniwala sila sa kasinungalingan. Maraming mga INC ang napopoot sa inaakala nilang mga turo ng Simbahang Katoliko na kung tutuusin ay hindi naman nila nauunawaan.

 see also:
 https://www.catholic.com/tract/iglesia-ni-cristo

(paki-share po para lalong makatulong sa iba at dumami ang magpuri sa Panginoon. thanks po!)