ANO ANG BANAL NA MISA? PART 9: ANG MABUTING BALITA
Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita o Ebanghelyo ang taluktok ng Liturhiya ng Salita. Lahat ng pagbasa, mula sa Lumang Tipan, Salmo, at Bagong Tipan, ay may parehong karangalan tulad ng Mabuting Balita. Subalit dito sa pagpapahayag ng Mabuting Balita higit na nadarama ang sinabi ng Vatican II na: “Si Kristo ay nagsasalita sa tuwing binabasa ang Salita ng Diyos sa simbahan.”
Ang mga salita ng Panginoong Hesus ang tila korona sa mga salita ng mga propeta (Heb 1: 1-2): “Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit sa mga huling araw na ito, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay.”
Ang mga pagbasa sa Misa ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng Israel at ng simbahan. Sa halip, ito ay isang tunay na pagdiriwang kay Kristo, lalo na ang pagbasa ng Mabuting Balita. Ang Panginoong Hesus ang talagang ipinagbubunyi at hindi ang aklat na binabasa lamang. Kaya nga ang ating tugon ay: “Papuri sa iyo, Panginoon,” at “Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo” sa simula at sa katapusan ng pagbasa nito.
Mapapansin na matapos ang pagpapahayag ng Mabuting Balita, hinahalikan ng pari ang aklat bilang tanda ng paggalang. Sa ating pagsamba, ang pagpipitagan sa Mabuting Balita ay tunay na pagpaparangal at pagsamba kay Kristo.