Home » Blog » SAINTS OF APRIL: SAN JORGE

SAINTS OF APRIL: SAN JORGE

ABRIL 23: MARTIR

A. KUWENTO NG BUHAY

Bagamat totoo ang buhay at kamatayan ni San Jorge (St. George), mas maraming nakarating sa atin na impormasyon sa tulong ng mga alamat kaysa sa pamamagitan ng detalye ng kasaysayan. Siya ay isang totoong tao na nabuhay bilang halimbawa ng pagpupugay sa Diyos hanggang sa pagbubuwis ng sarili niyang dugo.

Ayon sa kuwento, si San Jorge ay anak mula sa isang tinitingalang pamilya sa Cappadocia. Naging Kristiyano si San Jorge dahil sa masugid na pagtuturo ng kanyang ina na naging una niyang gabay.

Naging isang sundalo si San Jorge at dahil sa kanyang kagalingan ay maaga siyang nakarating sa mataas na posisyon. Sinasabi na sa murang edad, itinalaga na siya ng emperador Diocleciano sa isa sa mga pinakamataas na katungkulan sa buong nasasakupan ng imperyong Romano.

Si Diocleciano ay naging isang malupit na tagausig ng mga Kristiyano noong panahon na iyon. At nang lumabas ang isang utos na naging isang pagtuligsa sa mga Kristiyano, matapang na ipinahayag ni San Jorge ang kanyang pananampalataya at hindi niya ito itinago sa madla.

Hinarap ni San Jorge ang emperador upang ipagtanggol ang kanyang sarili at ang mga kasamang Kristiyano. Pero dahil sa mapangahas na gawaing ito, ipinadakip siya sa mga sundalong nagpahirap sa kanya sa iba’t ibang nakakagulat na paraan.

Hinampas ang kanyang katawan ng mga kahoy. Pinaso siya ng mga nagbabagang bakal sa katawan. Pinatikim siya ng inuming may lason. Inipit ang kanyang katawan sa pagitan ng mga gulong na may mga tinik. Itinapon ang kanyang katawan sa tinunaw na metal.

Isang himala na hindi namatay agad si San Jorge at ayon sa kuwento ay matagumpay na pinagdaanan niya ang mga pahirap na ito. Ang mga alamat na ito ng katapangan at kagitingan ay nakatulong sa paglaganap ng debosyon kay San Jorge noong unang panahon.

Nagkunwari si San Jorge na siya ay kusang-loob na mag- aalay ng sakripisyo sa altar ng mga pagano sa harap ng mga tao. Subalit nang umakyat na siya sa altar at nakita ang makapal na taong nagmamatyag, taimtim na nagdasal si San Jorge. Isang apoy mula sa langit ang dumating upang puksain ang mga pari ng mga pagano at ang mga tao.

Ayon sa kuwento, noong bandang huli, pinugutan ng ulo si San Jorge at ito ang naging sanhi ng kanyang kamatayan noong taong 303. Bagamat maraming elemento ng alamat sa kanyang talambuhay, tunay na matapang na sundalo ni Kristo si San Jorge.

Sa Simbahang Griyego, si San Jorge ang pinakadakila sa mga martir. Isang simbahan naman ang itinayo sa kanyang karangalan sa Palestina noong ikaapat na siglo, sa ibabaw ng kanyang libingan sa Lydda. Mabilis na kumalat mula Silangan hanggang Kanluran ang kanyang kabayanihan at lumago ang debosyon sa kanya.

Ang bansang Georgia ay ipinangalan sa kanya. Naging santong patron siya ng England at hanggang ngayon sa watawat ng bansang ito ay may krus na tinatawag na Cross of St. George. Sa mga larawan, ipinapakita na nilalabanan ni San Jorge ang isang malaking dragon.

B. HAMON SA BUHAY

Ano ang sikreto ng isang martir? Saan nanggagaling ang kanyang lakas at katatagan? Ang lahat ng ito ay dahil sa Diyos at sa marubdob na pagmamahal ng martir sa kanyang Panginoon. Idalangin natin ang maraming mga Kristiyano sa daigdig na patuloy na nagiging martir dahil sa pagtuligsa ng mga panatiko, ng mga diktador na gobyerno, at ng mga taong nalalabuan ng isip. Nawa’y maging matatag ang mga kapatid nating ito sa gitna ng mga pagsubok.

K. KATAGA NG BUHAY

Lc 9:25

Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)