Home » Blog » SAINTS OF DECEMBER: SAN SILVESTRE

SAINTS OF DECEMBER: SAN SILVESTRE

DISYEMBRE 31
SAN SILVESTRE I, SANTO PAPA
 

 

A. KUWENTO NG BUHAY
Medyo kaunti lamang ang alam natin sa buhay ni San Silvestre I.   Naging obispo ng Roma (o Santo Papa ng simbahan) si San Silvestre I noong 314.  Maaaring naging isang Kristiyano siya sa panahon ng pagtuligsa sa mga Kristiyano ng Emperador Diocletian.
Pinamunuan ni San Silvestre I ang ating simbahan sa panahon ni Emperador Constantino.  Malaki ang naitulong niya sa paglago ng simbahan sa panahon ng kapayapaan. 
Naghahasik ng pagkakahati-hati noon ang heresy o maling turo ng mga Donatistsat mga Arians.  Nagpadala siya ng mga kinatawan sa Council of Nicea noong 325, isang malaking pagtitipon ng buong simbahan upang tugunan ang lumalalang maling turo ng mga Arians, na hindi naniniwala sa pagka-Diyos ng ating Panginoong Hesukristo.
Sa pananampalatayang Katoliko, naging susi si San Silvestre I upang ituro ang disiplina ng fastingo pag-aayuno sa mga araw ng Miyerkules, Biyernes at Sabado noong panahong iyon.
May isang alamat na nagsasabing noong una ay lubhang tinuligsa ni Emperador Constantino si Papa San Silvestre. Nang magkasakit ng ketong si Constantino at nagpasiya siyang sumailalim sa isang ritwal ng mga pagano para gumaling, nakita niya sa panaginip si San Pedro at San Pablo na nagsabing pumunta siya kay San Silvestre upang gumaling.
Hiniling ni Constantino na siya ay mabinyagan sa Basilica ng Laterano sa Roma at nang mabinyagan siya ay isang himalang nawala ang kanyang ketong. Iyon daw ang dahilan kung bakit nakipagkasundo si Constantino sa mga Kristiyano at binigyan niya ng magandang pag-trato ang relihyong ito.
Isa pang alamat ang nagsasaad na noong panahon na iyon, nagpasiya si Constantino na ilipat ang sentro ng kanyang kaharian sa Byzantium (sa bahaging Silangan ng imperyo o kaharian) bilang paggalang dahil inaakala niya na hindi dapat na ang sentro ng kanyang imperyo ay matagpuan kung saan naroon din ang sentro ng panunungkulan ng Santo Papa sa Roma (ang Roma ay nasa bahaging Kanluran ng imperyo).
Namatay si San Silvestre noong taong 335 at inilibing siya sa sementeryo ni Priscila. Naging bantog ang kuwento ng buhay ni San Silvestre at ito ang dahilan kung bakit kumalat ang pagkilala sa kanya. Ang mga relics (mga naiwang bahagi ng katawan o gamit ng isang santo) ay nasa simbahan ni San Silvestre sa Roma ngayon.
Sa panahon ng unang mga Kristiyano, si San Silvestre ang unang santo na hindi martir (dahil hindi pinatay dahil sa pananampalataya) na pinarangalan sa simbahan.
B. HAMON SA BUHAY
Malaking hamon sa atin ang mga maling turo na lumalaganap tungkol sa pananampalataya. Makikita natin ito sa mga aral ng iba’t-ibang sekta sa tv, radyo at mga babasahin.  Tulad ni San Silvestre I, alamin natin ang tunay ng aral ng Panginoong Hesus na matatagpuan sa simbahang Katoliko upang maging matatag tayo sa ating pagsunod sa Diyos.  Bigyan natin ng panahon na basahin at pag-aralan ang Bibliya at ang Katesismo ng simbahan.
Ngayong Pasko, sa tulong ni San Silvestre, maging salamin nawa tayo ng aral ni Kristo sa mga naguguluhan at nalilito.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 24;45
Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras.
 
 (from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)