Home » Blog » ANO ANG BANAL NA MISA? PART 17: ANG PANALANGING EUKARISTIKO (PASASALAMAT)

ANO ANG BANAL NA MISA? PART 17: ANG PANALANGING EUKARISTIKO (PASASALAMAT)

Matapos ang paghahanda ng mga handog, dadako tayo sa Panalanging Eukaristiko, na siyang naglalaman ng bahagi ng Misa kung saan ang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo sa pag-alala sa kanyang Huling Hapunan. Iba’t-iba ang tawag sa Panalanging Eukaristiko o Panalangin ng Pasasalamat at Papuri. Sa mga Griyego, ang tawag ay “anaphora” na ang kahulugan ay “pag-akyat” o “pagtataas,” na tumutukoy  sa pagtataas ng alay sa Diyos.  Sa tradisyong Romano, ang tawag dito ay “canon,” na tumutukoy sa batas na siyang pinagbabatayan ng kilos-pagsamba. Kasama dito ang kaisipan na ang batas na ito ay matibay at hindi mababali. Kaya maraming nagulat nang inilagay ni Pope John XXIII sa Panalanging Eukaristiko ang pangalan ni San Jose noong 1962. Mula Vatican II, ang tawag sa bahaging ito ng Misa ay Eucharistic Prayer o Panalanging Eukaristiko, na siyang pinaka-angkop na tawag dito ngayon.

Kung ang panalangin ng Panginoong Hesus ay nakaugat sa panalangin ng mga Hudyo, ang Panalanging Eukaristiko, tulad ng ibang panalanging Kristiyano, ay nakaugat din sa tradisyon ng Israel. Ang pinakamalapit na panalanging Hudyo sa ating Panalanging Eukaristiko ay ang pagbabasbas na Yotser, na kasama sa pagbigkas ng Shema Israel. Nagsisimula ito sa pasasalamat sa Diyos pagkatapos may bahagi na pagbubunyi sa kabanalan ng Diyos, at nagtatapos sa mga kahilingan.

Ang pinakamalapit na sinaunang panalanging Kristiyano naman sa Panalanging Eukaristiko ay ang naroroon sa lumang dokumento na tinatawag na Didache. Nagtataglay ito ng panalangin sa piging na tinatawag na agape o iyong pagsasalo bago ang Eukaristiya (1 Cor 11:17-22); at tila din ito isang tunay na Panalanging Eukaristiko ng mga unang Kristiyano.

Ang kinikilala namang pinakamatandang Panalanging Eukaristiko ay iyong kay Hipolito ng Roma sa dokumentong Apostolic Tradition (215). Kahanga-hanga ang kasimplehan ng panalanging ito. Noong una, maaaring gumawa ng sariling Panalanging Eukaristiko ang punong tagapagdiwang o obispo. Noong ika-4 hanggang ika-5 siglo, unti-unting naisulat na ang pormula ng mga panalangin. Napakaganda at malikhain ang mga sinaunang panalanging isinulat noon tulad ng Panalanging Eukaristiko ni Serapion sa Silangan at ang Canon ni San Ambrosio naman sa Kanluran.

ourparishpriest 2023