Home » Blog » SAINT OF NOVEMBER: SANTA CATALINA NG ALEXANDRIA, MARTIR

SAINT OF NOVEMBER: SANTA CATALINA NG ALEXANDRIA, MARTIR

NOBYEMBRE 25

A. KUWENTO NG BUHAY

Kilala ang Dumaguete bilang isa sa pinakamagandang lungsod sa buong bansa. Ito ay university city sa dami ng pamantasan at kolehiyo sa lugar, na dinadayo ng mga estudyante mula sa Visayas, Mindanao, maging mula sa Luzon at sa ibang bansa. Tahanan ito ng unang pamantasang Protestante, ang Silliman University na bantog sa buong mundo.  Higit sa lahat, ang lungsod ay tinaguriang “city of gentle people” dahil sa kabutihang-loob ng mga taong nakatira doon.

Hindi alam ng marami na ang patron saint ng Dumaguete ay si Santa Catalina ng Alexandria, isang magiting na babaeng Kristiyano noong unang panahon. Sa katedral ng lungsod, makikita ang mga imahen na nagpapahiwatig ng kahulugan ng buhay ng santa – isang magandang kabataang babae na may hawak na gulong na may mga pako (instrumento ng torture).

Si Santa Catalina ay tubong Alexandria (bandang 287) sa bansang Egipto at mula sa mayamang pamilya.  Bilang isang kabataan, nakakita ng pangitain ng Mahal na Birhen na dala ang Sanggol na si Jesus si Santa Catalina. Dahil dito, niyakap niya ang pananampalatayang Kristiyano.

Bukod sa pagiging isang magandang dalaga, si Santa Catalina ay puno ng karunungan. May likas siyang pagmamahal sa pag-aaral at pagsasaliksik kaya lumawak pa ang kanyang kaalaman. Tulad ni Haring Solomon, nagdasal siyang magtamo ng karunungan mula sa Diyos (Kar 7: 7-12).

Nang magsimula ang pagtuligsa at pag-uusig sa mga Kristiyano, hinarap ni Santa Catalina ang emperador Maxentius upang mangatuwiran laban dito. Tinawag ng emperador ang kanyang mga matatalinong tagapayo, 50 pilosopo (philosophers), upang makipag-debate sa dalaga.

Walang nagawa ang mga tauhang ito ng emperador sa mga argumento ni Santa Catalina. Hindi lamang na hindi nila naitumba ang paninindigan ng santa kundi marami din sa kanila ang naging Kristiyano matapos madinig ang mga salita ni Santa Catalina.  Ipinapatay agad ang mga ito ng emperador dahil sa sobra niyang galit.

Hinagupit bilang parusa ang dalaga pero hindi siya natinag. Pagkatapos ay itinapon sa piitan si Santa Catalina kung saan dinalaw siya ng maraming panauhin. Mahigit sa 200 tao ang dumalaw sa kanya kasama na ang asawa ng emperador na si Valeria. Lahat ng mga ito ay naging Kristiyano dahil sa pakikipag-usap sa santa. Lahat din sila ay ipinapatay ng emperador.

Kung hindi makukuha ang dalaga sa tulong ng torture at pagkapiit, naisipan ng emperador na alukin si Santa Catalina upang maging asawa niya. Dito madiing tumanggi ang santa dahil inialay na niya ang kanyang puso at kaluluwa sa Panginoong Jesukristo bilang kanyang kaisa-isang minamahal, ang kanyang natatanging esposo.

Nagdesisyon ang emperador na pahirapan si Santa Catalina sa pamamagitan ng gulong na may mga matatalim na pako (tinatawag din St. Catherine’s wheel). Nang hawakan ng santa ang gulong, ito ay biglang nawasak.  Dahil dito, pinugutan ng ulo ang santa na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Isang alamat ang nagsasabi na dinala ng mga anghel ang katawan ni Santa Catalina sa Bundok ng Sinai kung saan mayroon ngayong monasteryo na nakapangalan sa kanya. Napakaraming mga deboto ang nagpupunta upang magdasal dito, kasama na rin ang mga iskolar at mga turista.

Patron saint si Santa Catalina ng mga guro at mag-aaral, laybraryan, abogado, mga mangangaral at mga pantas sa pilosopiya.  Isa sa mga sikat na Fourteen Holy Helpers (14 na mga patron saint na kinikilala sa Europa na mabisa ang pagdarasal o pamamagitan para sa mga kahilingan ng mga tao).  Namatay si Santa Catalina noong siya ay 18 taong gulang lamang noong bandang taong 305.

B. HAMON SA BUHAY

Kabataan, kagandahan, karunungan, kalinisan at kamatayan – lahat ay buong tapang na inialay sa Diyos ng isang 18 taong gulang na babae. Ano kaya ang hinihingi sa atin ng Panginoon na isuko sa kanya ngayon?

K. KATAGA NG BUHAY

Lk 10, 42

Isa lamang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)

1 Comments