Home » Blog » MGA PILIPINONG OBISPO, KANDIDATO SA PAGKA-SANTO

MGA PILIPINONG OBISPO, KANDIDATO SA PAGKA-SANTO

Ilang Pilipinong obispo ang maaaring tanghalin balang araw bilang mga santo ng ating simbahan. Bukod sa mabuti nilang pamumuno sa bayan ng Diyos, ang mga ito ay nakilala sa kanilang sariling kabanalan at matapat na pagsunod sa buhay at halimbawa ng Panginoong Hesukristo bilang alagad at lingkod.

Arsobispo Teofilo Camomot

Si Archbishop Teofilo Camomot ay isang Cebuano na isinilang noong Marso 3, 1914 at naglingkod bilang pari sa Cebu. Nahirang siyang katuwang na obispo ng Jaro noong 1955 at pagkatapos ay bilang koadyutor (naka-abang na kahalili) na arsobispo ng Cagayan de Oro. Nag-retiro siya bago pa man siya maging arsobispo ng Cagayan de Oro at umuwi sa kanyang bayan sa Cebu sa dahilang pang-kalusugan at doon naglingkod bilang isang parish priest.

Naging tanyag si Camomot sa kanyang payak na pamumuhay, sa kanyang pagmamahal sa mga dukha at sa napabalitang mga kamangha-manghang galing at himalang napansin ng mga tao na nagmumula sa kanya. Sinasabing naganap sa kanya ang himala ng “bilocation” kung saan natagpuan siya sa ibang lugar habang hindi naman umaalis sa kinaroroonan niya. Isang pari ang nagpatotoo na habang magkasama sila sa isang silid sa retreat house, lumutang sa hangin (levitation) ang obispo habang nagdarasal at ilang beses niya itong nasaksihan. (https://www.archbishopcamomot.ph/a-saint-among-the-living/). May kaloob siya na pagpapagaling ng maysakit at kakayahang basahin ang saloobin ng isang tao. Naging gabay siya ng religious congregation na kanyang itinatag noong 1960, ang Daughters of St. Theresa.

Na-aksidente at namatay si Arsobispo Camomot noong 1988 at nang muling hukayin ang kanyang katawan noong 2009, natagpuang hindi ito naagnas.

Obispo Alfredo Obviar

Isinilang sa Lipa si Alfredo Obviar noong Agosto 29, 1889. Naglingkod siya bilang pari sa Batangas matapos ang pag-aaral sa UST Seminary. Malaki ang kanyang dedikasyon sa pagtuturo ng katesismo at sa paghubog ng mga katekista. 1944 nang hirangin siyang katuwang na obispo ng Lipa. Bagamat may karanasan siya sa mga pangyayari sa sinasabing himala sa monasteryo ng Carmel sa Lipa, nanatiling tahimik ang obispo ayon sa tagubilin ng grupong nag-aral tungkol dito at nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa mga nagaganap doon.

Pinamahalaan ni Obviar ang bagong tatag na diocese ng Lucena noong 1951 hanggang sa kanyang pagreretiro noong 1976. Itinatag niya ang kongregasyon ng Missionary Catechists of St. Therese (MCST). Namatay siya noong 1978 at inilibing sa kumbento ng mga madre sa Tayabas. Kinikilala ng marami ang kabanalan ng kanyang buhay at ang kanyang kapakumbababaan.

Obispo Alfredo Verzosa

Si Obispo Verzosa ay ang unang Ilokano na naging obispong Katoliko. Isinilang siya sa Vigan noong Disyember 9, 1877 sa isang pamilyang relihyoso at nakaririwasa. Lubhang na-apektuhan ng pag-aaklas ni Padre Gregorio Aglipay laban sa Roma ang Ilocos at maraming mga pari at mga mananampalataya ang sumapi sa simbahang Aglipayan.

Matapos maging pari noong 1904, naranasan ni Verzosa ang hirap ng paglilingkod sa lugar kung saan maraming balakid na dulot ng mga panatikong Aglipayano. Hindi ito nagpahina kundi lubos pang nagpalakas ng loob ng bagong pari.

1916 nang hiranging obispo ng bagong diyosesis ng Lipa si Verzosa. Masidhi din niyang itinaguyod ang katesismo sa kanyang nasasakupan. Itinatag niya ang ngayon ay Missionary Catechists of the Sacred Heart (MCSH) at nagtayo ng mga simbahan, kumbento, seminaryo at sentro ng katesismo. Naging tagapangasiwa ng Nueva Segovia si Verzosa sa gitna ng gulo doon dahil sa nagbabantang paga-aklas ng mga pari. Ipinakita niya ang kabutihan at malasakit sa mga pari at dahil dito, naayos ang kaguluhan.

Noong 1949 inalis sa kanya ang pamamahala sa Lipa, na buong kababang-loob niyang tinanggap. Sumunod dito ang kanyang pagbibitiw bilang obispo ng Lipa at ang pagbalik niya sa Vigan kung saan siya namatay noong 1954.

photo from https://aleteia.org/2018/01/02/3-filipino-bishops-on-the-road-to-canonization/