SAINTS OF DECEMBER: BROTHER CHARLES DE FOUCAULD
Ngayong May 15, 2022, ipapahayag ng simbahan ang ilang bagong santo at santa, mga modelo ng pagiging tunay na Kristiyano. Kabilang dito ang French na si Blessed Charles de Foucauld na hindi masyadong tanyag sa ating bansa. Subalit kung tutuusin, tila higit nating kailangan siyang makilala. Bakit? Dahil sa mga aral sa buhay at inspirasyon na magagamit natin sa ating sarili sa ating pagnanasang maging tapat sa Panginoon bilang mga Pilipino at mga Katolikong Kristiyano.
MODELO NG “DIALOGUE”
Sa panahon ng eleksyon at sa impluwensya ng social media, nakikita natin ang pagbagsak ng kakayahan ng mga tao na makitungo nang maayos sa kapwa. Tingnan na lamang ang paggamit ng salita sa social media. Sa likod nito, ang pananaw na maling pagturing sa kapwa-tao. Bakit kailangang kumapit sa kasinungalingan? Bakit kailangang laging insulto ang tono? Bakit dapat wasakin ang pagkatao ng kausap?
Si Brother Charles de Foucauld ay nanirahan bilang ermitanyo sa gitna ng disyerto ng Sahara. Subalit napalibutan siya ng mga iba’t-ibang uri ng tao doon. May mga sundalong French; may mga sundalong Arabo; may mga tribong Aprikano; mga Muslim at Kristiyano; mga malaya at alipin.
Para sa kanila, si Brother Charles ay naging tunay na kapwang nakikiisa, nakiki-ugnay, nakikiramay, at nakikipagkaisa. Naging “kapatid” siya ng lahat; sabi nga niya ay “universal brother” siya sa lahat. Ito ay dahil sa kanyang pagtulad sa Panginoong Hesukristo na unang nagpakita ng pagmamahal, paglingap at pag-unawa sa lahat ng tao anuman ang antas o kalagayan nila sa buhay, at lalo’t higit sa mga dukha at nangangailangan.
Sa sulat ni Pope Francis tungkol sa pakikipag-kapwa tao, ang “Fratelli Tutti,” ginawa niyang halimbawa si Brother Charles ng tapat at masidhing pakikitungo sa kapwa. Natagpuan niya ang Diyos at dahil dito, nakilatis niya ang mukha ng Diyos sa katauhan ng mga tao sa paligid niya (Fratelli Tutii, 286-287). Sana sa tulong ni Brother Charles, huwag nating kulayan ang mga kapatid natin? Masamang espiritu ang nagtatak ng kulay sa ibang tao – dilawan, pinklawan, pulahan, atbp. Wala namang ganyan sa kulturang Pinoy noon. Bakit hahayaan nating wasakin tayo ng ganitong pananaw kung maaari naman tayong makinig, umunawa, magpaliwanag at magkasundo na maging sa pagkakaiba ay mananaig pa rin ang diwa ni Kristo sa ating puso.
MODELO NG “PAGNINILAY SA GITNA NG PANG ARAW-ARAW NA BUHAY”
SI Brother Charles ay ermitanyo, kaya natural lamang na magtago siya sa mundo at magkubli sa kanyang kapilya upang doon hanapin ang Diyos sa panalangin at sakripisyo. Subalit iba ang pang-unawa ni Brother Charles ng “contemplation” o pagninilay. Para sa kanya, ito ay dapat maging “contemplation in daily life” o pagninilay sa gitna ng anumang ginagawa natin araw-araw.
Hindi lang mga monghe at mongha, ermitanyo, pari at madre, ang maaaring magnilay o umunlad sa panalangin at pakikipagkaisa sa Diyos. Lahat ng tao ay maaaring lumago sa kanilang ugnayan sa Diyos… at hindi na kailangang tumakbo pa sa isang monasteryo o kumbento.
Paano nabatid ito ni Brother Charles? Natagpuan niya ito sa Mabuting Balita kung saan napagtanto niya na ang Panginoong Hesus, Anak ng Diyos, ay namuhay sa Nasaret kapiling si Maria at Jose, at katakut-takot na mga kamag-anak at kapitbahay. Doon siya lumago; doon naging mulat; doon natutong magmahal; doon naganyak na maglingkod. Ang Nasaret at simbolo ng pangkaraniwang buhay… at naroon sa gitna nito ang Diyos na nagkatawang-tao!
Ngayon, sa gitna ng hirap ng buhay, sa panahon ng pagtamlay ng relihyon, sa oras na matingkad ang pagka-makasarili, kayrami pa ring mga tao na naghahanap sa Diyos. At hindi nila alam kung saan matatagpuan ang Diyos. Kailangan bang lumayo? Kailangan bang maglakbay? Kailangan bang iwanan ang gawain at lipunan?
Ayon kay Brother Charles, hindi! Dahil sa gitna ng lahat ng ito, maaaring magdasal, maaaring isapuso ang ebanghelyo, maaaring isagawa ang paglilingkod, maaaring pabanalin ang bawat sandali sa panalangin ng puso, sa pagsunod sa liturhiya, sa pagninilay sa Mabuting Balita, at sa paglalapat ng mensahe ni Hesus sa pakikitungo sa kapwa, lalo na sa higit na nangangailangan ng pansin at kalinga. Anuman ang ating Nasaret, nandiyan na ang Diyos. Yakapin mo, pakinggan mo, mahalin mo at sundin mo lang siya!
PAGPAPAHALAGA SA ESPIRITUWALIDAD NA KRISTIYANO AT KATOLIKO
Nakakalungkot mang isipin, ang dami nang umalis simbahan, tumalikod sa pananampalataya, at naghanap ng landas ng kaligtasan sa ibang paraan – sa Islam, sa Buddhism, sa New Age, at iba pang mga espirituwalidad. Si Brother Charles ay namangha sa mga Muslim sa kanilang katapatan sa panalangin. Subalit mas lalo niyang binalikan ang tradisyon ng kanyang pananampalatayang Katoliko upang mas lumalim ang kanyang ugnayan sa Diyos.
Napakayaman ng ating pananampalataya sa aral ng Bibliya, ng mga banal na tao, ng liturhiya, ng tradisyon ng panalangin at pagkilos sa mundo. Dapat muna nating tuklasin ang mga ito bago natin ituring na mas mahalaga ang ibang landas ng pananampalataya. Minsan nakakatuwang isipin na ang daming mga Katolikong lumilipat ng landas, pagkatapos ang dami namang mga pastor o ministro ng ibang grupo na nahahalina at naaakit sa ating pananampalataya, sa ating mga turo at sa ating pagsamba at pagsasabuhay. Totoong tila mas maaliwalas ang bakuran ng kapitbahay subalit ito ay dahil nakatago ang mga hindi kaaya-ayang bagay sa kanilang basurahan. Bago hangaan ang kabilang ibayo, pagyamanin muna ang bakuran mo.
Brother Charles de Foucauld, kapatid ni Kristo, kapatid ng lahat ng tao, ipanalangin mo kami!