Home » Blog » ANO ANG BANAL NA MISA? PART 10: ANG HOMILIYA

ANO ANG BANAL NA MISA? PART 10: ANG HOMILIYA

Lubhang mahalaga ang homiliya (na dating tinatawag na sermon) ng pari sa Misa. Sa pinakasimpleng anyo nito, ito ay ang pagpapaliwanag at pagsasalin sa aktuwal na buhay ng mga tao ng mensahe ng Salita ng Diyos. Sa pinakamataas na anyo nito, ito ang pagbibigay-buhay sa Salita ng Diyos sa gitna ng nagdiriwang ng pamayanan. Sa Griyego, ang salitang “homilia” ay may kahulugang pagtatagpo, pagsasama at pamilyar na pakikipag-usap.

Dapat ituring ang homiliya na bahagi ng hiwaga ng buhay ng Panginoong Hesus. Si Hesus ay tila karaniwang tao subalit siya ang Anak ng Diyos. Ang homiliya ay tila karaniwang pagpapaliwanag lamang subalit ito din ay Salita ng Diyos. Hindi kapantay sa Bibliya subalit ito ay tunay sa mensahe ng Diyos para sa mga natitipong pamayanan.

Ang pamantayan (rule) sa paring nangangaral sa homiliya ay: “Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral” (1 Ped 4:11). Ang pamantayan (rule) naman sa nakikinig ay: “…hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya” (1 Tess. 2:13). Kung paanong ang Espiritu Santo lamang ang makagagawa na ang tinapay ay maging Katawan ni Kristo, gayundin, ang Espiritu Santo ang makagagawa na ang mga salita ng pari ay gawing tunay na Salita ng Diyos para sa nakikinig.

Bagamat laganap na ang Bibliya ngayon, maraming Katoliko na ang tanging pakikinig sa Bibliya ay tuwing Misa, at ang tanging pagtanggap ng paliwanag nito ay sa homiliya ng pari. Hindi naman tayo tinatawag na maging pamayanan ng mga eksperto sa Bibliya o mga kabisote sa Bibliya tulad ng maraming grupo ng mga Protestante, subalit tayo ay tinatawag na maging simbahang naka-ugat sa Salita ng Diyos. At ang homiliya ay isang “mahigpit na pangangailangan” kung talagang magbabago at mapapanariwa ang ating mga pamayanan.

Bagamat ang pari lamang ang nangangaral sa Misa, lahat ng Katoliko ay mga tinig o boses din ng Diyos sa kanilang kapwa at dapat maging handang magbahagi ng Salita ng Diyos sa paraang makakayanan nila.

Ang homiliya ay dapat tanggapin sa katahimikan ng puso at pagkatapos ay magdala sa isang tao sa panalangin at pagsamba sa Panginoong Hesus.