ANG MGA TANYAG NA IMAHEN NG SANTO NIÑO SA BUONG MUNDO AT SA PILIPINAS
I. Santo NiÑo ng Mechelen (bigkas, me-ke-lun):
Mechelen, Netherlands (ngayon ay Malines, Belgium)
Madalas ituring na kakambal daw ng ating Santo Niño de Cebu and imaheng ito mula sa dating South Netherlands, dahil may pagkakatulad naman talaga sa tindig, ayos, mukha, petsa ng pagkakaukit at pati sukat. Ang imaheng ito ngayon ay nakalagay sa Louvre Museum sa Paris matapos na ito ay maging bahagi ng isang private collection. Wala syang anumang kasuotan o gayak na tulad ng ibang imahen ng Santo Niño kundi simpleng nakahubad lamang ang imaheng ito.
Halos pareho ang sukat ng Santo Niño ng Mechelen at ng Cebu, halos 12 inches o 30cm at pareho ang tindig, ang katawang ukit, ang puwesto ng kamay, at ang hawak na globo/ mansanas. May konti lamang pagkakaiba ang dalawa: ang mata na Santo Niño ng Mechelen ay nakatinging diretso, samantalang and Santo Niño de Cebu ay nakatungo nang konti at tila nakatingin sa debotong nagdarasal sa harap nito. ang mga daliri ng Santo Niño ng Mechelen ay nakahilig sa kanan at ang sa Cebu naman ay nakahillg sa kaliwa. Ang ukit na buhok ng Santo Niño ng Mechelen ay hanggang batok o leeg samantalang ang buhok na ukit ng kakambal niya sa Cebu ay halos sa may tenga lamang.
II Ang Santo Niño ng Praga sa Czech Republic
Sikat sa buong daigdig ang imahen ng Santo Niño sa simbahan ng Our Lady of Victory sa Prague, Czech Republic. Tinatawg itong Santo Niño de Praga. Ito ay gawa sa wax o pagkit at nakaluklok sa isang altar sa gilid ng dambana. Itinuturing itong isa sa mga pinakabanal na imahen ng dating kaharian noong ng Bohemia.
Dumating mula sa Espanya ang imahen bilang isang regalo sa kasal ng isang prinsesang Espanyola at ng isang may dugong marangal na taga-Czech citizen noong 1555. Isa sa mga naging tagapagmana ng mag asawa ang pagkatapos ay nag-donate ng imahen sa simbahen noong 1628.
Gawa daw ng isang mongheng Espanyol ang imahen ng Santo Niño de Praga, na maaaring kopya sa isang imaheng kahoy. Noon kasi ay maraming imahen ng Santo Niño ang dinadala ng mga misyonero sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig na sakop ng hari ng Espanya, tulad na lamang ng mga imaheng nakarating sa Pilipinas at Mexico.
Tila kaygandang pagnilayan ang imahen ng isang batang walang muwang, walang laban, pero naglalakbay sa mga mapanganib na karagatan at lupain at nagdadala ng kabutihan, pagpapala at pagpapatawad sa mga tao, maging sa Europa man o America o Asia.
III Santo Niño de Atocha (bigkas, ato-tsa), Mexico
Ang Santo Niño de Atocha ay nakaupo at may sombrero na may balahibo o pluma, at may kapa na may “kabibe ni Santiago Apostol.” Ang “kabibe ni Santiago Apostol” ay tanda ng mga naglalakbay na pilgrims, lalo na noong panahon ng mga Crusades. May bastong hawak sa kaliwang kamay ang Santo Niño na may nakakabit na sisidlan, may kadena at may mga hibla ng trigo. Sa kanang kamay naman may basket na may lamang tinapay o bulaklak at minsan tila walang laman kahit mayroon. Minsan ang bulaklak na rosas ay hindi nakasilid sa basket kundi nasa malapit dito.
Sa paglalarawan, minsang nakasandalyas o minsang nakatapak o nakapaa lamang, sinasabing ang imaheng ito ng Santo Niño na orihinal sa Atocha, Madrid ay naglalakad sa mga burol at lambak lalo na sa gabi upang magdala ng tulong at ginhawa sa mga nangangailangan kaya laging nawawala ang kanyang sapatos. Ang orihinal ay mula sa Espanya, at dinala sa Mexico. Siya ngayon ang Patron ng mga nagkalalakabay, ng mga taong nasa panganib at ng mga nasa piitan. Maraming himala ang pinaniniwalaan ng mga Mexicano na gawa ng Santo Niño de Atocha. Ang orihinal ay nakaupo dahil dati itong kalungkalong nga imahen ng Mahal na Birheng Maria; hindi malaman kung paano nahiwalay ang imahen ng sanggol sa kanyang Ina.
IV Santo Niño o Bambino di Ara Coeli (bigkas:. ara tseli),
Roma, Italya
Ang tawag ng mga Italyano sa Batang Hesus ay Bambino (little child, munting bata). Ang kahoy na imahen ng Bambino di Ara Coeli ay halos 60 cm. o 2 feet. Ipinakikita dito ang Batang Hesus bilang isang sanggol subalit nakatayo. Inukit umano ito mula sa isang olive wood na sinasabing nakuha sa Garden of Gethsemani ng isang Francisanong prayle noong ika-15 siglo.
Ninakaw sa Roma ang imahen noong 1797 sybalit naibalik din matapos tubusin ito. Inilagak ito sa kumbento sa Trasteverino hanggang magkaroon ng sarili niyang dambana o simbahan. Sa may dibdib nito ay may medalyon na nagpapakita ng “Sun of Justice” at ninakaw din itong medalyon na ito. Noong 1994, ang buong imahen naman ang ninakaw muli sa simbahan at hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik. Isang replica ang nasa simbahan sa Roma ngayon.
V. Sa Pilipinas naman, ang mga sikat na imahen ng Santo Niño ay ang:
Santo Niño de Cebu na laganap ang debosyon sa buong mundo, dala ng mga Pilipino; ito ang pinakamatandang imahen sa Pilipinas at pinakasikat ang kapistahan tuwing Enero.
Ang ikalawang pinakamatandang imahen ng Santo Niño sa bansa ay ang Santo Niño de Tondo sa Maynila; ang ikatlo ay ang Santo Niño de Arevalo na matatagpuan sa Iloilo .
Kasunod sa kasikatan ang mga imahen ng Santo Niño de Pandacan na kasamang nasunog ng simbahan at kumbento noong panahon ng pandemya noong 2022; ang Santo Niño de Romblon na naibalik noong 2012 matapos ang matagal na pagkawala nang 22 taon dahil sa pagnanakaw.
Ang pinakasikat sa maraming tahanan at pinakamalapit sa puso ng mga karaniwang Pilipinong deboto ay ang Santo Niñong Gala o Santo Niño de Palaboy na unang inukit ni G. Fred baldemor ng Paete, Laguna noong 1974 bilang pagpaparangal sa mga batang lansangan.
Ipinagbabawal o dini-discourage naman ang debosyon sa tinatawag na Santo Niño de la Suerte o de la Pera, at Santo Niño Hubad dahil sa maling paniniwalang nakakapit sa pagpupugay dito.
Ang Santo Niño ay hindi tungkol sa pera o kayamanan kundi tungkol sa paghuhubag ng Panginoong Hesus ng kanyang pagka-Diyos upang maging tao na kapatid natin at kadamay natin sa lahat ng ating mga karanasan sa buhay. Siya ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan at kamatayan.
VIVA, SEÑOR SANTO NIÑO! VIVA!
(all images, thanks to the internet)