ANO ANG BANAL NA MISA? PART 20: ANG PREPASYO/ PASASALAMAT
Ang Prepasyo ay panalangin ng pasasalamat na ipinapahayag sa harap ng pamayanan. Ito ay tila isang tula, isang sigaw ng kagalakan at pagkilala, isang awit ng papuri dahil sa natuklasang pagliligtas ng Diyos. Tulad ng mga sinaunang mga prepasyo (kay Hipolito at sa Addai at Mari) ang prepasyo ay dapat maging katangi-tanging saksi sa papuring dulot ng isang buhay o pag-iral na puno ng pagpapala.
Hindi perpekto ang panalangin ng prepasyo. Ang iba ay tila nasa antas lamang ng katalinuhan at ang iba ay tila nakakabagot pakinggan. Mayroon ding tila lunod naman sa damdamin o kaya ay tila nakapako sa isinaulong mga pormula lamang. Mayroong prepasyo na tila walang damdamin at tila kaylayo sa ating karanasan. Hindi kayang pasayahin ang lahat ng tao ng iisang prepasyo lamang sa Misa, dahil maraming iba’t-ibang paraan ng pagpapasalamat sa Diyos.
Noong una, ang bawat Misa ay may sarili niyang prepasyo, tulad na lamang ng Leonine Sacramentary na nagtataglay ng 269 na prepasyo. Sa pagsasaayos ng liturhiya, dapat maging bukas para sa marami pang ibang prepasyo na magpapakita ng pagkamalikhain ng pamayanan sa pagpupuri at pagpapasalamat.