ANO ANG BANAL NA MISA? PART 6: PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS
Pagkatapos ng Pambungad na Panalangin, uupo ang lahat para sa Liturhiya ng Salita o Pagpapahayag ng Salita ng Diyos.
Ano ang ministerial function o tungkulin sa pagdiriwang nitong mga pagbasa mula sa Bibliya, ang Salita ng Diyos? Bakit binabasa ang Bibliya sa Misa? Hindi tayo nabinyagan upang umawit ng pambungad na awit; at hindi din tayo nabinyagan upang magbasa ng BIbliya. Nabinyagan tayo bilang mga Kristiyano upang pumasok sa pakikipagtipan sa Panginoong Diyos.
Ang pinakamatandang pagdiriwang ng Salita ng Diyos ayon sa Bibliya ay may kinalaman sa Tipanan ng Diyos at ng bayang Israel sa Bundok Sinai (Ex 24: 1-11).
Una, nagkaroon ng pagpapahayag ng Salita. Kinuha ni Moises ang Aklat ng Tipan at binasa ito nang malakas sa harap ng mga tao (Ex 24:7).
Pagkatapos, ginanap ang sakripisyo ng Tipan: kumuha si Moises ng dugo at iwinisik ito sa mga tao (Ex. 24;8).
Sa huli, naganap ang pagsasalo sa piging: Kumain si Moises at ang pitumpung matatanda ng Israel (Ex 24: 9-11).
Kung mapapansin, ganyan ang balangkas o ayos ng Banal na Misa ngayon, hindi ba? Una, may pagpapahayag ng Salita ng Diyos (may unang pagbasa, salmong tugunan, ikalawang pagbasa kung Linggo o kapistahan at Mabuting Balita o ebanghelyo). Ikalawa, may sakripisyo kung saan sa Konsegrasyon, inuulit ng pari ang mga salita ni Moises: Ito ang Dugo ng Tipan. Sa huli, may piging o pagsasalo sa pagtanggap ng Komunyon o Eukaristiya.
Ayon sa Vatican II, lubhang mahalaga ang Salita ng Diyos; at lalong makikita ito sa pagdiriwang ng Misa. Kung paanong pinararangalan ang Katawan ni Kristo, ganoon din pinararangalan ang Salita ng Diyos dahil sa Misa may iisang hapag o mesa ng Salita ng Diyos at ng Katawan ni Kristo. Kaya nga itinuturing na may “tunay na presensya” ni Kristo sa kanyang Salita.
Magkaiba ang dalawang bahagi ng Misa, ang Liturhiya ng Salita at Liturhiya ng Eukaristiya subalit ang dalawang bahaging ito ay lubhang magka-ugnay dahil sila ay tumutukoy sa iisang kilos ng pagsamba. At ang pagsambang ito ang pagdiriwang natin ng Tipan ng Diyos at ng kanyang bagong bayan, ang simbahan.
May bahagi sa kasaysayan na nakalimutan ng mga Katoliko ang kahalagahan ng Salita ng Diyos subalit ito ngayon ang nais ng Vatican II na maipanumbalik, ang mailagay ang Salita ng Diyos sa marangal na posisyon nito sa buhay ng bawat Katoliko at ng bawat pamayanang Kristiyano.
ourparishpriest 2023