ANO ANG BANAL NA MISA? PART 24: SINO ANG NAGKO-KONSEGRA
Sa Misa ay madiing tinutukoy ang kababaang-loob ng paglilingkod ng pari. Madalas sabihing ang pari ang nagko-konsegra subalit malayo ito sa katotohanan. Siya ang nagsasalita, sa ngalan ng bayan ng Diyos upang isugo ng Ama ang Espiritu Santo sa mga handog na magiging Katawan at Dugo ng ating Panginoong Hesukristo. Litaw na litaw ito sa Ikatlong Panalanging Eukaristiko:
“Ama, isinasamo naming pakabanalin mo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ang mga kaloob na ito na aming inilalaan sa iyo…”
Kaya, ang Diyos Ama ang gumaganap ng konsegrasyon, ang nagbabago ng tinapay at alak sa Katawan at Dugo ng kanyang Anak na si Hesus, sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang pari ay tagabigkas lamang ng mga salita, bilang kinatawan ng sambayanan. Kung paanong isinugo ng Ama ang Espiritu Santo sa Mahal na Birheng Maria nang ipaglihi si Hesus sa kanyang sinapupunan, gayundin, isinusugo sa bawat Misa ang Espiritu Santo upang ganapin ang presensya ng Panginoong Hesus sa gitna ng nagdiriwang na mga Kristiyano. At ang pamayanang Kristiyano ay nagpapasalamat sa Ama sa pamamagitan ng Anak kaisa ng Espiritu Santo.