SAINTS OF FEBRUARY: SAN PEDRO DAMIAN
PEBRERO 21
SAN PEDRO DAMIAN,
OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN
A. KUWENTO NG BUHAY
Isang iginagalang na pantas ng simbahan itong si San Pedro Damian. Doon sa Ravenna sa Italy siya ipinanganak taong 1007. Sa simula pa lamang nagpakita na siya ng kakaibang talino at galing. Kaya nga matapos ang kanyang pag-aaral naging propesor siya sa unibersidad sa murang edad na 21. Pagkatapos ng pitong taon lamang sa pagtuturo, ay iniwanan ni San Pedro Damian ang kanyang gawaing ito upang subukan ang buhay ermitanyo sa lugar na tinaguriang Fonte Avellana sa Italy. Nais niyang ihandog ang buhay sa pagsasakripisyo at panalangin.
Bilang isang ermitanyo, isinulat niya ang isang batayan ng buhay ng isang religious order ng mga ermitanyo na tinatawag na Camaldolese Hermits. Napansin ang kanyang kakayahan kaya matapos ang ilang taon siya ay hinirang na prior o pinuno ng kanyang pamayanan ng mga ermitanyo.
Masugid na itinaguyod ni San Pedro Damian ang pagpapanibago ng buhay relihyoso o buhay pamamanata sa Diyos. halos ang buong Italy ay naapektuhan ng kanyang pagsisikap na ayusin ang buhay ng mga taong nakatalaga sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos.
Ilang taon pa at tinawag siyang kapwa ng emperador at ng Santo Papa upang lisanin ang buhay panalangin at pag-iisa at maging isang obispo. Hinirang din siya bilang isang Kardinal. Noong 1607 ay nagbitiw sa tungkulin bilang obispo ng Ostia si San Pedro Damian dahil nabigo siya sa isang pagkakataon na pagkasunduin ang Santo Papa at ang imperyo.
Sa kanyang pagtalikod sa panatag na buhay bilang isang ermitanyo at pagsunod s autos ng Santo Papa na maging isang aktibong obispo at Kardinal, ipinakita ni San Pedro na handa siyang talikuran ang sarili niyang kagustuhan kung tinatawag siya ng Panginoon sa mas higit na paglilingkod. Dapat nating iwanan an gating sariling interes para sa kabutihan ng simbahan at ng bayan.
Malaking tulong sa Santo Papa si San Pedro dahil sa mga panahon ng kaguluhan at pag-aalitan, sinuportahan niya ang pakikibaka ng simbahan para sa mga karapatan nito. Sumulat din siya ng mga akda bilang tugon sa panawagan ng Santo Papa at naging kinatawan nito sa mga bansang France, Germany, at iba’t-ibang lugar sa loob ng Italy.
Buong sigasig na nilabanan ni San Pedro ang mga katiwalian ng mga pari ng kanyang panahon, lalo na ang imoralidad at ang pagkakalakal ng mga sakramento. Dahil sa kanyang matapang na paninindigan, lumakas ang pagkamuhi sa kanya ng mga kaaway niya. Subalit para kay San Pedro, hindi maaaring ipagkanulo ang aral ng Mabuting Balita ng Panginoon. Seryoso niyang ginampanan ang kanyang tungkulin sa simbahan.
Namatay siya noong 1072 at agad na kinilala sa kanyang kabanalan lalo na sa Ravenna at sa hanay ng mga Camaldolese Hermits.
B. HAMON SA BUHAY
Handa ka bang iwanan ang iyong panatag na buhay o gawain o paglilibang kung may pangangailangan na tumugon o tumulong ka sa iyong kapwa? O mas pinahahalagahan mo ba ang iyong kumportableng buhay kaysa sa mga tinig ng mga taong naghahanap at naghihintay ng iyong pag-ibig at tulong?
(mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos, photo from heraldosdelevangelio.com)