BACLARAN: SIMBAHANG DINAYO NG MGA SANTO
Ang Baclaran Church kung saan dinadagsa ng mga tao ang icon o larawan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo (Perpetual Help) ay hindi lamang tanyag sa mga Pilipino. Nakilala din ito at pinuntahan ng mga taong matapos ang kanilang buhay sa lupa ay naging mga santo sa simbahan.
Napadaan si Cardinal Karol Wojtyla noong 1973 sa Pilipinas nang mag-stop over ang kanyang eroplanong sinasakyan bago tumuloy sa Australia. Sumakay ito ng taxi at humiling na dalhin siya sa pinakamalapit na simbahan at doon siya nakarating sa Baclaran Church sa unang pagkakataon. Nakapagmisa siya dito bilang Cardinal-Archbishop ng Krakow, Poland.
Photo from “FilipiKnow” website
Pagbabalik niya sa Pilipinas noong 1981 bilang si Pope John Paul II, muling siyang nagtungo sa Baclaran Church upang pulungin ang mga madre at mongha ng Pilipinas. Noong una siyang dumating noong 1973, wala halos nakapansin sa kanyang pagdalaw at pagmimisa sa Baclaran. Subalit pagbabalik niya bilang Santo Papa, napakaraming mga tao ang sumalubong at nakinig sa kanya.
Photo from Baclaran Phenomenon blog
Sino ang makapagsasabing ang unang Santo Papa na dumalaw sa Baclaran bilang arsobispo (1973) at Santo Papa (1981) ay tatanghalin bilang santo ng simbahan – ngayon siya ay si St. John Paul II na!
Photo from Baclaran Phenomenon blog
Photo from Flicker
Kabilang naman sa mga madreng dumalo sa pulong na iyon noong 1981 si Mother Teresa ng Calcutta, kasama ang 80 madre ng kanyang congregation na Missionaries of Charity. Matapos ang kanyang buhay sa lupa, siya din ngayon ay kilala na bilang St. Teresa of Calcutta, isang ganap na santa. Isa din siya sa mga banal na taong dumalaw at nagdasal sa dambana ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran.
Photo from “Angelus” website
Halina at dalawin natin ang Mahal na Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran Church. Ang simbahang ito ngayon ay bukas 24 oras araw-araw para sa mga deboto at sa lahat ng nangangailangan ng kapayapaan at katahimikan ng puso. Mabuhay ang Ina ng Laging Saklolo!