SAINTS OF APRIL: SAN ESTANISLAO
ABRIL 11
(Obispo at Martir)
A. KUWENTO NG BUHAY
Ang Krakow sa Poland ay hindi makalalampas sa pansin ng mga Katolikong nabubuhay sa modernong panahon. Ito ay dahil alam nating lahat na ang mahal na mahal nating dating Santo Papa, na si Juan Pablo II, na isa na ring santo ngayon, ay dating arsobispo at Kardinal mula sa Krakow.
Si San Estanislao ay dating obispo rin ng Krakow na paborito at hinangaan ni Papa Juan Pablo II bilang isang banal na halimbawa sa paglilingkod. Ipinanganak si San Estanislao noong 1030 sa Poland. Ang mga magulang daw niya ay kapwa matanda na noong magkaroon sila ng anak sa katauhan ni Estanislao.
Nag-aral sa Paris, France si Estanislao at naging isang pari. Bilang pari ay nagpakitang-gilas siya sa pangangaral at sa paglilingkod bilang isang canon. Nagulat siya nang gawin siyang obispo ng Krakow dahil hindi ito ang kanyang pangarap para sa sarili. Sa katunayan, tinutulan niya ito noong una subalit sa huli ay tinanggap niya din ang malaking responsibilidad na ito.
Bilang obispo, lumabas ang mga magigiting na ugali ng ating santo. Namuno siya bilang isang tunay na mabuting pastol. Una sa kanyang pakay ay hikayatin ang mga pari na mamuhay nang mabuti at banal kaya lagi niyang dinadalaw ang kanyang mga pari taun-taon.
Malaki din ang pagmamahal niya sa mga mahihirap at palagi siyang tumutulong sa mga pangangailangan ng mga ito. Subalit higit sa lahat, si Estanislao ay isang obispong matapang sa pagharap sa tungkulin na ituwid ang mga nagkakamali kahit sino pa man sila. Dumating ang panahon na ang hari ng Poland, si Haring Boleslaw II, ang kanyangpinagsabihan na ituwid ang pamumuhay. Magaling na hari itong si Boleslaw at siya ay matapang na mandirigma. Natalo niya ang mga Russians at umuwi na may dalang tagumpay para sa kanyang bayan. Subalit may kahinaan si Boleslaw dahil hindi maayos ang kanyang moralidad.
May nagustuhan siyang magandang babae na may asawa. Ipinadukot niya ito at iniuwi sa kanyang palasyo upang gawing asawa niya. Nang malaman ito ng obispong si Estanislao, siya ang unang tumuligsa sa hari at hinamon niya ito na magbagong- buhay. Tinakot niya rin ito na ititiwalag sa pananampalataya.
Sa galit ng hari, iniutos niyang ipapatay ang banal na obispo. Pero tatlong beses nabigo ang plano ng hari. Kaya noong huli, siya mismo ang pumatay sa obispo habang ito ay nagmimisa. Naganap ito noong 1079. Parang isang Juan Bautista sa harap ng isang Herodes ang naganap noon sa Krakow.
Nawala sa kapangyarihan ang hari at naitaboy siya sa ibang bansa kung saan nagsimula ang kanyang pagbabago ng puso. Namatay ang dating hari bilang isang lay brother sa isang monasteryo ng Benediktino sa Hungary.
B. HAMON SA BUHAY
Tulad ni San Estanislao, may tapang ba tayo na tumayo sa ating paninindigan kahit na ang ating kaharap ay makapangyarihan o mas maimpluwensya kaysa atin, o mas madali ba ang magbulag- bulagan na lamang sa kamalian?
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 17:12-13
Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang kasulatan. At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan.
From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from Alfa y Omega.