Home » Blog » SAINTS OF NOVEMBER: SANTA ISABEL NG UNGGARIA (HUNGARY)

SAINTS OF NOVEMBER: SANTA ISABEL NG UNGGARIA (HUNGARY)

NOBYEMBRE 17

A. KUWENTO NG BUHAY

Dahil sa kanyang mga kawanggawa sa mga mahihirap, may mga tao na nag-udyok sa pinunong si Luis na pagduduhan ang kanyang asawang si Isabel na nagnanakaw sa palasyo para ipamigay sa mga dukha.  Minsan nakita ni Luis ang kanyang asawa na pabalik sa palasyo mula sa pamumudmod ng tinapay sa mga nagugutom.

Napansin ni Luis na tila may bagay na nakatago sa loob ng balabal ni Isabel. Inutusan ni Luis na ipakita sa kanya ng kanyang minamahal na asawa ang laman ng kanyang balabal.  Nang iladlad nito ang kanyang balabal, bumuhos sa lupa ang mga bulaklak na rosas, kulay puti at pula. 

Gulat na gulat ang pinunong si Luis sa himalang nakita niya.  Taglamig noon at balot ng yelo ang paligid; paano magkakaroon ng bulaklak, lalo na ng mga napakagandang mga rosas.

Ito ang pinakasikat na kuwento ng himala sa buhay ni Santa Isabel.  Halos may pagkakahawig sa himala ng mga rosas sa buhay ni San Juan Diego, ang visionary ng Mahal na Birhen ng Guadalupe, at ng iba pang mga santong nakaranas ng tinatawag na miracle of roses (himala ng mga rosas).

Ipinanganak si Santa Isabel noong 1207.  Isang siyang prinsesa na anak ni Haring Andres II ng Hungary at ng asawa nitong si Gertrude.

Naipangako ang batang prinsesa na ipakakasal sa magiging pinuno noon ng Thuringia (Germany) na si Luis IV, isang Landgrave. Ang landgrave ay isang titulo ng isang lalaki mula sa pamilyang may dugong bughaw, at namumuno sa isang teritoryo sa ngalan ng emperador. 

Ikinasal nga si Santa Isabel noong siya ay 14 taong gulang na kay Luis IV. Isang maligayang pagsasama ang nabuo sa pagmamahalang ito. Nagkaroon sila ng tatlong anak.  Bukod sa pagiging maasikasong asawa at mapagkalingang ina, si Santa Isabel ay punong-puno ng pagmamahal sa mga mahihirap.

Hindi pinigilan ni Luis ang kanyang asawa. Sa halip ay pinayagan niya ito sa kanyang pagbibigay-pansin sa mga dukha. Alam ni Luis na ang ginagawa ni Santa Isabel ay magdudulot ng maraming biyaya sa kanila. 

Mabait na tao si Luis. Nang mamatay siya sa gitna ng isang krusada (ang krusada ay kampanya para mabawi ang Holy Land sa Israel, mula sa kamay ng mga Muslim), kinilala din siya bilang isang banal na tao ng kanyang mga nasasakupan, kahit na hindi siya pormal na na-canonize.

Nang maging biyuda si Santa Isabel, lalo siyang naging malaya na maglingkod sa mga mahihirap. Iniwanan niya ang palasyo.  Ipinagkatiwala niya ang kanyang mga anak sa pangangalaga ng ibang tao.  Sinundan niya ang halimbawa ni San Francisco de Asis, lalo na ang pamumuhay sa kapayakan.

Maraming nag-udyok sa kanya na mag-asawa uli, pero ayaw ni Santa Isabel. Itinalaga niya ang sarili sa paglilingkod sa mga maysakit sa ospital na siya din ang nagtatag.  Dinalaw niya ang mga tao sa kanilang mga hamak na tirahan. Nagtahi siya ng mga damit para sa mga mahihirap. Naghugas at hinalikan niya pati ang paa ng mga ketongin. Isa siya sa patron saint ng mga Third Order Franciscans.

Noong 1231, sa batang-batang edad na 24, namatay nang payapa si Santa Isabel. Ang panganay niyang anak ang nagmana ng posisyon ng kanyang ama.  Ang isang anak na babae ay nakapag-asawa. Ang isa naman ay naging pinuno ng isang monasteryo ng mga mongha.

B. HAMON SA BUHAY

Tunay na lalong pinagpapala ng Panginoong Diyos ang mga taong maawain at matulungin sa mga dukha.  Ipagdasal nating gamitin tayo ng Diyos sa pagtulong sa ating kapwang nangangailangan ng ating pagmamahal.

K. KATAGA NG BUHAY

Mt 23, 11-12

Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)

2 Comments