Home » Blog » SAINTS OF OCTOBER: SAN JUAN LEONARDO, PARI

SAINTS OF OCTOBER: SAN JUAN LEONARDO, PARI

OKTUBRE 9

A. KUWENTO NG BUHAY

Taong 1541 noong ipinanganak si San Juan Leonardo. Isa siyang Italyano mula sa bayan ng Lucca.  Pagdaan ng panahon, gagamitin ng Diyos ang taong ito upang makilala ang Mabuting Balita ng mga taong higit na nangangailangan ng mensahe ng pagliligtas ng Diyos.

Si San Juan ay nagsimulang magtrabaho bilang isang parmasyotiko (pharmacist). Iniwan niya ang kanyang propesyon nang maramdaman niya ang tawag ng Diyos upang higit na maglingkod. Dalawamput limang taong gulang siya nang magsimula siyang mag-aral tungo sa pagpapari.

Nang maging ganap na pari, unang naging misyon ni San Juan ang magbigay ng aral sa katesismo sa mga bata at sa mga kabataan. Hindi nagtagal at itinatag niya ang isang bagong religious congregation. Tinawag itong Clerks Regular of the Mother of God of Lucca.

Malaki ang kontribusyon ng congregation na ito sa pagpupunyagi ng mga Katoliko noong panahong iyon upang isaayos ang pananampalataya matapos ang pinsalang dulot ng Reformation movement (ang pag-usbong ng Protestantismo sa Europe).  Sinikap ng grupo ni San Juan na palalimin ang debosyon ng mga tao sa Mahal na Birheng Maria at sa Banal na Eukaristiya.

Hindi lahat ay tagumpay para kay San Leonardo at mga kasama niya. Dumanas sila ng pagtuligsa mula sa kanilang sariling lungsod sa Lucca. Dahil dito ay napilitan silang umalis doon at dalhin ang kanilang nasimulan sa Roma. Dito naman sa Roma ay tinanggap nila ang positibong pagtanggap ng Santo Papa sa kanilang mga adhikain.

Nakilala niya sa Roma ang banal na si San Felipe Neri na kilala sa kanyang kabutihang loob at sa pagiging masayahin at magiliw na santo. Sa katunayan, naging spiritual director o tagapayo niya si San Felipe.  Humanga din si San Felipe sa mga ugali at katangian na ipinakita ni San Juan. Nakita ni San Felipe na si San Juan ay may katatagan at karunungan sa pagpapasya.

Isa sa mga mungkahi ni San Felipe kay San Juan ay ang magpadala ng mga miyembro ng kanyang religious congregation para sa gawain ng misyon sa malalayong lugar.

Sa tulong ng obispong Espanyol na si Vibes, nagtatag si San Juan ng seminaryo ng Propagation of the Faith (pagpapalaganap ng pananampalataya). Ang layunin ng seminaryong ito ay hubugin ang mga pari mula sa malalayong bansang sakop ng misyon ng simbahan.

Noong 1609 binawian ng buhay si San Juan Leonardo sa Roma. Maging sa kanyang kamatayan, inialay niya ang kanyang buhay para sa mga kasapi ng kanyang congregation na dumaranas ng karamdamang dulot ng epidemya noon sa lugar.

B. HAMON SA BUHAY

Suportahan natin ang misyon ng simbahan sa pamamagitan ng pagdarasal para sa mga misyonero na matapang na pumupunta sa malalayong lugar upang maglingkod. Magbigay din tayo ng tulong pinansyal para sa mga pangangailangan ng mga misyonero.  Ipagdasal nating maging misyonero din tayo ng Diyos saanman tayo naroroon ngayon.

K. KATAGA NG BUHAY

Mk 10, 40

Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.

(From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)