SAINTS OF FEBRUARY: SAN JERONIMO EMILIANI
PEBRERO 8
SAN JERONIMO EMILIANO, PARI
A. KUWENTO NG BUHAY
Nakakaawang pagmasdan ang mga batang naulila ng pagkamatay ng kanilang mga magulang. Kaya nga lagi tayong pinaaalalahanan ng Panginoon sa Bibliya na maging mabuting loob sa mga ulila at sa mga balo o biyuda dahil kailangan nila ng tulong at suporta sa kanilang buhay. Ang santo sa araw na ito ay isang regalo ng Diyos sa mga ulila kaya nga tinawag siyang patron saint ng mga ulila at mga itinapon o iniwanan na mga bata.
Si San Jeronimo ay mula sa Venice, sa Italy, galing siya sa isang pamilyang may dugong bughaw o mataas ang antas ng pamumuhay. Ipinanganak siya noong 1486.
Naging isang sundalo si San Jeronimo at nagpakita siya ng gilas sa pagtatanggol sa kanyang bayan laban sa mga kaaway. Siya ay nakulong nang sandaling panahon pero naniniwala siyang nakalaya siya dahil sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birheng Maria. Dito nagsimula ang malalim na debosyon at pag-aalay ng sarili ni Jeronimo sa Mahal na Ina ng Diyos.
Unti-unti ay inihanda ni San Jeronimo ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Halos tatlong taon din siyang nagpakita ng kawanggawa at pagmamahal sa kapwa tao lalo na sa mga mahihirap. Ipinamigay niya pati ang sarili niyang mga ari-arian para lamang makatulong sa kanila.
Habang tumutulong siya sa mga maysakit dahil sa isang epidemya, siya mismo ay nagkasakit din. Pero nang gumaling siya, ang una niyang ginawa ay tipunin ang lahat ng mga batang ulila sa kanyang sariling bahay.
Kumalat ang kanyang mga kagandahang-loob sa iba’t-ibang dako ng Italy. At upang lalong maipagpatuloy ang kanyang magagandang balak, binuo niya ang isang religious congregation na tinatawag na “Company of Servants of the Poor.” Tinatawag din itong “Order of Clerics Regular of Somascha.” Ang Somascha ay isang lugar sa distrito ng Bergamo sa Italy, kung saan itinatag ni San Jeronimo ang kanyang grupo ng mga pari.
Ang layuning ng kanyang religious congregation ay magtaguyod ng mga bahay-ampunan para sa mga bata, magpatakbo ng mga paaralan, at magbigay ng edukasyon sa mga kabataan. Dala ng grupong ito ang napakagandang motto ni San Jeronimo na hango sa 2 Tess. 3:10 – “ang sinumang ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain.” Dito ay kitang-kita na ang kasipagan ng San Jeronimo na nais din niyang manahin ng kanyang mga kasama at mga taga-sunod.
Noong 1537, sanhi ng isang peste na noon ay laganap, namatay si San Jeronimo. Maganda ang kanyang pagkamatay dahil sinasabing namatay siya na binibigkas ang mga mahal na pangalan ni Jesus at Maria. Naging santo siya noong 1767.
B. HAMON SA BUHAY
Sa isang liham na sinulat ng santong ito, binigyang halaga niya ang pagtitiwala sa Diyos lalo na sa panahon ng mga pagsubok. Ito ay dahil tayo ay mga anak ng Diyos at kapatid ni Kristo. Sabi niya: “Kung mananatili kayong matatag sa pananampalataya sa harap ng pagsubok, bibigyan kayo ng Panginoon ng kapayapaan at pahinga sa mundong ito at sa kabilang buhay, sa walang hanggan.” Magtiwala tayo sa pag-ibig ng Panginoon sa gitna ng mga dinadanas natin araw-araw.
(mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)