ANO ANG BANAL NA MISA? PART 36: PAGHAHALO NG TINAPAY SA ALAK
Sa simpleng rito na ito, matapos hatiin ang Tinapay, naghuhulog ng kapirasong tinapay ang par isa kalis na naglalaman ng alak. Walang paliwanag habang ginagawa ito at tila hindi naman nakikita ang kahalagahan ng kilos na ito at maging ang kabuluhan nito para sa atin. Gayunpaman patuloy itong bahagi ng Misa dahil sa pagsunod sa tradisyon. Maaaring nanggaling ito sa mga lumang kaugalian.
Noong una kasi, may tinatawag na “fermentum” o bahagi ng Tinapay mula sa Misa ng Santo Papa sa Roma na ipinadadala sa mga pari ng malalayong simbahan na hindi makadadalo sa Misa ng Santo Papa; ang paglalagay ng Tinapay na ito sa kalis ng mga pari ay tanda ng kanilang pagkaka-ugnay sa Santo Papa at pagkakaisa ng mga kaparian ng Roma. Maaari din na noong una, ang mga Ostia na nakalaan sa mga maysakit at hindi nagamit (at dahil doon ay tumigas na) ay inihuhulog sa kalis upang lumambot at matanggap ng pari at nang sa gayun ay maubos na at mapalitan ng bagong Tinapay.
Isang magandang paliwanag din ang symbolismo ng paghahalo na ito ng Tinapay at Alak. Ang Tinapay ay tanda ng Katawan ni Kristo, at ang alak, ang kanyang Dugo. Dahil sa altar, mistulang magkahiwalay ang mga ito (na tanda naman ng kamatayan ng Panginoon), ang paghahalo o pagsasama ng mga ito ay tanda naman ng Muling Pagkabuhay.
Ibinubulong ng pari habang ginagawa ang rito: “Sa pagsasawak na ito ng katawan sa Dugo ng aming Panginoong Hesukristo tanggapin nawa naming sa pakikinabang ang buhay na walang hanggan.” Dahil ito ay pabulong (secreto), hindi na kailangan pang bigyan ng malalim na pakahulugan ang kilos na ito.