ANO ANG BANAL NA MISA 2: ANG UNANG KILOS AT SALITA NG PARI SA MISA
ANG UNANG KILOS
Ang unang ginagawa ng pari sa Misa ay ang pagpaparangal sa altar; yumuyuko siya at hinahalikan ang altar. Sa simbahan, ang altar ay ang lamesa na kung saan ginaganap ang sakramento; hindi ang luklukan ng mga imahen ng mga santo o poon; sa ating mga tahanan, ang altar ay ang lalagyan ng mga santo pero sa ating simbahan, ang altar ay ang lamesa sa gitna ng santuwaryo.
Ang altar na ito ang sentro ng pasasalamat, ang lamesa kung saan ang ipinagdiriwang ang Hapunan ng Panginoon (1 Cor 11:20), at siya ring tanda ng presensya ng Panginoong Hesus sa piling ng pamayanan. Ayon sa ating tradisyon, ang altar ay si Kristo: Altare Christus est.
Ang paghalik ng pari sa altar ay tanda ng pagpaparangal at paggalang at pagsamba kay Kristo. Bago pangunahan ng pari ang pagsamba ng mga tao, ipinakikita muna niya ang kanyang pagmamahal at pagsamba sa Panginoong Hesus na siyang laman ng kanyang puso. Ang pari ay lingkod lamang tulad ng ibang lingkod sa Misa; at ang kanyang paglilingkod ay ang pangunguna sa pagdiriwang.
ANG UNANG SALITA
Matapos ang Tanda ng Krus, ginagawa ng pari ang pagbati (greeting) sa pamayanan. May iba’t-ibang nakahandang pagbati. Ang una ay sa anyong Trinitario: Ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama, at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo nawa’y sumainyong lahat. Trinitarian kapag ginagamit ang pangalan ng Tatlong Persona sa pagka-Diyos.
Ang ikalawa at ikatlo ay Kristolohikal na pagbati (dito bantog ang pagbanggit sa Panginoong Hesukristo). “Ang biyaya at kapayapaan ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo nawa’y sumainyo.” At “Sumainyo ang Panginoon.”
Muling babanggitin ang “Sumainyo ang Panginoon” bago basahin ang Mabuting Balita, sa Prepasyo ng Misa, at sa huling pagbababasbas. Sa unang tingin, tila gasgas na ang pagbating ito. Pero ito ang pinakamakahulugan. Sa totoo lang, ito ang nagpapahayag ng mismong hiwaga ni Hesus, ang Emmanuel, ang “sumasainyo ang Diyos.”
Sa Mateo 1:23, sinasabing ang isisilang na sanggol ay tatawaging Emmanuel, na ang kahulugan, “sumasaatin ang Diyos.” Sa katapusan ng ebanghelyong ito, sinabi ng Panginoong Hesus: Kasama ninyo ako hanggang sa dulo ng panahon” (28:20). Dalawang mahahalagang pagtiyak sa presensya ng Diyos – ang pagsilang ng sanggol na si Hesus at ang pagsusugo ni Hesus sa mga alagad. Mula sa duyan hanggang sa Pag-akyat sa langit, nadarama ng pamayanan ang pakikipisan ng Diyos. Ganito din sa Misa, mula sa simula hanggang sa pag-uwi ng mga tao, nakabatay ang pagdiriwang sa Emmanuel, sa Diyos na kapiling natin sa tuwina… at ang simbahan na siyang Katawan ni Kristo ay nagiging “Emmanuel” din sa daigdig, ang bagong presensya ni Kristo sa mundo.
Sino ang tagapagdiwang ng Misa? Dati, ang sagot natin, ang pari! Ngayon, ang pamayanan kasama ang pari, nagdiriwang kapwa sa kani-kanilang paraan. Sino ang namumuno sa pagdiriwang? Dati ang sagot natin, ang pari din! Ngayon, mas alam natin na ang tagapamuno ay si Hesus mismo, sa katauhan ng pari. Ang pari ay paring tagapagdiwang dahil ang mga tao din ay bayang tagapagdiwang ng Misa.
ourparishpriest 2023; photo from: https://www.columbiadailyherald.com/story/news/nation-world/2013/03/03/catholics-pray-for-smooth-succession/25664247007/