Home » Blog » IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

ANG PAGSAWAY NG PAG-IBIG

MT. 16: 21-27

MENSAHE

Sa buhay ni San Pedro sa panahon ng ministeryo ni Hesus, may dalawang hindi makakalimutang tagpo: ang una ay ang pagtitiwala sa kanya ni Hesus ng susi ng Kaharian, bilang pinuno ng kanyang simbahan, at ang ikalawa ay ang tahasan ngunit banayad na pagsaway sa kanya ni Hesus dahil sa maling kaisipan niya hinggil sa pagiging alagad. Nang hirangin ng Panginoong Hesus si Pedro bilang pinuno ng kanyang sambayanan sa lupa hindi nangangahulugan nito na perpekto si Pedro o na dapat siyang magpanggap na perpekto na siya. Kahit siya ay “bato”, narito at nagkamali pa rin siyang isipin na ang Mesiyas ay hindi dapat magdusa at mamatay para sa kanyang misyon. Sa katunayan, iniisip ni Pedro na walang puwang ang pagpapakasakit sa pananaw ng Diyos para sa Kaharian, maging kay Hesus man o sa kanyang mga alagad. Dahil responsableng guro ang Panginoon, hindi niya pinalampas ang pagkakataon na hindi mapansin o maituwid ang kamaliang ito. Bahagi ng tiwala niya at ang pagmamahal niya para kay Pedro ang patuloy na paggabay dito tungo sa katotohanan. Maingat niyang sinaway si Pedro, bagamat mabibigat ang kanyang salita, upang magising ito sa landas na tama. At sa bahagi naman ni Pedro, makikitang nanatili itong mababang-loob, nakinig at tinanggap ang aral ng Panginoon at handang sumunod dito. Sa tamang panahon, alam nating, isasabuhay din ni Pedro ang pagpapasan niya ng krus at pag-aalay ng sariling buhay para sa Ama at sa kanyang Kaharian.

MAGNILAY

May ugali tayong gusto nating ang mga ugnayan natin ay laging maayos at walang gusot. Takot tayong magsalita ng pagtatama sa nagkamali, ng pagtutuwid sa nalilihis, ng pagwawasto sa nasira, o sa pagbasag ng katahimikan, dahil baka tayo makasakit ng damdamin o makasira ng ugnayan. Ipinakikita sa atin ng Panginoong Hesus na ang pagmamahal, maging ng Diyos at ng tao man, ay may kalakip na pagbabahagi ng katotohanan at pagsisikap na maitatag ito. Tinatawag ka ba ngayon na magtuwid ng isang minamahal mo o kakilala mo? O may kababaang-loob ka bang tumatanggap ng pagtutuwid at pagsaway kung ikaw naman ang nagkakamali sa isip o kilos mo? Hilingin ang tapang na sumaway sa pagkakamali at ang kapakumbabaan na tumanggap ng mapagmahal na pagtutuwid ng iba.

ourparishpriest 2023