SAINTS OF FEBRUARY: SANTA JOSEFINA BAKHITA
PEBRERO 8
SANTA JOSEFINA BAKHITA, DALAGA
A. KUWENTO NG BUHAY
Napakaganda ng kuwento ng buhay ni Santa Josefina Bakhita, isang babaeng nagmula sa Africa at nagsabog ng halimuyak ng kabanalan sa Europa kung saan ipinadpad siya ng tadhana ng kanyang buhay.
Ipinanganak si Santa Josefina sa bansang Sudan noong 1870 (1869 naman sa ibang aklat). Hanggang sa panahon natin ngayon, ang bansang ito ay dumaranas ng kaguluhan na sanhi ng paghihirap ng mga mamamayan doon. Isang matagal na civil war ang nagbigay ng maraming sakit at kamatayan sa mga taga-Sudan. Nahati ang bansa sa North Sudan at South Sudan pero hindi pa rin natigil ang away at giyera ng mga tao doon.
Noong bata pa si Santa Josefina ay dinukot o ninakaw siya ng mula sa kanyang pamilya ng mga taong nagbebenta ng mga batang Africano para maging alipin. Sobrang paghihirap ang dinanas niya sa kamay ng mga kidnappers na nakalimutan niya mismo ang kanyang pangalang bigay sa kanya ng kanyang mga magulang. Tinawag lamang siyang “Bakhita” (ang kahulugan ay mapalad) ng isa sa mga kidnapper niya at ito na ang dala-dala niyang pangalan habang ipinagbibili siyang paulit-ulit sa palengke ng Africa.
Naging mapalad nga si Bakhita dahil minsan siya ay binili ng Italian Consul na si Callisto Legnani. Mabuti ang pakikitungo nito at ng kanyang pamilya sa batang alipin. Hindi siya nakaranas ng hagupit tuwing uutusan. Hindi siya sinaktan o pinagbuhatan ng kamay o pinagsalitaan ng masama.
Nalipat si Bakhita sa isang pamilyang kaibigan ni Ginoong Legnani, ang pamilya ni Ginoong Augusto Michieli. Nang magkaanak ang mag-asawang Michieli, si Bakhita ang naging yaya at matalik na kaibigan ng anak nilang si Mimmina.
Dahil sa hanapbuhay, pinaalagaan si Mimmina at si Bakhita sa mga madreng Canossian Daughters of Charity sa Venice. Sa piling ng mga madre, nakilala ni Bakhita ang Panginoong Diyos. Lumalim ang pag-ibig ni Bakhita habang lumalawak din ang kanyang pagkakakilala sa Diyos. naghanda siya upang maging isang Kristiyano sa pamamagitan ng pag-aaral ng Katesismo.
Sa wakas siya ay nabinyagan at doon niya tinanggap ang kanyang bagong pangalan, Josefina. Pagkatapos ng binyag, si Josefina ay nagkaroon ng masidhing pagnanasa na maglingkod sa Panginoon na ngayon ay kilala na niya. Naging kasapi siya bilang isang madre sa grupo ng mga Canossians.
50 taon na naglingkod na may kababaang-loob is Santa Josefina bilang kusinera, mananahi, mambuburda at tagabukas ng pintuan ng kumbento (portera). Kinagiliwan ng mga Italyano ang madreng ito na kakaiba sa kanila ang kulay at itsura pero nag-uumapaw sa kagalakan at kabutihan para sa lahat.
Nang tumanda si Santa Josefina, dumanas siya ng mahaba at masakit na karamdaman. Ang Mahal na Birhen ang naging inspirasyon niya at sanhi ng lakas ng loob hanggang kamatayan. Namatay siyang nakangiti matapos niyang tawagin ang Mahal na Birhen. Pumanaw siya noong Pebrero 8, 1947 at marami agad ang nakapuna sa kanyang banal na buhay. Naging santa siya noong Octubre 1, 2000. Sinabi ni Papa San Juan Pablo II na si Santa Josefina ay isang madre para sa buong mundo na tagapagturo sa atin ng kahulugan ng tunay na kagalakan.
B. HAMON SA BUHAY
Kakaiba ang hirap na dinanas ng ating santa. At maraming tao pa rin ngayon ang dumaranas ng maraming pagsubok ng buhay. Subalit nagbago ang kanyang pananaw sa kanyang mga paghihirap nang makilala niya ang Panginoong Hesukristo na nagbigay sa kanya ng tunay na kagalakan. Sana kung anuman ang paghihirap na dinaranas natin ngayon, mas lalo nating hanapin ang Diyos at hilingin na samahan at gabayan tayo tulad ng ginawa niya kay Santa Josefina.
(mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)