Home » Blog » SAINTS OF APRIL: SAN ANSELMO

SAINTS OF APRIL: SAN ANSELMO

ABRIL 21

(Obispo at Pantas ng Simbahan)

A. KUWENTO NG BUHAY

Noong 1033 isinilang sa Aosta sa Piedmont, Italy itong si San Anselmo. Maaga siyang naakit sa buhay-monasteryo sa piling ng mga mongheng Benediktino sa sarili niyang bayan. Hindi nagustuhan ng kanyang ama ang kanyang desisyon na sumapi sa mga Benediktino kung kaya nagpumilit itong lisanin ni Anselmo ang buhay-relihiyoso. Mabigat man sa kanyang kalooban ay tahimik namang pinagbigyan muna ni Anselmo ang kagustuhan ng kanyang magulang.

Pero hindi naging panatag ang kanyang buhay kaya nang magkaroon ng pagkakataon, tumakas siya patungong France. Doon sa Bec, pumasok siyang muli sa monasteryo ng mga Benediktino noong 1059.

Mabilis na lumago sa buhay espiritwal at kabanalan si San Anselmo. Napansin din ang kanyang angking talino at itinalaga siya na maging guro pati ng kanyang kapwa mag-aaral, isang bagay na talagang kahanga-hanga.

Paglipas ng panahon, naging abad o pinuno siya ng kanyang monasteryo. Nakilala siya bilang magaling na tagapamahala, masipag na tagapagtaguyod ng mga reporma sa buhay- monasteryo, at mahusay na tagapangaral ng Salita ng Diyos.

Nagsulat siya ng mga aklat sa teyolohiya na kinikilala sa pagiging hitik sa katotohanan at karunungan. Ang kanyang mga ideya at turo ay naging malaking impluwensya sa pag-aaral ng teolohiya noong huling bahagi ng Middle Ages. Tinagurian tuloy siya bilang “Ama ng Skolastisismo.” Ang Skolastisismo (Scholasticism) ay landas ng kaalaman na siyang ipinatutupad noon sa unibersidad sa Europe, na ang ugat ay ang mga monasteryo.

Isa si San Anselmo sa mga pinakamahalagang tao sa kasaysayan ng Simbahan dahil sa kanyang mga kaisipan na naging sandigan ng mga susunod na salinlahi ng mga mag- aaral at mga iskolar ng simbahan. Magpahanggang ngayon ay binabanggit pa sa pag-aaral ng kasaysayan ng pilosopiya at teyolohiya si San Anselmo, lalo na sa mga seminaryo.

Hinirang siyang maging arsobispo ng Canterbury, England. Masaya niyang pinaglingkuran ang mga tao doon subalit nagkaroon siya ng maraming pakikibaka sa bansang ito. Nakilala siya sa kanyang pakikipaglaban para sa karapatan at kalayaan ng Simbahan. Binangga ni San Anselmo ang hari na si Guillermo II at naging mainit ang kanilang alitan.

Dahil sa mga pakikipagtunggali nito sa hari, si San Anselmo ay dalawang beses na nawalay sa kanyang arkediyosesis upang iwasan ang pagtuligsa sa kanya. Sa awa ng Diyos, nakabalik siya sa kanyang pinaglilingkuran bago siya namatay noong taong 1109.

B. HAMON SA BUHAY

Inilaan ni San Anselmo ang kanyang katalinuhan sa paglilingkod sa Panginoon at sa pagsasabuhay ng maayos at kaaya-aya para sa Diyos at kapwa. Maraming mga taong matalino subalit hindi ibinabalik sa Diyos ang kanilang tinanggap na kaloob.

Anong talino o kakayahan ang iniaalay mo para parangalan ang Diyos?

K. KATAGA NG BUHAY

++ Ef 3:18-19

Malaman nawa ninyo kasama ng lahat ng banal kung ano ang luwang, ang haba, ang taas at lalim—sa maikling salita: malaman nawa ninyo ang pagmamahal ni Kristo na higit pa sa lahat ng kaalaman, upang mapuno kayo papunta sa kapunuan ng Diyos.

From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from https://www.cope.es/religion/vivir-la-fe/oracion-del-dia/noticias/oracion-del-dia-san-anselmo-canterbury-20210421_1248776