SAINTS OF JANUARY: SAN BASIL AT SAN GREGORIO
ENERO 2
MGA OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN
A. KUWENTO NG BUHAY
Sa araw na ito matapos ang Bagong Taon, dalawang santo ang sabay na ipinagdiriwang sa dahilang ang dalawang ito ay tunay na magkaibigan. Tila masayang isipin na maging sa mga santo ay mayroon ding “best friends.” Bahagi ng karanasan natin bilang tao na tayo ay may mga kaibigan din. Tingnan natin kung ano ba ang nag-uugnay sa dalawang santong ito bilang magkaibigan.
Ang Dakilang San Basil (St. Basil the Great) ay isinilang noong taong 330 sa isang pamilyang banal sa lugar na tinatawag na Caesarea sa Cappadocia. Tila sobrang banal ng mga ka-pamily at kamag-anak niya. Sa katunayan, tatlo sa sampung magkakapatid ang naging mga obispo – si San Basil, si San Gregory ng Nyssa at si Pedro ng Sebaste. Pati ang kanyang lola na si Macrina, ang kanyang mga magulang at ang kanyang ate ay mga itinuturing din na mga santo.
Mahusay na edukasyon ang tinanggap ni Basil mula sa mga lungsod ng Caesarea, Constantinople, at ng Athens. Doon sa Caesarea nakilala niya si San Gregorio Nazianzeno, na naging matalik niyang kaibigan.
Matapos mabinyagan, naging ermitanyo (isang taong namumuhay mag-isa upang manalangin) si San Basil at tinuklas niya ng iba’t-ibang mga monasteryo sa Silangan. Nagtatag siya ng isang bagong monasteryo kung saan ang mga kasapi ay nagdarasal, nagtatrabaho at nag-aaral.
Sumulat si San Basil ng mga alituntunin o patakaran para sa pagsasabuhay ng mga monghe o ermitanyo. Naging obispo siya noong 370 sa Caesarea(ngayon ay nasa Turkey) at naging tagapagtanggol ng pananampalataya laban sa mga Arians (mga hindi naniniwala sa pagka-Diyos ni Kristo). Pagkamatay ni San Atanasio (ang masugid na kalaban ng mga Arians), si San Basil ay naging pangunahing tagapagtaguyod ng tamang katuruan, lalo na ukol sa Santissima Trinidad (o Banal na Santatlo) at sa Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo.
Namatay si San Basil noong Enero 1, 379 at kinilala bilang isa sa 4 na mga pantas ng simbahan sa Silangan. May kontribusyon din siya sa liturhiya ng simbahan na ginagamit pa rin ngayon sa mga simbahan sa Silangan.
Si San Gregorio Nazianzeno naman ay mula din sa mabuting Kristiyanong pamilya na marami ding mga santong naialay sa simbahan. Isinilang siya sa lugar na kung tawagin ay Nazianzeno sa Cappadocia noong 330.
Naglakbay siya dahil sa paghahanap ng mataas na uri ng karunungan sa pag-aaral, at kasama ni San Basil na kanyang kaibigan, siya ay naging isang ermitanyo din bago siya naging ganap na pari.
Noong una ay ayaw pa niyang ma-ordenahan bilang pari pero pumayag din siya at ang mismong ama niya, si San Gregorio Nazianzenong Mas Matanda, ang siyang naggawad sa kanya ng pagpapari. Hindi nagtagal at nahirang naman siyang obispo, isang gampanin na kanyang unti-unting tinanggap sa paghimok ng kanyang kaibigang si San Basil. Naging obispo siya ng mga lugar na Sostina, Nazianzen, at naging Patriarka ng Constantinoplenoong taong 381 (ang Patriarka ng Constantinopleay mahalagang posisyon dahil itinuturing itong pinakamataas na obispo ng mga simbahan sa Silangan).
Madalas si San Gregorio na tumatakas sa kanyang mga gawaing administratibo upang maghanap ng lugar at panahon sa panalangin at pag-iisa. Pero siya ay aktibo din naman at naging bahagi pa nga siya ng “First Ecumenical Council of Constantinople,” noong taong 381 – isa sa mga unang pagtitipon ng buong simbahan upang lutasin ang mga problema sa doktrina (tulad ng pagtitipon sa Nicea).
Tahimik siyang nagbitiw sa posisyon bilang obispo ng Constantinople upang maiwasan ang kaguluhan at magkaroon ng pagkakaisa ang mga tao. Bumalik siya sa Nazianzen kung saan siya ay pumanaw noong Enero 25, 389/390. Kilala si San Gregorio sa kanyang mga sinulat tungkol sa Santissima Trinidad. Tinawag siyang “The Theologian” (ang isang theologian o teologo ay bihasa o eksperto sa mga pag-aaral tungkol sa Diyos) dahil sa kanyang galing at husay magturo at mangaral. Sa dulo ng kanyang buhay, palagi siyang nag-iisa upang magnilay at manalangin sa Diyos kaya siya ay lumago sa kabanalan.
B. HAMON SA BUHAY
Sa buhay ng dalawang magkaibigang ito, makikita natin na maaari pala nating gawing tulay ang friendshippara lalong mapalapit tayo hindi lamang sa kapwa tao, kundi sa Panginoon. Ngayong araw na ito, ipagdasal natin ang ating mga kaibigan at sikapin din natin na maging mabuting gabay nila tungo sa kabanalan. Subukang magsimba kung Linggo kasama ng mga kaibigan at mga kabarkada.
Ngayong Bagong Taon, maging mabuti at tunay na kaibigan nawa tayo sa ating kapwa.
K. KATAGA NG BUHAY
1 Cor 1:23-24
subalit ipinangangaral naming si Kristo na ipinako sa krus, isang iskandalo para sa mga Judio at katangahan para sa mga di-Judio. Ngunit si Kristo pa rin siya na kapangyarihan ng Diyos at karunungan ng Diyos para sa mga tinawag, maging Judio man o Griyego.
(mula sa “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)