ANO ANG BANAL NA MISA? PART 34: PAGBIBIGAYAN NG KAPAYAPAAN
Ayon sa liturhiya, humihingi ang mga tao ng kapayapaan at pagkakaisa ng simbahan at ng buong sangkatauhan, at ipinapahayag nila ang kanilang pagmamahal sa isa’t-isa bago tumanggap ng iisang Tinapay na Katawan ni Kristo. Ipinapa-alala sa atin ang mga salita ng Panginoong Hesukristo tungkol sa pakikipagkasundo sa kapatid bago maghandog ng alay sa templo (Mt 5: 23-24).
Ang pagbibigayan ng kapayapaan ay gaganapin kung naaangkop sa panahon. Sa ibang bansa may mga Misa na hindi ginagawa ito subalit dito sa Pilipinas halos walang Misa na walang “Peace be with you” dahil laging angkop ito sa ating katayuan o situwasyon. Sa anong paraan ba dapat magbahagi ng kapayapaan? Bahala ang mga obispo kung ano ang tamang paraan depende sa ugali o kaisipan ng mga tao. Sa Pilipinas, may nagka-kamayan (handshake), may nagtatanguan habang bumubulong, at may ibang kilay lang ang pinakikilos ay ayos na ang kapayapaan!