SAINTS OF APRIL: SAN ADALBERTO
ABRIL 23: OBISPO AT MARTIR
A. KUWENTO NG BUHAY
Alam na natin na hindi lahat ng martir ay namamatay o nag- durusa sa kamay ng mga pagano o ng mga taong ayaw maniwala sa kanilang pangaral. May mga pagkakataon na ang mga martir ay nahihirapan sa kamay ng mga taong tinatawag ang sarili nila bilang Kristiyano din. O kaya naman ay sabay na tinutuligsa ng mga kapwa Kristiyano at ng mga pagano.
Ganyan ang ating matutunghayan sa kasaysayan ni San Adalberto. Ang buhay ng santong ito ay nagsimula sa Voytech, isang lugar sa Bohemia, kung saan siya isinilang noong taong 956. Ang Bohemia ay isang rehiyon sa Czech Republic. Dati itong isang munting kaharian na naging probinsya nang mabuo ang bansang Czechoslovakia noong 1919.
Sinasabing isang marangya at kagalang-galang na pamilya sa Bohemia ang pinagmulan ni San Adalberto. Sa kagustuhan ng kanyang pamilya na magkaroon siya ng mabuting buhay at magandang kinabukasan, ipinadala siya upang mag-aral sa isang lugar na tinatawag na Magdeburg.
Sa Magdeburg, nabinyagan bilang isang Katolikong Kristiyano si San Adalberto at pinili niya ang pangalan ng kanyang katekista na naghanda sa kanya sa mga aral ng Panginoon at ng Simbahan. Naging isang pari si San Adalberto at nang mamatay ang kanyang guro noong taong 981, naisipan niyang bumalik sa Prague (sentro ng Czech Republic); ito rin ang tahanan ng sikat na Santo Niño ng Prague). Nais niyang simulan ang isang marangyang krusada para sa gawaing pangmisyon at gayundin, ang isang reporma para sa buhay ng mga pari.
Isang taon pa lamang siyang nakababalik sa Prague ay nahirang na siya bilang ikalawang obispo ng lungsod na iyon noong 986. Batang-bata pa siya noon sa edad na 27 taong gulang.
Habang sinisimulan niya ang kanyang reporma, binangga siya ng mga taong may impluwensya at dahil doon napilitan siyang lisanin ang kanyang diyosesis at manirahan sa ibang lugar. Naglakbay siya papuntang Rome noong taong 990 at pumasok sa monasteryo ng mga Benediktino.
Hinanap ng mga tao ang kanilang obispo at nagmakaawa silang bumalik si San Adalberto sa Prague kaya inutusan siya ng Santo Papa na muling akuin ang kanyang tungkulin bilang pastol ng kawan ng Diyos sa diyosesis.
Subalit hindi nagtagal muli na naman siyang pinalayas ng kanyang mga kaaway dahil sa kanyang pagtutuwid ng isang maling gawain ng mga ito. Ipinapatay din ng kanyang mga katunggali ang mga miyembro ng kanyang pamilya, kaya napilitan ang Santo Papa na alisin na sa kanya ang tungkulin bilang obispo ng Prague.
Nagsimula siyang magpahayag ng Mabuting Balita sa ibang lugar sa imbitasyon na rin ng ilang taong naniniwala sa kanyang kakayahan. Nakarating siya sa Hungary at matapos nito ay nagmisyon siya sa mga taong naninirahan malapit sa Baltic Sea (isang rehiyon sa Europe na may natatanging wika na tinatawag na Baltic languages).
Noong taong 997, pinatay siya at ang dalawa pa niyang kasama ng mga pagano na inakalang espiya sila mula sa Poland. Tinubos ang kanyang katawan at inilibing nang maayos. Pagkatapos ay inilagak na ito sa katedral sa Prague.
B. HAMON SA BUHAY
Hindi madaling sumuko ang santong ito sa harap ng mga pagsubok at pagtuligsa ng mga kaaway niya. Sa halip, lalong lumalim ang kanyang pananampalataya at pagkapit sa Panginoon.
Ipagdasal nating magkaroon tayo ng ganitong uri ng lakas ng loob sa ating mga hinaharap na suliranin sa buhay natin ngayon.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 10:11
Ako siyang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol.
(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)