SAINTS OF APRIL: San Pio V
ABRIL 30: Papa
A. KUWENTO NG BUHAY
Isang dakilang Santo Papa ang ipinagbubunyi natin ngayon. Isinilang siya bilang Miguel Ghislieri malapit sa Alessandria sa Italy noong 1504. Isa siyang binatilyong labing-apat na taong gulang nang magdesisyon siyang maging kasapi ng Dominican Order. Naging pari siya sa samahang ito noong 1528.
Bilang isang pari, naglingkod siya bilang propesor. Naging provincial superior din siya ng mga Dominikano. At naging bahagi siya ng Roman Inquisition.
Hindi nagtagal at nahirang siyang maging obispo noong 1556. At noong 1558 ay ginawa siyang isang kardinal at Inquisitor General ng buong simbahang Katolika. Labag sa kalooban niyang mahirang na Santo Papa noong 1566, subalit dahil sa paghihikayat ni San Carlos Borromeo, ay may kababaang-loob na tinanggap niya ang tungkulin. Ginamit niya ang pangalang Pio V mula noon.
Bilang Santo Papa, hindi maikakaila ng lahat ang kanyang lumulutang na kabanalan. Ang panunungkulan niya ay isa sa mga maipagmamalaki at hanggang ngayon ay niluluwalhati sa kasaysayan ng Simbahan sa ikalabing-anim na siglo.
Hindi madali ang mga pagsubok na hinarap ni San Pio V. Malaking hamon ang panahong ito na tinatawag na panahon ng Counter-Reformation. Ito ang tugon ng Konseho ng Trento na nagnais na ayusin ang mga katiwalian sa Simbahan na naging mitsa para sa paglaganap ng Reformation o ng kilusang sinimulan ni Martin Luther at ng unang mga Protestante sa Europe. Ang Council of Trent (Konseho ng Trento) ang naging sagot ng mga obispo at mga ekspertong Katoliko sa pinsalang dulot ng impluwensya ng mga turo ni Martin Luther at mga tagasunod nito.
Balak ng Counter-Reformation na maibalik, kung maaari, ang mga Katolikong sumama sa hanay ng mga Protestante, at lalo namang mapatingkad ang kabanalan at kaayusan ng Simbahan para sa mga nanatiling tapat sa kanilang pananampalataya. Pinangunahan ito ng mga banal at masisipag na Santo Papa at mga obispo at mga teologo ng Simbahan.
Sinikap ni San Pio V na ayusin ang mga kamalian sa Simbahan. Nagpakita siya ng habag sa mga dukha at mga hamak. Nagtaguyod siya ng mga reporma sa larangan ng pagsamba o liturhiya at sa larangan ng moralidad ng mga kasapi ng bayan ng Diyos. Nakatulong ang kanyang kabanalan dahil kinilala at sinundan ng mga tao ang kanyang pamumuno sa kanila para sa mga pagbabagong ito.
Sa kanyang balikat bumagsak ang pananagutan para sikaping mapigil ang paglaganap ng Protestantismo at gayundin ang tangkang pagsalakay ng mga Muslim na Turko.
Dahil sa kanyang pagtugon sa isyu ng Protestantismo, naging katunggali ng Santo Papa ang emperador ng Germany.
Nakabanggaan din niya ang Reyna ng England na si Elisabet I na naging simula ng malawakang pag-uusig sa mga Katoliko sa bansang iyon.
Si San Pio V ay naging matagumpay sa paghihikayat sa pagsasanib-puwersa ng Spain at Venice upang talunin ang mga Muslim sa Lepanto noong 1571. Dahil dito ay natatag ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo (na ipinagdiriwang pa natin ngayon tuwing Oktubre 7).
Iniutos ng santong ito ang muling pagsasaayos ng aklat- dasalan ng Simbahan na tinatawag na Breviary at gayundin ang aklat sa pagmimisa na tinatawag namang Missal. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, nalimbag ang Roman Catechism na produkto din ng Council of Trent para mas maging malinaw ang paliwanag tungkol sa mga doktrina at kaugalian ng mga Katoliko. Dahil sa mga hakbang na ito, nagkaroon ng higit na pagpapanibago at paglago sa buhay-panalangin ng mga pari at ng sambayanan.
Namatay si San Pio V noong Mayo 1, 1572 subalit ngayon ang kapistahan niya dahil may ibang kapistahan sa araw na iyon, para kay San Jose, Manggagawa.
B. HAMON SA BUHAY
Ang lahat ng pagbabago ng paligid ay dapat magsimula sa pagbabago ng sarili. Naging matagumpay sa reporma si Papa Pio V dahil ang kanyang puso at isip ang una niyang iniayon sa landas ng Panginoon. Bago nating tangkain na baguhin ang kapwa o ang mga sitwasyon sa paligid natin, ipagdasal nating tayo mismo ang magsimula ng pagbabago sa ating sarili.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 21: 17b
Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan [ng Panginoon]: “Iniibig mo ba ako?” Kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa.”
(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)