SAINTS OF AUGUST: San Pedro Julian Eymard (Pari)
AGOSTO 2
A. KUWENTO NG BUHAY
Isang maipagmamalaking simbahan sa puso ng Maynila ang Sta. Cruz Church kung saan maraming mga propesyonal at mga estudyante ang nagpupunta. Dito, kung saan laging nakatanghal ang Banal na Sakramento (Blessed Sacrament), tahimik na nakapagdarasal ang mga tao. Madalas din dito ang pagkukumpisal dahil sa dedikasyon ng mga paring nagpapalakad ng simbahan.
Ang namamahala ngayon sa Sta. Cruz Church ay ang Congregation of the Blessed Sacrament (SSS Fathers and Brothers). Ito ang isa sa mga religious congregation na pamana sa atin ni San Pedro Julian Eymard.
Noong 1811, ipinanganak sa simpleng pamilya si San Pedro Julian. Kasagsagan noon ng pagkapoot ng mga tao sa simbahan at sa mga pari sa France (anti-clericalism). Tutol ang ama ni Pedro Julian sa kanyang naisip na buhay. Ilang beses sumubok si Pedro Julian na pumasok sa buhay pagpapari bago siya tuluyang tinanggap.
Naging pari siya noong 1834. Nagsimulang lumalim ang kanyang pagnanais na matagpuan ang tunay na kabanalan. Pumasok siya sa Marist Congregation at iniwan niya ang kanyang diyosesis. Dito sa bagong pamayanan, sa gitna ng maraming gawain niya, yumabong ang kanyang pagmamahal sa Blessed Sacrament, kay Kristo na nasa Eukaristiya.
Nakita rin sa kanya ang pamumulaklak ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria. Madalas na dumadalaw siya sa mga lugar kung saan nakatampok ang mga apparition o pagpapakita ng Mahal na Birhen.
Dahil sa tibay ng kanyang debosyon sa Eukaristiya, itinatag niya ang Congregation of the Blessed Sacrament. Noong una, nahirapan siya sa bagong hakbang na ito. Subalit kailangangkailangan noon ng mga pari na maghahanda sa mga bata at matatanda upang tumanggap ng Banal na Komunyon. Kailangan din ng mga pari na mag-aakay sa mga tao at magpapahayag ng Mabuting Balita lalo na sa mga naligaw na mula sa landas Kristiyano.
Unti-unting umunlad ang grupo na itinatag ni San Pedro Julian sa kabila ng maraming problema. Tinuruan niya ang mga kasamahan na parehong maglingkod sa simbahan at magdasal at sumamba sa Diyos sa Banal na Sakramento. Naisip din niya na hikayatin ang lahat ng mga tao, kasama ang mga madre at mga layko, na maging masigasig sa pagmamahal sa Banal na Sakramento.
Nakapagtatag din si San Pedro Julian ng isang kongregasyon para sa mga madre. Nagsulat siya ng mga aklat upang tulungan ang mga tao sa pagtuklas sa buhay ispirituwal.
Namatay si San Pedro Julian noong Agosto 1, 1888 at natanghal na santo noong 1962.
B. HAMON SA BUHAY
Mahalaga ba sa iyo ang Eukaristiya? Minsan, kailangan nating labanan ang pagkabagot sa pagdalo sa Misa at piliting hanapin ang malaking kaugnayan nito sa ating buhay. Maganda ring pag-ibayuhin ang debosyon sa Eukaristiya sa pagdalaw sa adoration chapel at pagdarasal nang tahimik doon. Tularan natin si San Pedro Julian Eymard sa kanyang pagmamahal kay Jesus sa sakramento ng kanyang Katawan at Dugo.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 15:16
Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko.
From the book “Isang Sulyap sa Mga Santo” by Fr. RMarcos