Home » Blog » SAINTS OF MARCH: SAN TORIBIO DE MOGREVEJO

SAINTS OF MARCH: SAN TORIBIO DE MOGREVEJO

MARSO 23

(Obispo)

A. KUWENTO NG BUHAY

Si San Toribio Alfonso ay isinilang sa Leon sa Spain noong 1538. Matapos siyang makapag-aral sa magaling na pamantasan sa Salamanca, nagsimula siyang magtrabaho bilang isang propesor sa nasabing pamantasan.

Nang mapabalita ang kanyang katalinuhan, ang hari ng Spain ang nagbigay sa kanya ng isang mahalagang tungkulin bilang hukom sa tinatawag na Inquisition.

Sa panahon natin ngayon, may pangit na pakahulugan ang salitang ito, Inquisition, na karaniwang tumutukoy sa hukuman na lumitis sa mga kasalanan ng mga kaaway ng pananampalatayang Katoliko. Marami daw kamalian at karahasan ang naganap sa mga inosenteng tao dahil sa sobrang higpit at maling pamamalakad ng hukumang ito.

Subalit dapat nating malaman na may dalawang uri ng Inquisition—ang isa na itinatag ng Simbahan at ang isa na itinatag ng hari. Napatunayan sa kasaysayan na ang marahas na Inquisition ay yaong nakapailalim sa hari at hindi yaong sa Simbahan. Anupaman ang tunay na naganap dito, dapat timbangin nang tama at ayon sa tunay na kasaysayan ang mga pangyayari sa tinatawag na Inquisition.

Hindi pa noon pari si Toribio nang mangailangan ng bagong obispo para sa Lima, Peru. Laking gulat siguro niya nang malaman niyang siya ang nahirang na maging bagong arsobispo. Tinanggap niya ang ordinasyon bilang pari at bilang obispo at naglayag na siya patungong Peru noong 1580.

Napakalaki ng teritoryong nasasakupan ng kanyang arkediyosesis kaya sinimulan niyang maglibot sa mga lugar maging sa mga maliliit na nayon upang dalawin ang mga tao. Napamahal sa kanya ang mga katutubong Indian ng South America na binigyan niya ng sapat na oras at aruga. Sa ginawa niyang ito marami ang nagreklamo na lagi siyang wala sa kanyang opisina.

Maraming katiwalian ang napansin ni San Toribio at isa-isa niya itong binigyang lunas sa pamamagitan ng pagtawag ng mga pulong para sa pagsasaayos ng buhay ng lokal na Simbahan. Tinatawag na councils at synods ang mga pagtitipong ito na ang layunin ay magdulot ng reporma o mabuting pagbabago para sa ikauunlad ng pananampalataya.

May mga pagbatikos na tinanggap si San Toribio mula sa mga taong tumanggi sa kanyang mga reporma. Pero hindi natinag ang kanyang paninindigan na dapat mamayani ang katotohanan at hindi lamang ang maling kustumbre o kinaugalian ng mga tao.

Namulaklak ng kabanalan ang mga adhikain at mga gawain ni San Toribio hanggang siya ay mamatay noong Marso 23, 1606, habang dumadalaw sa isang nayon ng mga Indian. Sa panunungkulan ni San Toribio sa Lima, apat na santo pa ang naging bahagi at napasailalim sa kanyang paglilingkod bilang obispo. Ito ay sina Santa Rosa de Lima, San Martin de Porres, San Juan Macias, at si San Francisco Solano.

B. HAMON SA BUHAY

Isang mabuting katiwala ng Diyos si San Toribio. Walang kinilalang hadlang sa kanyang misyon, sa halip, buong buhay ang inialay para sa pag-aaruga sa kanyang kawan tungo sa kabanalan at malalim na pananampalataya.

Paano kaya tayo tinatawag ng Diyos bilang mabuting katiwala ng mga tao sa ating paligid?

K. KATAGA NG BUHAY

Mc 1:17
Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”

from Isang Sulyap sa mga Santo by Fr RMarcos; photo from https://sthughmiami.org/church/the-communion-of-saints/