SAINTS OF MARCH: SAN CASIMIRO
MARSO 4
San Casimiro
A. KUWENTO NG BUHAY
Kung mayamang heredera si Santa Katarina Drexel, nagmula din sa mundo ng karangyaan at kayamanan itong santo natin sa araw na ito. Ipinanganak noong 1458 si Casimiro sa mag- asawang Haring Casimiro IV ng Poland at ang kanyang butihing asawa, ang Reyna Elisabet ng Austria.
Naging unang guro ni Casimiro mula sa kanyang pagkabata ang kanyang ina. Lumaki siyang puno ng pagkamaka-Diyos at ng kasimplehan ng pamumuhay kahit siya ay isang prinsipe ng kanyang bayan. Nahirang siyang maging hari ng bansang Hungary sa edad na 13 taong gulang lamang. Subalit iniwan niya ang posisyong ito at bumalik sa Poland upang maging kinatawan ng kanyang ama habang ito ay nasa bansang Lithuania.
Habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, maningning niyang ipinamalas sa lahat ang isang pagkakataong puno ng kabutihang-asal at kaayusan sa pagkilos at pagpapasya. Lalong hinangaan siya dala ng kanyang kabataan. Bagamat anak ng hari at may dugong-bughaw, madaling lapitan ng kahit sino si San Casimiro, kahit pa ang lumapit sa kanya ay mga simple lamang at hindi kilalang tao.
Sa gitna ng maraming tukso na nakapalibot sa kanya, matatag niyang ipinakita ang pagiging isang tunay na lingkod- Kristiyano. Hindi siya nabulag ng yaman at kapangyarihan. Sa halip, lutang na lutang ang kanyang pagkiling sa kapakanan ng mga mahihirap na mamamayan.
Gayon na lamang ang kanyang pagmamahal sa mga dukha kaya hindi nahirapan si San Casimiro na ipamigay maging ang kanyang mga ari-arian sa sinumang may pangangailangan nito. Napakalapit ng kanyang puso sa mga dayuhan, mga maysakit, mga bilanggo at mga nagdurusa, gayundin sa mga biyuda at mga ulila. Hindi lamang siya tumutulong sa kanila kundi nakilala siya bilang tunay na kasama nila bilang isang ama, anak, at kapatid.
Palaging tinitiyak ni San Casimiro na ang kanyang ama ay mulat sa mga pangangailangan ng mga inaapi. Kung mayroon mang nagaganap na katiwalian o kawalang-katarungan sa bayan, tahimik niyang ipinararating ito sa atensyon ng kanyang amang hari.
Tumangging mag-asawa si San Casimiro kahit na may itinakdang prinsesa na magiging maybahay niya. Sa halip, lalo niyang isinabuhay ang kanyang pakikipag-ugnayan sa Diyos sa tulong ng kanyang debosyon sa Eukaristiya at sa malalim niyang pagmamahal sa Birheng Maria.
Papunta siyang Lithuania kung saan maglilingkod sana siya bilang Vice-Chancellor nang siya ay mamatay sa Grodno noong Marso 4, 1484. Dalawampu’t-anim na taong gulang lamang siya noong siya ay pumanaw matapos magkasakit ng tuberculosis.
Agad siyang naging tanyag sa kabanalan ng kanyang buhay at itinanghal siyang isang banal na tao ng mga mamamayan ng Poland at Lithuania. Lumabas ang proklamasyon ng kanyang pagiging santo noong 1521.
B. HAMON SA BUHAY
Ngayon ay alam ng lahat na nakasisilaw ang kapangyarihan. Maraming tao sa posisyon ng kapangyarihan at awtoridad sa lipunan man o Simbahan ang madaling madala ng mga tukso ng pagiging mayabang at makasarili. Nakikita ba natin ang tuksong ito sa ating buhay?
Hilingin natin ang tulong ni San Casimiro upang maiwasan nating mahawa sa kaisipan ng mundo at sa halip ay lalong pahalagahan ang ating pakikipag-isa kay Kristo sa panahong ito ng Kuwaresma.
K. KATAGA NG BUHAY
Fil 3:8
Itinuring kong walang kabuluhan ang lahat ng iba pa kung ihahambing sa kaalaman kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Siya ang nagpabale-wala sa lahat at itinuring kong basura ang lahat, makamtan ko lamang si Kristo.
mula sa aklat na: Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos; photo from the internet, ctto)